Isa ang Filipina travel vlogger na si Krysten Boado, 25, sa naipit sa Kyiv, ang capital city ng Ukraine, nang pasukin ito ng Russian troops.
Mas kilala si Krysten sa kanyang vlogger name na Krysten Kaladkarin.
Nakapanayam siya ng GMA-7 journalist na si Howie Severino noong March 14, 2022.
Ayon kay Krysten, isa siya sa mga nag-volunteer para tumulong na ipagtanggol ang Kyiv.
Hindi siya humahawak ng armas dahil wala siyang military training, pero kasama siya sa paghahanda at distribusyon ng suplay sa mga frontline combatants.
NAPAMAHAL NA SA KANYA ANG UKRAINE
Tubong Bulacan si Krysten. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Journalism sa University of the Philippines noong 2017.
Agad siyang nag-travel pagka-graduate at nakarating na sa halos 12 bansa. Noong 2021 ay pinayagan siya ng Ukraine na makapasok doon kahit kasagsagan ng pandemya.
Napamahal na kay Krysten ang Ukraine. Nagtrabaho siya roon bilang guro sa isang alternative school kung saan bahagi ng curriculum ng mga batang estudyante ang field trips at pagtuklas sa mga kuweba.
Karamihan sa kanyang mga estudyante ay nailikas na matapos silang pasukin ng Russian troops.
Pero hindi pa rin niya nililisan ang lugar.
Nang tanungin siya ni Howie kung bakit hindi pa siya lumilikas, ani Krysten, “Hindi ko rin naman ikino-close yung opportunity to evacuate.
"If ever mapulbos nga yung mga nearby, talagang lumapit na sila [Russian troops] rito, wala na kaming choice but to leave.”
INAMPON NG PAMILYANG UKRAINIAN
Pagbabahagi ni Krysten, inampon siya ng isang Ukrainian family na may anak na dalagang kambal na 22 years old na ngayon.
Kapatid na ang turing niya sa kambal. Magkakasama pa rin sila hanggang ngayon.
Dito na rin siya nagdaos ng kanyang 25th birthday noong October 13, 2021.
Nagpaplano na sanang lumikas ang buong pamilya nang unang sumiklab ang gulo.
Gayunpaman, nabagbag ang kanilang kalooban sa nakita nilang katapangan at kagitingan ng mga Ukrainians na mas piniling huwag umalis at makipaglaban.
Ani Krysten, “Naniniwala na ako na may chance na magkaroon ng victory ang Ukraine kasi napaka-resilient ng forces namin.
“We're outmanned and outgunned, pero we're on the winning side, actually. And, ang pinakamagandang nakikita ko sa Ukraine is yung power ng people.”
Nang kapanayamin ni Howie ay lumabas pa sa pinagkukublihang underground bomb shelter si Krysten dahil walang WiFi signal.
Aniya, “We're a bit lucky na during this interview and during sa classes ko po this morning, wala kaming sirens so far.
“And napakaganda ng sky namin actually, very blue and walang airplanes flying overhead, so, medyo tahimik po tayo ngayon.”
Ibinahagi rin niya na naka-develop ang ilang tech-savvy Ukrainans ng apps na nagbibigay ng babala in real time kapag umaatake ang Russian troops kaya nagagawa nilang makahanap ng pagtataguan.
NATATAKOT ANG KANYANG PAMILYA SA PILIPINAS PARA SA KANYA
Solong anak si Krysten, at aminado siyang takot na takot ang kanyang pamilya sa Pilipinas sa kanyang kalagayan ngayon.
Araw-araw siyang tinatawagan ng kanyang ina. Pero nagdesisyon na siyang manatili roon dahil ang tingin niya sa mga Ukrainians ay parang mga Pilipino na rin.
Aniya, “It's just something you feel at home because it's like home. The fighting spirit of these people is like the fighting spirit of our country now.
"It's something that I really admire. Yung kindness nila, yung katatagan nila, yung welcomeness nila sa mga tao actually.”
Naniniwala rin si Krysten na sa bandang huli ay magwawagi ang Ukraine.
Deklara niya, “Hindi nila deserve yung nangyayari ngayon dito.”