Naalarma ang Kapuso artist na si Jeremy Sabido, 24, sa paggamit ng kanyang pangalan para mambiktima sa isang gay dating app na PlanetRomeo o Romeo.
Inilabas ni Jeremy ang kanyang panawagan sa kanyang Facebook page noong April 2, 2022.
Nagbabala siya na mayroon siyang poser na ibinibigay ang kanyang home address sa mga hindi kilalang lalaking nakaka-match ng poser sa app.
Pahayag ni Jeremy (published as is), "Hindi po ako gay, ako po ay ka-alyado at sumusuporta sa LGBT
"pero kung kayo po ang nasa lagay ko na may 5 na pong tao lahat po ay galing sa app na yon,
"ang pinakanakakatakot po kasi dito ay alam po mismo nung taong nagpapanggap bilang ako ang aking exact address.
"So may mga tao na kumakatok sa pintuan namin at ako ang hinahanap.
"WALA PO AKONG ACCOUNT SA APP NA ITO."
Si Jeremy ay produkto ng Kapuso reality search na StarStruck Season 7 noong 2019.
UNKNOWN MEN LOOKING FOR JEREMY AT HIS HOUSE
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jeremy via Facebook Messenger kahapon, April 4, 2022.
Isinalaysay ng Kapuso artist na lubos siyang nagulat at nabahala nang puntahan siya sa bahay ng ilang mga di kilalang kalalakihan.
Hindi lang isang beses na may mga lalaking nagpunta sa bahay ni Jeremy, kundi apat na magkakasunod na insidente sangkot ang kanyang poser.
Nangyari ang unang insidente noong madaling araw ng Linggo, March 27, 2022.
"Ang unang-una po na pumunta sa bahay namin ay yung 4 a.m., taga-Fairview siya.
"Ako kasi yung bumaba dahil walang humaharap. Mga kapatid ko kasi tulog na.
"So ako yung bumaba," sabi ni Jeremy.
Nang makaharap niya ang lalaking kumatok sa bahay niya, saka natuklasan ni Jeremy ang tungkol sa kanyang poser.
"Tapos pinakita niya sa akin yung mga convo namin, na yung poser nga. Nandoon yung mga pictures ko.
"Tapos sabi niya, 'Uh, mag-isa lang ako dito sa bahay.' Ako [raw] yun, yung poser ko ang nagsabi doon sa nagpunta sa bahay namin na mag-isa lang daw ako sa bahay.
"Kaya daw siya pinapunta dahil gusto raw siyang ano, makipag-chill, ta's ganoon.
"Tapos, may dala pa nga siya na singkamas," paglalahad ni Jeremy.
Kinabukasan, Lunes, March 28, 2022, may nagpunta ulit sa bahay nina Jeremy.
"Nagpapanggap na kapatid ko siya, yung poser. James Sabido naman yung hinahanap. Naghahanap kay James Sabido," saad ni Jeremy.
Bandang 1 a.m. noong Martes, March 29, 2022, may magkasunod na mga lalaking dumating sa bahay ng Kapuso artist.
"Dalawang tao naman. Isang naka-taxi, isang naka-angkas na hinahanap ako naman, ako na ulit.
"So, yung isa nakita ko. Sabi ko, 'Kuya, ano yun?'
"Nakatingin kasi siya bahay namin. Parang sumisilip-silip. Doon ako kinabahan, ‘Ano po yun, Kuya?' E, di hinabol ko.
"Tapos yung guard naman doon sa village namin, sinusundan naman niya yun. Kaya tanong ko sa guard, 'Kuya, ano po yung hinahanap? Sino po yung hinahanap?' 'Jeremy Sabido daw.'
"Sabi ko sa guard, 'Kuya, walang Jeremy Sabido dito. Baka mali siya ng hinahanap.'"
Sabi raw ng guard kay Jeremy, namataang magkasamang naglalakad yung magkasunod na naka-taxi at naka-angkas na pumunta sa bahay niya.
"Hindi ko alam kung magkakilala o nagkita lang sila sa lugar namin. Pero sinundan namin sila hanggang 7/11.
"Tinignan namin [nung guard], wala na," kwento pa ni Jeremy.
Sinubukan daw hanapin ni Jeremy sa LTO ang number ng taxi na nakita nilang gamit nung mga nagpunta sa bahay ni Jeremy.
Pero wala raw yung number a baka magkasabwat yung magkasunod na pumunta sa bahay niya.
Nang sumunod na araw, March 30, 2022, isang lalaking sakay ng kotse ang dumating sa bahay ni Jeremy.
Pero sa pagkakataong ito, gusto raw ng di kilalang lalaki na tulungan si Jeremy na matunton ang poser ng Kapuso artist
Nakausap daw nito ang poser ni Jeremy pero blinock na siya nito. Kaya raw wala na itong kontak sa poser.
ON FILING A BARANGAY BLOTTER
Ayon naman kay Jeremy, lahat ng nagpunta sa bahay niya ay gay ang sexual orientation.
"Pero lahat ng mga pumupunta ang gusto lang nila is yung sex siyempre, kasama ‘yun.
"And yung poser naman hindi siya nang-i-scam. Hindi ko alam kung ano ang motibo niya," ani Jeremy.
Nakapag-file na ba siya ng reklamo sa otoridad?
Sagot ni Jeremy, "Hindi ko po trinay na mag-report sa mga pulis.
"Palagay ko kasi, lahat ng pumupunta sa bahay namin ay biktima rin po.
"So, hindi ko sila maakusahan kasi wala naman silang ginawang masama sa akin.
"Hindi rin po namin alam kung sino yung irereklamo kasi nga poser siya."
Kaya ang ginawa na lang daw ni Jeremy ay mag-file ng report sa kanilang barangay.
Sa kanyang Facebook post, una nang nasabi ni Jeremy na handa siyang ipahanap at idemanda ang poser kung hindi pa ito tumigil.
"Salamat naman po at naaappreciate ninyo ang aking itsura pero parang below the belt na yata yung ginagawa nitong tao na 'to," ani Jeremy.
JEREMY WARNS NETIZENS AGAINST CATFISHING
May babala rin si Jeremy sa netizens na maging mapanuri sa catfishing, o urban slang na tumutukoy sa poser na kinukuha ang identity ng ibang tao para makabingwit ng ka-match sa dating apps at social media.
"Para naman po sa mga nakakausap nitong tao na ito or para kahit kanino na nasa online dating sites, maging mapaniguro po tayo sa mga nakakausap natin online," sabi ni Jeremy sa kanyang Facebook post.
"Hindi po masama mag ask ng proof kung sila po talaga ang taong kikitain natin.
"Buhay po natin ang nakasalalay dito, sa bawat meetup po from someone online hindi natin alam kung ano na ang pangyayari kapag nag meetup.
"Maging mapanuri po tayo sa mga nakakausap natin online, yung lamang po. At mag ingat po tayong lahat."
JEREMY'S FAMILY BACKGROUND
Si Jeremy ay isa sa finalists sa StartStruck Season 7.
Lumaki siya sa piling ng kanyang adoptive father na si Pepito Pendor, isang proud LGBTQ member.
Pagkatapos mamatay ng kanyang ina ay na-bankrupt naman ang negosyo ng kanyang ama.
Iniwan si Jeremy ng ama, pati ang kanyang tatlo pang mga kapatid, sa loob ng kwarto sa isang hotel pagkatapos silang palayasin sa kanilang tinitirhan.
Walong taong gulang lamang noon si Jeremy, at mga musmos pa rin ang kanyang mga kapatid.
READ: StarStruck 7 hopeful Jeremy Sabido, mami-meet muli ang nang-abandonang ama
Ngayon ay aktibo si Jeremy sa showbiz at napapanood sa iba-ibang programa sa GMA-7.