Kahit marami sa mga kaibigan nilang artista ang lumagay na sa tahimik, hindi nagpapadala sa pressure na magpakasal ang magkasintahang Rambo Nuñez Ortega at Maja Salvador.
"Timing lang. Gusto ko di siya scripted for me. It's more of yung moment. And if it will come, it will come," saad ni Rambo.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rambo sa contract renewal ni Maja sa Cignal Entertainment at TV5 noong April 5, 2022.
Patuloy ni Rambo tungkol sa usaping kasal, "I can't really answer. Basta kung ma-feel ko, if I wake up one day feeling ko, 'This is it,' di ba, it will happen.
"Siguro if there's one thing na hindi planado—kasi ang career planado, ang management planado—siguro yun ang part na yun ang hindi talaga planado."
Tinanong ng PEP.ph si Rambo kung nakita na ba niya kay Maja ang babaeng gusto nitong pakasalan at makasamang bumuo ng isang pamilya sa hinaharap.
"Hindi ako puwedeng magsalita nang tapos, but I mean, indication naman siguro yung mga ginagawa namin," tukoy ni Rambo sa pagtayo nila ni Maja ng talent management company.
Si Rambo ang tumatayong chief executive officer ng Crown Artist Management at si Maja ang chief operating officer.
Bilang sila ay business partners, mahirap bang magkatrabaho ang isang magkarelasyon?
"Hindi naman," sagot ni Rambo.
Mas wala raw sawa factor sa kaso nila dahil pareho silang abala sa mga bagong oportunidad bilang magkasosyo.
"I am sure you will agree na pag puro trabaho lang, hindi siya maganda. At pag puro relationship naman, hindi rin maganda.
"Kaya minsan nagbi-break kasi trabaho ka lang nang trabaho, or pag relationship, puro relationship.
"I guess, balance naman since nagagawa namin siya individually and alam din namin yung importance ng relationship. It's time management lang, di ba?"
NO SELOS ISSUE
Noon pa man ay pamilyar na sa mundo ng showbiz si Rambo dahil ang kanyang ina na si Marilen Nuñez ay PR at events expert.
Nakakaramdam ba siya ng selos sakaling may love scene o ma-link ang kanyang girlfriend sa mga nakakapareha nito?
"Hindi naman. Siguro part na ng maturity iyan," saad ni Rambo.
"I mean, naging kami before, so I have seen her being in another relationship or maraming roles.
"I guess, before ko pa pinasok ulit yun, alam ko na what it takes. So, wala naman, wala."
Ayon kay Rambo, malaki ang tiwala nila ni Maja sa isa't isa at may kalayaan silang magdesisyon para sa kani-kanilang trabaho.
Wala raw iyong pinagkaiba sa kung paano sila magpayo sa mga mina-manage nilang artista sa Crown Artist Management.
"Tulad ng sinabi namin, even sa ibang artists namin, ibinibigay namin yung freedom sa kanila.
"Not freedom na, 'Sige, kahit anong gawin ninyo puwede.' Kailangan may values, yun ang importante.
"Kumbaga, we just make sense dun sa desisyon nila.
"Kunwari, ito ang gusto mong gawin, heto ang consequences niyan, pros and cons and, ine-explain namin to help them decide better for themselves."
LUCKY IN LOVE AND CAREER
Sa magandang takbo ng kani-kanilang career ngayon, tila lucky charm nina Rambo at Maja ang isa't isa.
Paliwanag ni Rambo: "I think parehas lang kami, individually, parehas kaming may experience.
"Siya nakita ninyo naman ang success niya individually na wala ako.
"Ako rin, in my own personal capacity, sa pag-manage ng mga businesses and managing people and all. Kumbaga, nagawa ko na rin yun by myself.
"So, I guess yung pag-come together namin, even, like, doing business together, resulta na lang yun ng ginagawa namin individually.
"Kumbaga, nagbunga na lang siya kaya maganda yung turnout."
Unang naging magkasintahan sina Maja at Rambo noong 2010, pero dahil mas prayoridad ang kani-kanilang career ay nauwi sa breakup ang kanilang relasyon.
Taong 2019 nang magkabalikan ang dalawa, at ngayon ay apat na taon na ang kanilang relasyon.
Read: Maja Salvador 'confirms' rekindled romance with ex-boyfriend Rambo Nunez