Leni Robredo: "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Hindi pa tayo tapos..."

by Rachelle Siazon
May 10, 2022
Leni Robredo
Vice President Leni Robredo to Kakampinks: "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto... Ang namulat, di na muling mapipikit."
PHOTO/S: Screengrab from GMA News YouTube

Binasag na ni Vice President Leni Robredo ang pananahimik sa gitna ng partial tally ng resulta ng May 9, 2022 elections.

Base sa partial tally pasado alas dos ng umaga ng May 10, 2022, higit doble sa bilang ng botong nakuha ni Robredo ang botong nakuha ni Ferdinand Marcos Jr.

Mula sa kanyang tahanan sa Naga City, umere via live telecast sa GMA News ang mensahe ni Robredo sa kanyang solid supporters o kilala bilang Kakampinks.

Inamin dito ni Robredo na nakarating sa kanya ang pagkadismaya ng mga Kakampink sa milya-milyang lamang ni Marcos Jr. kay Robredo sa halalan.

"Alam kong hindi madaling tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count.

"Hindi lang panghihinayang, kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay.

"Gulat din ako," pag-amin ni Robredo.

Kasunod nito ay idiniin niyang sana ay makita na ang kabuuang tally ng halalan sa gitna ng mga aniya'y reklamong iregularidad kaugnay ng eleksyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Aniya, "Ang pagkadismayang ito maaaring lalong gumulo lalo pa dahil may naiulat na irregularities sa halalang ito.

"Hanggang ngayon, meron pang mga taong hindi nabibilang ang mga boto.

"Meron sa inyong buong araw na nasa mga presinto at nananatili doon hanggang ngayon, hinihintay maipasok ang mga baloto sa mga makina.

"Kaisa niyo ako sa paniniwala na kailangan isalamin ng halalan ang buo at wastong tinig ng taong bayan."

LENI GRATEFUL TO KAKAMPINKS

Sa kabila ng partial tally na naibabalita, idiniin ni Robredo na huwag panghinaan ng loob ang Kakampinks na "tinaya ang mga karera" para suportahan ang adbokasiya niya.

Wala raw katumbas ang ground-breaking efforts ng kanyang hanay na magsagawa ng boluntaryong house-to-house campaign, mural paintings, at iba pang gawaing isinusulong ang kanyang platapormang "Angat Buhay."

Lubos ang pasasalamat ni Robredo rito.

"Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Tinumbusan niyo ito, minsan higit pa. Walang dadaig sa kapayapaang dala ng katotohanang ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Maging panatag sa inyong ambag.

"May nasimulan tayong hindi pa kailanman nasasaksihan sa kasaysayan ng buong bansa—isang kampanyang pinamunuan ng taong-bayan.

"Isang kilusang nabuo hindi lang para baklasin ang luma at bulok na sistema, kundi para magpanday ng totoo at positibong pagbabago.

"Isinadiwa niyo ang demokrasya hindi lang sa pagboto kundi sa pagmamahal sa kapwa Pilipino. Napakalaking tagumpay na ito."

Diin pa niya: "Hindi kayang sukatin ng numero ang lalim ng pagmamahal ninyo. Maraming-maraming salamat sa inyo."

LENI: "Ang namulat, di na muling mapipikit."

Kung anuman ang opisyal na resulta ng halalan, siniguro ni Robredo na hindi natatapos sa bilangan ng boto ang kanyang pagtindig sa kanyang mga adhikain.

Pahayag niya: "Sinasabi ko sa inyo ngayon: walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos.

"Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto...

"Ang namulat, di na muling mapipikit."

Hindi raw titigil si Robredo sa kanyang serbisyo-publiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Wala akong planong abandonahin ang mga bagay na habang-buhay ko nang ipinaglalaban.

"Tuloy ang trabaho ko para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan. Tinatawag ko kayo na samahan ako dito at sa iba pang mga laban..."

Sabi pa niya, "Huwag kayong bibitaw. Patuloy na tumindig. Igiit ang katotohanan.

"Matagal na binuo ang mga imprastraktura ng kasinungalingan. May panahon tayo ngayon na labanan at baklasin ito. Lalong palawakin ang pusong nabuksan na.

"Maaaring di ngayon, maaaring di bukas o sa makalawa o sa susunod na taon, pero may liwanag na nag-aabang...

"Nasa kamay ng karaniwang Pilipino ang tunay na kapangyarihan. Kayo ang tunay na namumuno, sumusunod lang ako...

"Bukas at magpakailanman, magkakasama ang lahat ng Pilipino. Mabuhay ang sambayanang Pilipino."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Vice President Leni Robredo to Kakampinks: "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto... Ang namulat, di na muling mapipikit."
PHOTO/S: Screengrab from GMA News YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results