"Hindi po totoong P50 million!" pagtutuwid ni Darryl Yap.
Itinatanggi ng direktor ang kumalat na balitang limampung milyong piso—50,000,000 pesos—ang kinita niya sa paggawa ng campaign videos ng ilang kandidato at nag-viral bago naganap ang eleksyon ng May 9, 2022.
Sinabi niya ito sa isang exclusive interview sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kahapon, May 11, 2022.
Ayon kay Yap, bawat content at bawat contract niya ay diretso nang si Boss Vic Del Rosario ng Viva Entertainment ang nagdedesisyon. May exclusive contract siya sa naturang kompanya.
Bagamat itinanggi ni Yap na P50 million ang kinita nito sa campaign videos, hindi naman nito masabi kung magkano nga ang naging talent fee niya sa mga ito.
Gumawa ng ingay ang "LenLen" series videos ni Yap na tinatampukan nina Senator Imee Marcos at Juliana Parizkova Segovia, pati na ang "Jinggoy Cutie" video ni Jinggoy Estrada na napanood sa Facebook page at YouTube channel ng Vincentiments.
Si Imee ay kapatid ng presidential candidate na si Ferdinand Marcos Jr., habang si Jinggoy ay kaalyado ng mga Marcos.
Ang "LenLen" series ay may 10 episodes na umani ng views between 256,000 to 542,000.
Habang ang videos, na parehong tinampukan ni Jinggoy, ay umani ng 23,000 views para sa "Jinggoy Cutie" at 69,000 views para sa "KPL Bungangaan."
Hiwalay pa rito ang ibang campaign videos na nasa YouTube channel ni Yap.
Pag-amin ni Yap, ang malakas na impluwensiya sa publiko ng social media ang dahilan kaya marami sa tumakbo sa national posts ay nag-invest sa online campaign.
Naging alternatibo ito sa traditional advertisement na dating nakasanayan kapag may eleksyon.
"Mas mura, walang running time limit, mas malaya sa tema at sa lengguwahe, mas may puwang sa artistic freedom," pagpapakilala ni Yap sa online campaign videos.
Naging kontrobersiyal ang campaign videos ni Darryl dahil sa paggamit niya ng nanunuot na panunuya at walang galang na katatawanan—o tinatawag na irreverent humor—para makuha ang atensiyon ng virtual audience.
Ang "LenLen" series ay umikot sa puppet character na si LenLen na inilarawan na "lutang," "bitter," mapangmata sa "mga sumusuporta sa di college graduate," at gigil na gigil sa isang tinuguriang "Baby M."
Ipinakita ring waring mapagpanggap si LenLen na nagsasabing nagtatrabaho ito "18 hours a day" para kaawaan ng tao. May ilang beses ding kunwa'y sinapian at kunwa'y in-exorcise si LenLen sa series.
Minsan ay may skit pang inakala nina Imee at Juliana na "lugaw" ang io-offer sa kanila ni LenLen, na sa huli ay humirit na lomo ang niluto nito.
Umani si Yap ng batikos sa "LenLen" series.
Tingin ng supporters ni Leni Robredo, pang-iinsulto at pambabastos ito sa bise-presidente at kandidato sa pagka-presidente ngayong eleksyon.
Si Robredo ang pinakamahigpit na katunggali ni Marcos Jr. sa presidential race.
At hindi kaila sa publiko na ang mga salitang "lugaw" at "lutang" ay ginagamit patungkol kay Robredo ng detractors nito.
Hindi rin kailang binatikos si Robredo ng mga kritiko nito dahil sa minsang pahayag niya sa isang rally na siya ay nagtatrabaho "more than 18 hours a day" para mas maraming makausap na kababayan sa kanyang kampanya.
Si Yap ay hayagang sumusuporta sa kandidatura ni Marcos Jr. at ng ka-tandem nitong si Sara Duterte-Carpio.
Naging palaaway si Yap sa panahon ng kampanya at eleksyon. Hindi niya pinalalampas ang mga batikos sa kanya ng mga kritiko at bashers.
Buwelta ni Yap sa kanila noong Pebrero: "A satire made Kakampinks cry, they treated LENLEN = LENI. You can troll my account.
"You can twist my statements. You can maliciously cut tweets. You can cancel me all-you-can. You can make me look bad. You can recruit haters to bash me.
"But 3 truths will hurt you everytime you breathe: '18 hours per day everyday will kill you. You can’t fight my #LenLen content. Leni Robredo will never be president. Your hate will not translate to votes.'"
Ngayong si Marcos Jr. ang presumptive president ng bansa, tinanong siya ng PEP.ph kung ano ang plano niyang gawin para magkaisa at maghilom ang taong-bayan na na-divide nang husto dahil sa mga sinuportahang kandidato.
Unity o pagkakaisa ang naging pangunahing pangako ng Marcos Jr.-Duterte tandem sa kanilang kampanya.
Tugon ng kontrobersiyal na direktor: "Healing comes from within. Unity is the Political Party’s battlecry, I am not part of the party, but sino po ba ang may ayaw ng pagkakaisa?
"I am an inter-disciplinary artist, my art will always be dedicated to this chaotic world. It depends na lang po sa tao kung paano ang interpretation nila."
Ano ang mensahe niya para sa mga taong kinasuklaman siya dahil sa videos na nilkha niya?
Sagot ni Yap, "Nagpapasalamat po ako dahil sila ang dahilan ng aming patuloy na pamamayagpag.
"Ang lahat po ay nililikha ng pahina hindi upang manira ng buhay kundi upang manatili ang lahat na matapang, makabuluhan, at makatotohanan."
BACK TO DIRECTING MOVIES?
Noong January 2022, nagpaalam si Yap sa mga boss niya sa Viva para ituon ang atensiyon sa kampanya nina Ferdinand Marcos, Jr., Sara Duterte, at Jinggoy Estrada.
Ano ang mga nawala sa kanya dahil sa limang buwang pagpapahinga mula sa paggawa ng mga pelikula at original series para sa Vivamax?
"I don’t think may nawala," saad ni Yap.
"Gagawin ko naman po ang lahat ng pelikula at series na naka-lineup, so naurong lang po ang schedule, kaya todo-effort po ako para hindi maka-violate ng contract."
Nangako noon si Yap kay Boss Vic na pupunta agad siya sa opisina ng Viva para pag-usapan ang mga proyekto nila isang araw matapos ng eleksyon o nitong May 10, 2022.
Hindi ito nangyari at nag-usap na lamang sila sa telepono.
"Via phone lang po ang pakikipag-usap ko sa kanila. I have to start [shooting] immediately and Boss Vic advised me to rest kahit one week abroad, pero I can’t po dahil sa dami ng ads na pending."
Pagkatapos ng kanyang debut film na #Jowable (2019) ay sunud-sunod na ang mga proyekto ni Yap sa Vivamax noong 2021: Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar, Gluta, Ang Babaeng Walang Pakiramdam, Tililing, Revirginized, 69+1, Ang Manananggal Na Nahahati Ang Puso, Sarap Mong Patayin, Barumbadings, at Pornstar 2.
Ang Seoul Mate na pagbibidahan nina Kim Molina at Jerald Napoles o isang show para sa GMA-7 ang ilan sa mga proyektong gagawin ni Yap sa pagbabalik nito sa entertainment industry.
Sa magkahiwalay na interbyu, nilinaw nina Kim, Jerald, at Yap na hindi naapektuhan ng pulitika at ng magkakatunggaling mga kandidatong sinuportahan nila ang kanilang malalim na pagkakaibigan.
Sina Kim at Jerald ay loyal supporter nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.