Kontrolado na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog na naganap sa Manila Metropolitan Theater (MET) sa Arroceros St., Ermita, Manila, ngayong Biyernes ng umaga, June 17, 2022.
Ganap na 9:41 a.m. nang ideklara ng BFP at ng Manila Disaster Risk Reduction & Management Office ang fire out sa makasaysayang teatro ng bansa.
Iniimbestigahan pa ng mga kinauukulan ang pinagmulan ng sunog sa MET, na opisyal na binuksan sa publiko noong December 10, 2021 matapos ang anim na taon na rehabilitation at restoration.
Kinumpirma ng BFP na limampu ang bilang ng mga upuan ang nasunog, pati na ang bahagi ng entablado. Pero walang napinsala sa ikalawang palapag ng MET.
Ipagdiriwang sa June 24 ang ika-451 na anibersaryo ng lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Ang Himig ng Ating Lahi, isang invitational gala concert na magaganap sa MET at tatampukan ng mga mahuhusay na mang-aawit.
Tiyak na magkakaroon ng pagbabago dahil sa nangyaring sunog.
Umabot sa daan-daang milyong piso ang pagsasaayos sa MET na may art deco structure at isa sa mga National Cultural Treasure ng Pilipinas.
Kilala ang MET bilang Grand Dame of Manila na pinagtanghalan ng unang cartoon movie na nagtatampok kay Mickey Mouse.
Venue rin ito ng pagpapalabas noong July 29, 1939 ng Giliw Ko, ang unang pelikula ng LVN Pictures.
Ang National Artist for Architecture na si Juan Arellano ang gumuhit ng disenyo ng MET. Siya rin ang arkitekto ng mga gusali ng Manila Central Post Office, National Museum (na dating Legislative Building), at Jones Bridge.
Naganap noong December 10, 1931 ang opisyal na inagurasyon sa MET.
Malapit din sa puso ng Star for All Seasons na si Vilma Santos ang MET dahil matagal itong naging tahanan ng Vilma!, ang kanyang defunct musical variety show sa GMA-7.
Read: Vilma Santos, naging emotional nang bisitahin ang newly renovated Metropolitan Theater