Proud wife si Mariel Rodriguez kay Senator-elect Robin Padilla.
Kagabi, June 16, 2022, nanumpa na sa kanyang tungkulin si Robin bilang senador sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Kasama nina Mariel at Robin ang dalawa nilang anak na babae na sina Isabella at Gabriela sa panunumpa.
Pati na ang ina at iba pang mga kamag-anak ng actor-turned public servant ay dumalo rin sa oathtaking.
Mensahe ni Mariel sa kanyang Facebook account ngayong araw, June 17, “Robin’s Oath taking last night with PRRD. Maraming maraming salamat po Mr.President!!!
“We are sooo sooo sooo proud of you @robinhoodpadilla”
Alam daw ni Mariel na maraming magagawa ang asawa at magiging epektibong mambabatas ito sa pag-upo nito sa Senado.
Alam din daw ni Mariel sa kanyang sarili na magtatagumpay ang asawa sa anumang plano nitong gawin bilang senador.
Aniya, “I KNOW you will be an amazing and effective Senator. All eyes on you… but that’s okay we like challenges. [thumbs up emoji]
“When you were taking your oath, i told myself Robin was born to be GREAT. Meron talagang mga tao na destined to excel… si Robin ganun.”
Mensahe pa niya sa asawa: “You got this babe! We are behind you, beside you and with you all the way. God speed! Allah hu Akbar! Robin Padilla”
Si Robin ang idineklarang number one senator, na may botong 26.4 milyon, sa katatapos lamang na 2022 National and Local Elections.
Read: Robin Padilla, di makapaniwala sa pangunguna sa senatorial race
Sa live interview kay Robin ni Jessica Soho noong gabi ng May 9, sinabi ng aktor na hindi nito inaasahang siya ang mangunguna sa senatorial race dahil sa kawalan niya ng makinarya at pera.
Pahayag niya, “Wala po akong inaasahan kahit ano. Unang-una, wala po akong kahit ano.
"Wala po akong makinarya, wala po akong kahit ano... pera. Wala. Hindi ko po inaasahan ito.
"Ang akin lamang po ay paninindigan. Ang akin lamang po ay nananalig po ako sa Panginoong Diyos at tulung-tulong lang po ng mga naniniwala sa akin.
"Tulong ng katipunan, tulong ng mga rebolusyonaryo. Yun lang po, wala akong inaasahan."
Si Robin, na kilalang solid supporter ni Pangulong Duterte, ay inendorso ng Pangulo nitong 2022 elections.
Siya rin ay kabilang sa senatorial lineup ng UniTeam nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.