Ilang opisyal ng mga siyudad na nasa ibaba ng Upper Marikina Watershed at ng Masungi Geopark Project ang nakiisa sa lumalakas na panawagan para agarang kanselahin ang tatlong large-scale quarrying agreements na nasa loob ng nasabing protected and conserved areas.
Kabilang sa mga nanawagan sina Marikina Mayor Marcy Teodoro, Pasig Mayor Vico Sotto, Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi, at Angono Vice-Mayor Gerardo Calderon.
Ayon sa mga opisyal, ang kanilang mga nasasakupan ang dumaranas ng lupit ng malakihang pagbaha sanhi ng pagkakalbo ng mga kabundukan, bukod pa sa pagbabara ng mga ilog.
Ilang grupo ng mga eksperto, civic leaders, at indigenous peoples (IPs) na ang naunang umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte para ipahinto ang tatlong Mineral Production Sharing Agreements (MPSAs) na may lawak na 1,300 ektarya.
Hindi kinansela ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Jim Sampulna ang nasabing MPSAs, at sa halip ay sinuspinde ang quarries na hindi naman naging operational sa loob ng 24 na taon.
Hiniling din ng grupo na alisin at papanagutin ang mga nasa likod ng pagtatayo ng illegal permanent structures sa watershed, gaya ng mga swimming pool resorts at rest houses.
Batay sa flood modeling study ng Manila Observatory, ang patuloy na pagkakalbo ng Upper Marikina Watershed at Masungi Georeserve ay lalong magpapatindi sa mga pagbaha sa mga lugar sa ibaba nito.
Ngayong nasa 11% na lang ang kagubatang natitira sa watershed, ang pagkawasak ng buhay at ari-arian sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan at pagbaha ay tiyak na mas malala pa kaysa noong bagyong Ondoy.
Nagbabala rin ang mga scientists mula sa National Museum of the Philippines sa inilabas nilang ulat kamakailan: ang “major land and hydrologic disturbances” sa sensitibong Masungi karst landscape, gaya ng quarrying at pagkakaingin, ay magreresulta sa matinding kapahamakan.
Ang Masungi Georeserve ay protektado noon pang 1904 sa pamamagitan ng Executive Order 33, at itinalaga bilang Mariquina Reservation.
Nagkaroon ito ng dagdag na proteksiyon laban sa “quarrying and exploitation” sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1636 noong 1977 na nagdedeklara rito bilang bahagi ng National Park.
Protektado rin ito ng Presidential Proclamation 296 noong 2011 na lumikha sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape.
Batay sa protected areas act (e-NIPAS) at ng Philippine Mining Act, kabilang ang Masungi sa mga lugar na protektado laban sa quarrying sa mga national parks na deklaradong watershed reserves.
Bukod dito, sinabi ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ang mga quarrying companies ay nakagawa ng mga paglabag sa kanilang mga kontrata na legal na dahilan para kanselahin ang mga ito.
Noong 1993, inilabas ni dating DENR Secretary and National Scientist Dr. Angel Alcala ang Department Administrative Order 33 na kumikilala sa “geological and ecological importance” ng Masungi landscape, at ipinagbawal ang quarrying dito.
Ang Masungi ay tahanan din ng mga endangered and endemic species, gaya ng Indigo-Banded Kingfisher, JC’s Vine, Philippine Hawk-Eagle, Colasisi parrot, at North Luzon Giant Cloud Rat.
Sinimulan noong 2017 ang Masungi Geopark Project bilang isang non-profit legacy project na naglalayong ma-restore ang “degraded and abused” watershed areas na nakapaligid sa limestone formation ng kabundukan.
Umabot na sa 2,000 ektarya ng lupa ang na-restore, at nakapagtayo ng 17 kilometrong monitoring trails at ranger stations.
Sa kabila ng panganib na kanilang hinaharap, may nakatalaga ritong 100 park rangers at 200 partners mula sa iba’t ibang sektor na katuwang sa reforestation.
Ayon sa mga environmentalists, mababalewala ang mga pagsisikap na ito kung hindi agad kakanselahin ang quarrying agreements.
Dapat anilang aksiyunan ito ni Pangulong Duterte bago siya tuluyang bumaba sa puwesto kung gusto nitong may maiwang legacy sa pangangalaga ng environment.