Déjà vu ang naging pakiramdam ng mga Pilipinong nanood ng grand coronation ng Miss International Queen 2022 ngayong Sabado ng gabi, June 25.
Ito ay dahil sina Miss Philippines Fuschia Anne Ravena at Miss Colombia Bea Marquez ang naglaban sa korona.
Nangyari rin ito noon sa pagitan nina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Universe 2015 1st runner-up Ariadna Gutierrez.
Ang kaibahan lang, hindi nagkamali ang mga host ng programa sa kanilang announcement na si Ravena ang nanalong Miss International Queen 2022, at 1st runner-up si Marquez.
Second runner-up naman si Miss France Aela Chanel sa sikat na international beauty pageant para sa transgender women na taun-taong ginaganap sa Tiffany’s Show sa Pattaya, Thailand.
Si Ravena ang pangatlong Filipino transgender woman na nagwaging Miss International Queen.
Una itong napanalunan ni Kevin Balot noong 2012 at sinundan ni Trixie Maristela noong 2015.
Napaluha si Ravena dahil sa sobrang kaligayahan, at tuwang-tuwa ang kanyang mga supporter na kinabahan nang hindi siya manalo ng mga special award.
Bumawi nang husto si Ravena sa swimsuit competition.
Nangibabaw rin siya sa lahat ng mga kandidata sa question-and-answer portion dahil sa kanyang mahusay na sagot.
Ang tanong sa final round: “If you are the winner of Miss International Queen 2022, how would you start our advocacy and how would you teach them the importance of equality?”
Sagot ni Ravena: “I will start it by influencing other people to spread love, peace, and unity to have world equality because after all, we all live under one sky and we breathe the same air and we all live from differences where love is universal.”