Panibagong prangkisa para sa ABS-CBN Broadcasting Corporation ang inihain ng Makabayan bloc sa Kongreso sa pagbubukas ng 19th Congress.
Layon ng House Bill No. 1218 na mabigyan muli ang Kapamilya Network ng 25-year fresh franchise.
Inihain ito nina ACT Teachers Party List Representative France Castro, Gabriela Party List Representative Arlene Brosas, at Kabataan Party List Representative Raoul Danniel Manuel.
Nakalagay sa dulo ng explanatory note ng bill na hamon nila ito sa Kongreso “to defy the rising tyranny, to stand for freedom and democracy. Thus, urgent passage of this bill is sought.”
Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) noong May 5, 2020 ang agarang pagtigil sa lahat ng broadcast operations ng ABS-CBN matapos mapaso ang kanilang 25-year franchise isang araw bago nito.
Sa inilabas na Cease and Desist Order ng NTC laban sa istasyon, sinabi ng komisyon na hindi na maaaring magsahimpapawid ang network, pati na ang mga TV at radio stations nito sa mga probinsiya.
Nakasaad sa order: "The National Telecommunications Communications (NTC) today issued a Cease and Desist Order against ABS-CBN due to the expiration of its congressional franchise."
Binigyan ng NTC ang ABS-CBN ng sampung araw upang magpaliwanag kung bakit hindi kailangang bawiin ng gobyerno ang kanilang mga frequencies.
Kabilang na rito ang Channel 2, ang 630 khz sa AM radio, at ang 101.9 khz sa FM.
Dagdag pa sa utos ng NTC: "Upon the expiration of RA 7966, ABS-CBN no longer has a valid and subsisting congressional franchise as required by Act No. 3846.
"The NTC Regional Offices shall implement the closure order in their respective areas of jurisdiction."
Read: NTC orders ABS-CBN to stop all broadcast operations
ABS-CBN FRANCHISE HEARING
Kahit wala na sa free-TV, nanatili sa online platform ang ilang programa ng network.
Kasabay nito ang pagsalang ng executives at ilan pang personalidad sa halos dalawang buwang Congressional hearing para magawaran ang network ng panibagong prangkisa.
Ngunit sa pagtatapos ng pagdinig noong July 10, 2020, tuluyan nang pinatay ng Kongreso sa botong 70-11-2-1 ang aplikasyon ng istasyon
Malaki ang lamang ng “Yes” votes sa “No” votes.
Ibig sabihin nito, tuluyan nang ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang renewal application ng Kapamilya network ng kanilang prangkisa.
Ang “Yes” vote ay pabor na HINDI BIGYAN ng bagong prangkisa ang istasyon.
Ang “No” vote ay pabor na BIGYAN ng bagong prangkisa ang istasyon.
Hindi na naipadala sa plenaryo ng Kongreso ang mga panukalang batas tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
At doon na rin nagtapos ang pagdinig ng Kongreso sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa.
Read: Congress junks ABS-CBN franchise renewal
DUTERTE USED “PRESIDENTIAL POWERS” AGAINST ABS-CBN
Sa mga unang buwan pa lang ng panunungkulan sa Malacañang ni former President Rodrigo Duterte noong 2016, naghayag na siya ng kanyang disgusto sa ABS-CBN.
Ito ay nag-ugat sa hindi umano pagpapalabas ng network ang kanyang presidential campaign ads noong 2016, kahit pa bayad na ang mga ito.
Sinabi pa niyang "nagantso" umano siya ng istasyon.
Sa ilang speaking engagements ni Duterte, lagi niyang pinatatamaan ang ABS-CBN dahil sa pangyayaring iyon.
Ilang araw bago bumaba sa puwesto nitong June 2022, muling inungkat ni Duterte ang isyu niya laban sa network.
Dito ay inamin nitong ginamit niya ang kanyang presidential powers laban sa dating giant network na ABS-CBN.
Sa oath-taking ceremony ng mga bagong halal na local government officials noong nakaraang June 27, 2022, sinabi niya, "I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."
Read: President Rodrigo Duterte admits using "presidential powers" against ABS-CBN
Umaasa ang Makabayan block na sa Kongreso sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. ay mabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN.
ABS-CBN FREQUENCIES AWARDED TO AMBS-2
Samantala, kahit mabigyan man ng panibagong prangkisa ng Kongreso ang ABS-CBN, wala na rin itong frequencies sa TV at radyo dahil naigawad na ito sa ibang media company.
Sa inilabas na pahayag ng NTC noong January 25, 2022, kinumpirma nitong naipagkaloob na ang Channel 2 frequency sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pagmamay-ari ng bilyonaryo at dating senador na si Manny Villar.
Bahagi ng pahayag ng NTC: “After the technical evaluation of AMBS’ request for a simulcast channel, Channel 2 (the paired analog channel in Mega Manila of digital channel 16) was temporarily assigned to AMBS.
“This temporary assignment is for simulcast purposes only, and only until the analog shut-off scheduled in 2023.
“The temporary assignment was granted to ensure service to both analog and digital TV signal users as the country transitions to full digital TV.”
Noong 2020, binawi ng NTC ang TV at radio frequencies ng ABS-CBN at DZMM, mga media company na pagmamay-ari ng ABS-CBN Broadcasting Corporation, matapos patayin ng Kongreso ang kanilang franchise application.
Read: Manny Villar media company acquires ABS-CBN frequencies