“Reading the news… Buffering ako, halos hindi ako makapaniwala.
“Maraming salamat sa tiwala, Mr. PBBM, at sa aking mga kasama sa OWWA and all the stakeholders.”
Ito ang post ni Arnell Ignacio sa kanyang official Facebook Page noong August 9, 2022 matapos malamang itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Read: Arnell Ignacio, itinalaga bilang OWWA administrator; tuloy pa rin ang showbiz career
Ang appointment ni Ignacio ay kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nitong August 10.
“We confirm the appointment of Mr. Ignacio as Executive Director Administrator V of the Overseas Workers Welfare Administration,” ani Cruz-Angeles.
Ang OWWA ang nangangalaga sa kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) at ng kanilang mga pamilya.
Nagkakaloob din ito ng tulong sa mga nawalan ng trabahong OFWs o nagkaproblema sa employer habang nasa abroad.
Una nang naitalaga si Ignacio sa OWWA bilang deputy administrator noong 2018 sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbitiw siya sa tungkulin noong February 2019 dahil aniya sa mga personal na kadahilanan.
Na-reappoint siya sa OWWA bilang deputy administrator noong September 2021.
Bago ito, noong 2016 ay naging Assistant Vice President for Community Relation and Services Department siya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nagtrabaho siya sa PAGCOR hanggang January 2018 bago inilipat sa OWWA.
Noong April 2019 ay nagtapos si Ignacio sa kursong political science sa University of Makati.
Marami ang bumati sa TV personality dahil sa kanyang appointment.
May mga netizens na nag-comment sa kanyang post na umaasang malaki ang maitutulong niya ang OFW community.
Samantala, ibinalita ni Ignacio nitong August 10 na pauwi na sa Pilipinas ang OFW na si Edmar Parayray Carreon.
Si Edmar ay nagkaroon ng aneurysm habang nagtatrabaho sa Jeddah.
Ani Ignacio, “Ipinagamot natin si Edmar hanggang siya ay nasa tamang condition para makalipad.
“Maselan ang kondisyon niya noon kaya t di basta-basta pinayagang sumakay ng eroplano.
“He is on his way home today, and will be flying business class for space considerations, with a nurse na atin din pong pinasama.”