Kasunod ng pag-alma ni Vice Ganda sa report ng morning newscast ng TV5 na Frontline Sa Umaga, naglabas ang pamunuan ng produksiyon ng erratum o pagtutuwid sa maling ulat nila.
Hindi pinalampas ni Vice ang aniya’y “fake, clickbait, mema” na ulat ng news program sa kanila ng Kapuso star na si Marian Rivera.
Read: Vice Ganda calls out TV5's "fake, clickbait, mema" report about him and Marian Rivera
Binasa ng host ng programa na si Gretchen Ho ang kanilang pagtutuwid sa live broadcast kaninang tanghali, September 2, 2022.
Ibinahagi rin ni Gretchen ang clip nito sa kanyang Twitter account kung saan naka-tag si Vice.
Ayon kay Gretchen, gagawa ng mga inisyatibo ang pamunuan ng news program upang hindi na maulit ang maling pagbabalita.
Aniya, “We issued an erratum this morning on #FrontlineSaUmaga for yesterday’s erroneous news report.
"Rest assured, we are reviewing internal processes to make sure this doesn’t happen again. Apologies to @vicegandako and Ms. Marian Rivera. We will do better.”
Ikinagalak naman ni Vice ang sinabi ni Gretchen at nagpasalamat pa siya rito.
Mensahe ng It’s Showtime host, “Thank you @gretchenho. I appreciate it. [heart emoji]”
Hindi nagustuhan ni Vice ang report tungkol sa diumano’y natuldukang isyu sa pagitan nila ni Marian.
Binanggit pa sa ulat na ang pinagmulan ng "iringan" ay ang insidente diumano "nang okrayin ni Vice ang grammar ni Marian."
Kalakip nito ang video mula sa Instagram ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagpapakita ng masayang nagyakapan sina Vice at Marian sa Preview Ball noong Miyerkules ng gabi, August 31, 2022.
View this post on Instagram
Sinabi pa sa ulat ng TV5 na patunay itong nagkaayos na ang dalawang stars.
Ang video ng TV5 report na iyon ay nasa official Twitter account na @News5PH ng TV5, at dito nag-react si Vice.
Dismayadong tweet ni Vice: "Ha??????!!!!!!!!!!! San galing ang balitang to?????? Nagkaissue kami? Iringan??!!!!!
"Pauso! Yuck! Super yuck! Mema???!!!"
Dagdag pa ni Vice, "super kadiri" ang umereng 'clickbait' na 'fake news.'"
Burado na sa Twitter ng News5 ang nasabing video.