Apat na customers, tatlong babae at isang lalaki, ang pumasok sa videoke bar na pinangangasiwaan ni Jomar Cabaltera sa Barangay Bulacao, Cebu noong September 5, 2022.
Naobserbahan niya na nakainom na ang mga ito, pero dahil customer ay in-entertain niya ang mga ito at pinayagang kumuha ng videoke booth.
Ayon kay Jomar, noong una ay maayos naman ang mga ito, at nag-order ng maiinom.
Pero hindi nagtagal, ang isa sa mga ito na nakilalang si Ederliza Pelamin, 27, ay nagsimulang maging bayolente at nagwala sa loob ng videoke booth.
Napilitan si Jomar na tumawag ng pulis.
Nang dumating ang mga pulis, wasak na ang TV sa loob ng videoke booth at hindi na puwedeng magamit pa.
Tanggal din ang cover ng air-conditioning unit.
Punit-punit naman ang upholstery ng mga upuan.
Ang itinuro ng grupo na sumira sa mga gamit sa videoke booth ay si Ederliza.
Pero dinampot din ng mga ito ang kapatid ni Ederliza na si Princess Faye, 24, at ang mga kasama na sina Kisha-Ann Ambos, 29, at Renz Alec Rodriguez, 25.
Ang apat ay sinampahan na ng management ng kaso.
Ayon sa Inayawan Police Station, nagpalipas ng gabi ang apat sa piitan sa presinto.
Batay naman sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, kadarating lang ni Ederliza sa Bohol kasama ang tatlong anak.
Napag-alamang iniwan ito ng live-in partner, at iyon ang dahilan kaya ito nagpakalasing at nagwala sa loob ng videoke booth.