Nagwala ang isang lalaki sa EDSA Busway Station sa Pasay City dahilan para maantala ang biyahe ng mga bus.
Napag-alamang sawi sa pag-ibig ang lalaking nagwala, ayon sa post sa Facebook ng InterAgency Council for Traffic (IACT) nitong September 27, 2022.
Pumasok sa mismong busway ang lalaki noong umaga ng Martes, saka nagwala ito. Sinundan naman siya ng dating girlfriend para awatin.
Naantala ang pagbiyahe ng mga bus sa northbound lane sa kanto ng Cuneta Avenue, Pasay City.
Kaagad na lumapit ang mga tauhan ng IACT, Philippine Coast Guard (PCG), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para mag-intervene at maiwasan na hindi tuluyang mapahamak ang lalaking naglalabas ng sama ng loob.
Sa post ng IACT, nabanggit na tila naghahanap ng mapagsusumbungan ang lalaki dahil sa sama ng loob.
Nang niyakap kasi ito ng operatiba, umiyak ito at sumisigaw na niloko siya ng kanyang dating kasintahan.
Nagtulong-tulong ang mga operatiba ng IACT, PCG, at MMDA at dating kasintahan para pigilan ang pagwawala ng lalaking heartbroken.
Sinubukan ng mga awtoridad na pakalmahin ang lalaki subalit hindi niya ito nagustuhan.
Gusto raw nitong maglabas ng sama ng loob sa panlolokong ginawa sa kanya ng ex-girlfriend. Itinulak pa nito ang isang nang-aawat at hinamon ng suntukan.
Saka sunud-sunod na suntok ang pinakawalan niya, at todo-iwas naman ang mga operatiba.
Hindi pa rin tumigil sa pagsisigaw ang lalaking heartbroken nang i-restrain siya ng mga operatiba
Samantala, nasa tabi pa rin ang dating kasintahan at tumutulong sa pag-awat sa lalaki.
Mapapanood sa ipinost na video sa IACT Facebook sumisigaw ang lalaki at nagmumura, na animo’y naglalabas ng sama ng loob sa kanyang “brader.”
Pagdating ng mga pulis, dinala ang dating magkasintahan sa Pasay Community Precinct 6 para sa imbestigasyon ng insidente.
Dinala sa presinto ang lalaking heartbroken kasama ang dating girlfriend para sa imbestigasyon.