Isyung gamitan at trayduran?
Ito ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng nagbabanggaang sikat na vlogger na si Zeinab Harake at vlogger-talent manager na si Wilbert Tolentino.
Nagningas ang sigalot sa pagitan nina Wilbert at Zeinab nang magpatutsada si Zeinab tungkol sa "bading na akala mo inay inay mo" pero nanamantala umano sa kahinaan niya para "lokohin, gaguhin, at paikutin ka."
Inakala raw ni Zeinab na "kakampi" ang taong ito, pero "kalaban" pala at hindi totoo sa kanya.
Ipinost iyon ni Zeinab sa kanyang Facebook nang walang binabanggit kung sino ang taong pinariringgan niya.
Makalipas ang ilang araw, may mala-blind item ding Facebook post si Wilbert tungkol sa taong magaling umanong "magpa-victim" at "magpaikot" ng tao sa ngalan ng "popularidad" at "views" sa social media.
Nagparinig din si Wilbert na "bait-baitan" sa harap ng camera ang taong iyon, pero may "attitude in real life" at "USER."
Mabilis na naugnay ang tweets kina Wilbert at Zeinab.
Lumalabas na umani ng batikos si Wilbert na siya ang inakusahang "user" at "traydor" dahil tinitira niya si Zeinab na tumulong sa kanya para makilala sa mundo ng vlogging.
WILBERT ON ZEINAB: "MAS NAGAMIT NIYA PO AKO."
Hanggang sa nitong October 23, 2022, Linggo, isinapubliko na ni Wilbert ang bersiyon niya ng away nila ni Zeinab.
Banat ni Wilbert laban kay Zeinab sa kanyang Facebook Live: "Gusto ko lang sabihin sa inyo na kung user ako, mas nagamit niya po ako kesa mas nagamit ko po siya.”
Ayon kay Wilbert, tinatanaw naman niya ang utang na loob kay Zeinab na nagturo sa kanya paano pasukin ang vlogging noong kasagsagan ng pandemya.
Naisip daw kasi ni Wilbert na magagamit niyang edge ang pagiging vlogger kasabay ng negosyo niyang bar.
Pero diin ni Wilbert, nakinabang din si Zeinab dahil kailangan nito ng mga “raket” sa pamamagitan ng vlog collabs nila.
Binayaran daw ni Wilbert si Zeinab sa mga pagkakataong nag-post si Zeinab ng YouTube vlog kasama siya.
Iyon daw kasi ang strategy para makilala si Wilbert ng YouTube subscribers ni Zeinab.
Hundreds of thousands daw ang singil ni Zeinab sa mga transaksiyon nila.
“Ako ang nagbayad…
“Kahit bayad yung per content namin, hindi ko ikinalat na bayad iyan per content.
“Hinayaan ko lang na gumanda ang imahe niya na siya ang tumulong sa akin,” sabi ni Wilbert.
Lahad pa ng talent manager, may limited duration ang pag-ere ng vlog collab nila ni Zeinab sa YouTube channel nito.
“On my part, siyempre kasama sa promotion at sa deal namin kung ano napag-usapan namin.
“I don’t see anything wrong kung talagang nagpo-promote siya at sa paningin niyo ay libre iyon.
“Si Zeinab ang nanghingi sa akin ng content. Siya ang may kailangan sa akin.
“At sasabihin niya sa akin ia-upload niya sa YouTube niya para makilala ako ng Team Zebbies.”
Team Zebbies ang tawag sa fans ni Zeinab.
Magkarelasyon pa raw noon si Zeinab at live-in partner nitong si Darryl Ruiz, o mas kilala bilang rapper na si Skusta Clee.
Patuloy ni Wilbert sa collab nila ni Zeinab: “Pero after a few weeks, ite-take down niya. Iyon yung masaklap.
“Siyempre kinuha niya si Pareng Darryl, 400 [thousand pesos], plus siya 400 [thousand pesos], 800 [thousand pesos] yun.
“After two weeks, nawala na kasi ite-take down niya.
“Ano kaya mararamdaman niyo rin? Pero, wala kayo narinig. Wala ako pinost sa social media.”
Base sa datos na ipinakita ni Wilbert, higit 700,000 subscribers ang naidagdag sa kanyang YouTube channel subscribers dahil sa collabs nila ni Zeinab.
Ang ibang subscribers ay nadagdag dahil sa pakikipag-collab daw ni Wilbert sa iba pang vloggers.
May kabuuang 2.3 million subscribers sa YouTube Channel ni Wilbert, habang si Zeinab ay may 13.1 million subscribers at itinuturing na isa sa mga matagumpay na vloggers ngayon.
ON MEETING HERLENE BUDOL THROUGH ZEINAB
Aminado naman si Wilbert na si Zeinab ang nagpakilala sa kanya sa ibang vloggers/ influencers.
Kabilang dito si Herlene “Hipon Girl” Budol, na talent na ngayon ni Wilbert.
Nagsimula ang working relationship nina Wilbert at Herlene nang makipag-vlog collab si Wilbert kay Herlene. Kasagsagan daw iyon na walang-wala si Herlene dahil naubos ang ipon nito sa pandemya.
Pero hindi naman daw simpleng "thank you" lang ang kapalit ng pagtulong ni Zeinab kay Wilbert.
Ayon kay Wilbert, “Kumita siya ng PHP200,000 nang hindi alam ni Hipon kasi PHP100,000 ang chinarge niya sa akin [per content namin ni Hipon].
“So, dalawang content nagawa namin [ni Herlene]—'Fact or Bluff' at 'Pera o Kaldero.'
“Pinagkakitaan ni Zeb si Hipon...”
Ang siste raw, may karampatang fee ang pagpapakilala ni Zeinab kina Herlene at Wilbert.
ON zeinab being "threatened" by OTHER vloggers
Idinetalye rin ni Wilbert ang aniya'y hindi magandang ugali ni Zeinab sa likod ng kamera.
Mas pinaiiral daw ni Zeinab ang pagiging mautak para hindi maungusan ng ibang vloggers at influencers kaysa makipagtulungan sa mga ito.
Hindi raw basta nakikipag-collab si Zeinab sa vloggers na itinuturing nitong “threat.”
Una na raw sa kaso ng comedienne-beauty queen na si Herlene Budol.
“Kung gusto mo talaga tulungan si Hipon, dapat kinolab mo. Pero di mo siya kinolab dahil mga Zebbies mo malilipat kasi magaling si Hipon.
“Kumpiyansa ako na mas kailangan ni Hipon yun. Never kayo nag-collab at never kayo nagkaroon ng content," saad ni Wilbert laban kay Zeinab.
Nang nag-iisip si Wilbert ng ibang vloggers para maka-collab, diniscourage daw siya ni Zeinab na makipag-collab kay Madam Inutz.
Ipinakita ni Wilbert ang screenshot ng mensahe ni Zeinab na nagsasabing wala raw lasting impact sakaling makipag-collab si Wilbert kay Madam Inutz.
Pero nagpasya si Wilbert na ituloy ito.
Out of “courtesy,” sinabi ni Wilbert kay Zeinab ang pakikipag-collab niya kina Madam Inutz at Herlene.
Um-"okay" si Zeinab.
Pero pakiramdam ni Wilbert, mula noon ay “natabangan” na sa kanya si Zeinab dahil hindi niya sinunod ang rekomendasyon nito.
Ang suspetsa ni Wilbert: "Nati-threat siya [Zeinab] kay Hipon at Madam Inutz kaya wala kayong makikitang may collab silang tatlo o silang dalawa.
"Kasi iniisip niya, once na nag-collab, lilipat ang subs [subscribers] niya sa iba.
"Ganun siya kagaling bilang isang vlogger. Ganun siya mag-alaga ng subs niya. Maipakita niya lahat ng good [qualities niya on cam], pero behind the camera iyan ang dapat alamin niyo.”
Ayon pa kay Wilbert, kabilang din ang vlogger na si Toni Fowler sa mga gusto niyang maka-collab, pero “hinarang” din umano ni Zeinab.
Binanggit din niya ang vloggers na sina "Makagago, Makagwapo, Whamoz, at artists ng Star Image talent management" na hindi raw pasado kay Zeinab.
Lahad ni Wilbert, "Lahat ng binanggit ko sabi niya ay 'trash.'
"There are some vloggers na nakipag-collab ako, dahil nakikita ko hindi naman totoo ang tsika niya sa akin dahil nakikita ko yung paninira."
ON ZEINAB "BADMOUTHING" CELEBS, VLOGGERS
Bilang patunay, isinapubliko ni Wilbert ang screenshots ng private exchange of messages nila ni Zeinab kunsaan pinupulaan daw nito ang mga kakilalang celebrity vloggers.
Kabilang dito sina Alex Gonzaga, Ivana Alawi, Robi Domingo, at Sanya Lopez, at couple vloggers na sina Jayzam Manabat at Camille Trinidad.
Pati mismong best friend daw ni Zeinab na si Donnalyn Bartolome ay “nag-talk s**t siya.”
Dagdag pa ni Wilbert, "Kung ako ay sobrang sarado ang utak ko at nakapokus ako lahat sa demands niya, naging tuta ako ni Zeb.
"Kasi lahat ng sinasabi niya, kailangan sundin ko.”
ON WILBERT SPONSORING ZEINAB'S OBB VIDEO
Naglabas din ng hinaing si Wilbert sa aniya’y kawalan ng acknowledgement ni Zeinab sa naitulong niya rito.
Si Wilbert daw ang “sponsor” sa higit PHP500,000 na budget para sa "intro" video o opening billboard (OBB) para sa YouTube channel ni Zeinab.
Nang maglabas ng pera si Wilbert para sa shoot ni Zeinab, wala naman daw silang usapan na hindi niya puwedeng i-disclose na siya ang nagbayad para sa shoot.
Nagkataon naman daw na ang direktor ng "intro" video ni Zeinab ang kinuha ni Wilbert na direktor para sa hiwalay na music video ni Madam Inutz.
Ang director na iyon ay nagngangalang Titus.
Nang magkita sina Wilbert at Titus, nabanggit daw ni Titus na galing ito sa shoot para sa "intro" video ni Zeinab.
Sinabi ni Wilbert na alam daw niya ang tungkol dito dahil siya ang "sponsor" ng shoot.
Hindi raw niya akalaing ikakagalit ni Zeinab ang insidenteng iyon.
"Wala ako hininging kapalit. Bigla mo ako aawayin bakit kailangan ko ikuwento sa iba," ani Wilbert.
"Sana di ka na na lang nagpa-sponsor kung may itinatagoa ka pala at gusto mo yung pride mo mataas.
"How would you feel? Kayo nagpa-sponsor, dumura kayo ng kalahating milyon mahigit para sa 'intro' niya, ako pa napagalitan."
Lumalabas na mula 2021 pa ang mga patung-patong na isyung pinagmulan ng hidwaan nina Wilbert at Zeinab.
Hanggang sa nitong June 2022, napansin ni Wilbert na in-unfriend siya ni Zeinab sa social media accounts kunsaan nagpa-follow-an sila.
Nag-reach out pa raw si Wilbert kay Zeinab pero hindi pa siya sinagot nito.