Nag-apologize si Zeinab Harake kay Robi Domingo matapos mabulgar ang hindi magandang komento ng celebrity vlogger tungkol sa Kapamilya TV host.
Sinong mag-aakalang magkakaroon pala ng isyu sina Zeinab at Robi, na nagkasama pa bilang judges sa "Miss Q&A: Kween of the Multibeks" grand finals ng It’s Showtime noong Sabado, October 22, 2022?
Ngayong Lunes, October 24, trending sa social media ang tungkol sa banggaan ni Zeinab at ng vlogger-talent manager na si Wilbert Tolentino.
Si Zeinab ang naging daan para maging vlogger si Wilbert, na siyang manager nina Herlene “Hipon” Budol at Madam Inutz.
Nagsimula ang isyu dahil sa pa-blind item ni Zeinab last week ukol sa isang taong “traydor” at “user.”
Hindi nagtagal, nag-post din si Wilbert na mistulang kinumpirma na siya ang pinapatutsadahan ni Zeinab.
Naglabas din ng maaanghang na salita si Wilbert laban kay Zeinab, na sinabihang may masamang ugali na itinatago lamang umano sa harap ng camera.
Pero paano nadamay si Robi rito?
Sa pagsasalita ni Wilbert via Facebook Live, inilabas niya ang screenshot messages umano sa kanya ni Zeinab noong maganda pa ang kanilang samahan.
Hiningan kasi ni Wilbert ng payo si Zeinab tungkol sa mga artistang nais maka-collab ng talent manager. Kabilang dito sina Ivana Alawi, Alex Gonzaga, Sanya Lopez, at Robi.
Mababasa sa screenshots na ibinulgar ni Wilbert na hindi magaganda ang mga sinabi ni Zeinab ukol sa mga artistang ito, katulad ng kay Robi.
Ito ang sinabi ni Zeinab ukol kay Robi (published as is): “wag ung robi domingo ha walang market dun maloka ka dun shhh lang”
ROBI REACTS, ZEINAB APOLOGIZES
Mahihinuhang nakarating kay Robi ang isyung ito at ang tungkol sa pagtawag sa kanya ni Zeinab na “walang market.”
Kahapon, October 23, o isang araw matapos nilang magkasama ni Zeinab sa "Miss Q&A," may cryptic tweet ang TV host.
“Oh wow. How true?” tweet ni Robi, na nilagyan pa nito ng makahulugang emojis.
Tweet ng netizen, reaction ito ni Robi sa nabulgar na message ni Zeinab laban sa Kapamilya host.
Sinundan pa ito ni Robi ng mas malamang post sa Instagram at Twitter.
Ni-repost niya ang larawan ng gusali ng isang public market.
“ROBI DOMINGO PUBLIC MARKET,” sabi sa edited signage.
Ang caption dito ni Robi: “Akala mo lang wala, pero MERON, MERON, MERON! [crying emojis]” na dialogue mula sa 2000 movie na Anak.
Malinaw na sarkastikong reaksiyon ito ni Robi sa pahayag ni Zeinab na wala siyang market.
May mga artistang nagkomento sa post na ito ni Robi, na halatang alam kung ano ang kuwento sa likod nito.
Pero agaw-pansin ang pagkomento ni Zeinab.
Bakas sa komento ng sikat na vlogger na nauna na siyang humingi ng paumanhin kay Robi, na maaaring via direct messaging.
Komento ni Zeinab: “again i’m really sorry robi [crying emoji]”
Sunud-sunod ang mga komento ng supporters ni Zeinab at naghayag ng suporta sa kanya.
Wala namang sagot si Robi sa iniwang “sorry” message ni Zeinab.