Nalagasan ng halos dalawang milyong followers ang Instagram account ng Miss Grand International pageant.
Ito ay kahit wala pang 24 oras ang lumipas pagkatapos hirangin si Isabella Menin ng Brazil bilang bagong winner kasabay ng ika-10 anibersaryo ng Thailand-based beauty pageant.
Ginanap ang finale show ng Miss Grand International 2022 sa West Java, Indonesia, nitong Martes ng gabi, October 25, 2022.
Read: Brazil, kinoronahang Miss Grand International 2022; Roberta Tamondong, hanggang Top 20 lang
Masigasig ang netizens sa iba't ibang panig ng mundo, hindi lamang sa Pilipinas, na may ipinapadalang kandidata sa Miss Grand International (MGI) taun-taon.
Mula 6.5 million ay 4.5 million na lamang ngayon ang followers ng MGI Instagram account.
Base sa mga komento sa isang pageant account, mga Vietnamese ang bultuhang nag-unfollow sa account ng MGI matapos hindi makapasok sa Top 10 si Miss Grand Vietnam Doan Thien An.
Sa Facebook naman ng Miss Grand International, makikitang sa ilang posts nito ay marami ang angry emoji mula sa mga taga-Vietnam.
COOKING SHOW?
Sa Pilipinas, muli na namang nalungkot ang beauty-pageant fans dahil hanggang Top 20 lang din ang inabot ng ating kandidata na si Roberta Tamondong.
Kaugnay nito, naglabasan na naman ang “cooking show” posts ng netizens laban sa Miss Grand International at sa founder at president nitong si Nawat Itsaragrisil.
Hinala ng Pinoy pageant fans, may “favoritism” na pinapairal sa mga kandidata at tila hindi paborito ang mga contestant galing sa Pilipinas.
May mga nagsasabi ring “inggit na inggit” si Nawat sa Pilipinas dahil apat na ang nahirang na Miss Universe winners mula sa bansa samantalang nakakadalawa pa lamang ang Thailand.
Ang mga nanalong Miss Universe mula sa Pilipinas ay sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018).
Ang Thai Miss Universe winners naman ay sina Apasra Hongsakula (1965) at Porntip Nakhirunkanok (1988).
Ngayong Miyerkules, October 26, inamin ni Nawat na marami ang nawalang followers sa Instagram ng Miss Grand International.
Natuklasan din daw niyang puro Vietnamese ang nag-unfollow.
Saad niya sa kanyang Instagram Story: "I did check MGI Instagram already all unfollowed are Vietnam. Thanks for unfollow [Vietnam flag emoji] We always respect and fair to everyone and every countries."
Samantala, nagpasalamat naman si Roberta Tamondong sa lahat ng mga Pilipinong nakasuporta sa kanya.
Sa kanyang Instagram Story ngayon ding araw, sinabi ng Pinay beauty queen na umaasa itong naipagmalaki siya ng kanyang mga kababayan kahit hanggang Top 20 lang ang inabot niya.
Sinabi rin niyang babalik na siya sa Pilipinas ngayong gabi.
Aniya, “Philippines, I hope I made you proud! [Philippine flag emoji]
“I’m coming home tonight. Maraming Salamat sa pagsuporta. [smiling, heart emoji]”