Nilinaw nina Korina Sanchez at Karen Davila na wala silang isyu kahit na pinagtatapat sila bilang veteran broadcasters.
Sa unang pagkakataon ay nagharap sina Korina at Karen sa talk show ni Korina na Korina Interviews, na umere sa Net25 noong Linggo, October 30, 2022.
Dito ay pinag-usapan nila ang tingin ng iba na may iringan sila sa ABS-CBN News Room noon.
Nang i-reformat kasi ang ABS-CBN prime-time newscast na TV Patrol noong 2004, si Karen ang pumalit kay Korina bilang news anchor.
Noong taong iyon ay nag-host si Korina ng sarili niyang programa na Rated K.
Balik-tanaw ni Korina: "Naunahan pa ng intriga. 'Ay, ang pumalit kay Korina si Karen, so baka galit si Korina kay Karen.'
"Actually, hindi ah. Decision ng management iyon nung pinalitan mo ako sa TV Patrol. And there was [no animosity].
"Remember when Mar ran, I even invited you? Wala talaga yun kasi decision talaga iyan ng mga boss namin nung mga panahon na iyon."
Ang tinukoy ni Korina na "Mar" ay ang mister niyang si Mar Roxas.
Tingin ni Karen, hindi maiwasang pagtapatin sila dahil sa nature ng kanilang trabaho.
Saad niya, "Feeling ko, because workwise, parang it was such a competitive environment where we used to work.
"Parang they would always pit people against each other, perhaps.
"It would be, let’s say after Korina, nandiyan si Karen.
"Napakahirap din nun for any woman, ha. Kasi nga you feel minsan either may hinahabol ka or hinahabol ka."
"LOST OPPORTUNITY" DURING ABS-CBN DAYS
Nanghihinayang si Karen dahil hindi raw sila nabigyan ng oportunidad na mas magkakilanlan ni Korina noong nasa ABS-CBN pa ang huli.
"Of course, you were very busy. But I feel it was a lost opportunity for me, for both of us," ani Karen.
Sang-ayon ni Korina, "Sobrang busy. Iba-iba ang schedule natin.
"It’s not like nakakahuntahan ko nang madalas si Bernadette or even Loren. Talagang ang nakakausap ko lang ay si Ted kasi siya yung partner ko."
Ang tinukoy ni Korina na "Bernadette" ay si Bernadette Sembrano, ang "Loren" ay si Senator Loren Legarda na dating ABS-CBN broadcaster, at ang "Ted" ay si Ted Failon.
Madalas makatambal ni Korina si Ted sa shows nila sa ABS-CBN noon.
- Korina Sanchez on transfer to TV5: "Cheers to the wounds that will never heal but also to new beginnings."
- 7 TV Patrol anchors, reporters who pulled controversial exits
- Korina Sanchez asked about rumored split of Heart Evangelista, Chiz Escudero
KORINA'S SHOWS
Si Korina ay batikang broadcaster at TV host na nahasa sa iba't ibang programang pinangunahan niya sa loob ng 33 taon nito sa ABS-CBN (1986-2020).
Kabilang dito ang pagiging news anchor ng ABS-CBN prime-time newscast TV Patrol (1995-2006, 2001-2004, 2010-2015), news anchor ng late-night newscast Bandila (2006-2009), at host ng magazine show na Rated K (2004-2020).
Nagkaroon din si Korina ng talk show kasama si Kris Aquino, ang Morning Girls with Kris and Korina noong 2003. Nagkatambal din sila ni Ted Failon sa Hoy Gising, pero mula 1992-1996 lang doon si Korina.
Siya ay kasalukuyang host ng lifestyle magazine program na Rated Korina sa TV5 at A2Z, at may bagong talk show na Korina Interviews sa Net25.
KAREN'S SHOWS
Beterana na si Korina sa news broadcasting world nang halos isang dekada nang unang pasukin din ito ni Karen noong 1995.
Kinalaunan, nakilala si Karen bilang batikang broadcaster sa iba't ibang programa sa loob ng 22 taon niya sa ABS-CBN.
Siya ay news anchor ng TV Patrol mula 2004 to 2010, at mula 2021 hanggang sa kasalukuyan. Nakilala rin siyang news anchor ng cable newscast na Headstart sa ANC mula 2010 hanggang sa kasalukuyan.
Si Karen ay naging news anchor din ng defunct ABS-CBN late-night newscast na Bandila (2010-2020) at host ng defunct public affairs program na The Correspondents.