Napag-usapan sa isang interview with Keempee de Leon, 49, ang kanyang former leading lady na si Donna Cruz.
Sa PEP Live interview kay Keempee noong November 2022, natalakay ang pagbibida niya sa comedy movie na Mahal Kita Beksman kasama si Christian Bables.
Ginampanan ni Keempee ang isang gay man na may anak (Christian) na gay rin, subalit nagkagusto sa babae ang huli.
Ang kantang “Kapag Tumibok ang Puso” ang ginamit na theme song, na coincidentally, ay kinanta noon ni Donna Cruz, na dating ka-love team ni Keempee noong '90s.
Mid-'90s nang naging tanyag ang tambalang Donna-Keempee, partikular sa Kapuso teleseryeng Villa Quintana (1995-1997) at nagtambal din sila sa mga pelikula.
“Yun ang mga panahon namin ni Donna noon, Villa Quintana, and yun yung mga panahon na pumutok yung 'Kapag Tumibok Ang Puso…'” sabi ni Keempee.
Binanggit ni Keempee sa interview na nagpasalamat si Donna sa production team ng Mahal Kita Beksman na ginamit ang kanyang hit song.
Sundot na tanong namin sa aktor: may komunikasyon pa ba sila ni Donna?
“Sa mga Instagram, mga nagla-like-like na lang, ganoon,” sagot ni Keempee.
“Kasi ngayon, kahit naman mag-message ka, minsan sasagot sa yo yung ibang tao after two days, three days.
“I guess busy na rin lahat ng tao ngayon, e.”
Pero masaya raw si Keempee sa dating ka-love team na pribado ang buhay ngayon.
“Okay lang. At least nagla-like-like naman sa mga post, and happy naman siya, which is good. I’m happy for her.”
Si Donna ay ikinasal sa Cebuano eye doctor na si Yong Larrazabal, na siyang ring President and Chairman of the Board ng CebuDoc Group, noong 1998.
May tatlo silang anak.
Si Keempee naman ay may 25-year-old daughter, si Samantha, sa dating non-showbiz girlfriend.
HAPPY TO STILL BE ACTIVE IN SHOWBIZ
Pasasalamat lang mayroon si Keempee dahil hanggang ngayon ay nabibigyan pa rin siya ng trabaho sa showbiz.
Bago magtapos ang 2022, si Keempee ay napanood at napabilang sa Kapamilya primetime series na 2 Good 2 Be True at comedy film na Mahal Kita Beksman.
Long-time talent ng GMA-7 si Keempee pero lumipat siya sa bakuran ng ABS-CBN noong 2018.
“Thankful ako talaga. At least nasa sirkulasyon pa rin tayo ng industriya at naaalala pa rin tayong kunin ng mga producers, mga direktors sa mga network,” pahayag ng anak ni Joey de Leon.
Nakilala bilang teen star, si Keempee ay nagkapamilya na rin habang nasa showbiz.
“My whole life talaga umikot na sa industriyang to, e. Dito ako nabuhay, e.
“Dito na ako nabuhay, dito na ako, kumbaga, nabili ko yung mga bagay na kailangan ko, nabibili para sa anak ko.”
Sabi pa ni Keempee, “I owe everything to God and sa mga networks na nakatrabaho ko.
“Thankful ako na kahit papano, nakukuha pa rin tayo para mag-portray ng roles, para sa ating mga netizens, sa ating mga viewers, sa mga fans na sumusubaybay pa rin hanggang ngayon sa atin.”
Sa katunayan nga raw ay marami pa ring dating fans ni Keempee ang nagpapadala ng message sa kanya para ipahayag ang patuloy nilang paghanga sa aktor.