Umapaw sa kilig ang PEP Live episode nitong Martes, January 17, 2023, nang mapag-usapan ang real score sa pagitan ng actress-singer na si Kristel Fulgar at ng Face Republic CEO na si Yohan Kim, na mas kilala ng fans sa tawag na "Big Boss."
Sa "Social Media Raid" segment ng interview, ipinakita ng PEP.ph ang litrato nina Kristel ni Yohan na kuha mula sa birthday celebration ng huli.
Ibinahagi ni Kristel ang picture sa kanyang Instagram account noong November 3, 2022. Caption nito: "Finally got to celebrate your birthday in person.. [emoji]"
Ayon kay Kristel, very special ang moment na ito sa kanya dahil dalawang taon siyang hindi nakasama nang personal sa birthday celebration ni Yohan dahil sa COVID-19 pandemic.
Kuwento niya, "Itong photo na ito, actually, ang tagal kong hinintay kasi, lahat... parang nung last two birthdays ni Big Boss, hindi kami magkasama.
"Like, hindi ko siya nakita. Like, hindi ko siya ano... wala kaming photo.
"Kaya itong birthday niya, talagang sobrang special kasi nagkaroon kami ng time para i-celebrate yung birthday niya together."
Paglilinaw naman ni Kristel, kasama nilang nag-celebrate ng birthday ni Yohan ang mga empleyado nito.
"Nung time na yun, hindi naman kaming dalawa lang. Kasama yung Face Republic team, nung nag-team building sila. Nilipad niya yung mga Face Republic employees niya dito sa Korea.
"And ayun, ako, na-meet ko rin yung mga employees niya.
"Dati kasi sa ano ko lang sila nakikita, sa Zoom lang din. Ngayon, na-meet ko na sila personally, and ayun."
Dagdag ni Kristel, "Actually, isa sa mga in-admire ko sa kanya, sobrang galing niya sa mga empleyado. Like, sobrang mabait niya sa mga empleyado.
"Pag once na maging boss mo siya, hindi ka niya bibigyan ng dahilan para iwanan siya or iwanan yung kumpanya kasi walang reason, walang ganun."
LEVEL UP
Mahigit limang taon nang magkakilala sina Kristel at Yohan.
Nagkakilala ang dalawa noong 2018, nang unang beses pumunta ni Kristel sa South Korea.
Naguluy-tuloy rin ang kanilang pagkakaibigan at napadalas din ang pag-feature ni Kristel kay Yohan sa YouTube channel ng actress-singer.
Sa panayam ng PEP.ph kay Kristel noong 2019, sinabi nitong magkaibigan ang turing nila sa isa't isa.
Apat na taon mula sa unang panayam ng PEP.ph sa kanya, nag-level up din kaya ang kanilang relationship?
Sagot ni Kristel, "Yung trust, respect, and everything, masasabi ko nag-level up talaga.
"Masasabi ko na aside from my mom, si Big Boss na yung pinaka nire-respect kong tao sa buhay ko and pinagkakatiwalaan kong tao sa buhay ko.
"So, yeah, isa siya sa pinaka-special na tao sa akin."
Ipinahayag din ni Kristel ang kanyang appreciation kay Yohan lalo't malaki ang tulong na ibinigay nito nang mag-decide si Kristel na mag-aral sa South Korea.
Bahagi ni Kristel, "Isa pa sa sobrang na-appreciate ko na, alam mo, yung parang acting as a guardian siya sa akin sa Korea kasi wala akong family dito.
"Kaya parang yung effort na kahit alam mong sobrang busy siya, nagagawa niya akong samahan sa grocery tapos i-check up ako once in a while, kung ano yung status ko.
"So parang, yeah, parang masasabi ko, dito sa Korea, siya yung family ko."
Dagdag pa niya, "Siya rin yung gumawa ng way para makapunta ako rito, para magkaroon ako ng work visa. Siya lahat.
"Yung effort and everything, malaki talaga yung participation niya kung paano at bakit ako nandito. Kahit sa pag-e-enroll, tinulungan niya ako mag-enroll. So, lahat."
Noong November 2022, pumirma si Kristel ng kontrata sa entertainment agency na Five Stones Entertainment sa South Korea.
Si Yohan ang naging daan upang makilala ni Kristel ang CEO ng Five Stones Entertainment na si Mr. Han.
Kasalukuyang namang talent ng NYMA si Kristel dito sa Pilipinas.
September 2022 nang lumipad si Kristel sa South Korea upang mag-aral.
Nitong December 2022, sinimulan na nito ang kanyang Korean language course sa Sogang University.
READ MORE: