Nag-tweet ang Ultimate Multi-dogshow Superstar na si AC Soriano, na kilala rin bilang ang gay impersonator na si Otin Gonzaga-Soriano, last January 21, 2023 na ido-donate niya ang kinita niya sa kanyang "I Am Otin" free online concert noong January 20.
Si Otin ang impersonator ng TV host/actress na si Toni Gonzaga-Soriano.
Ang online concert ni Otin ay kasabay ng I Am Toni, ang birthday concert ni Toni, na ginanap naman sa Smart Araneta Coliseum.
Sa tweet ni Otin, sinabi niyang medyo late na niya na-realize na may stickers pala sa TikTok Live.
May value raw pala yun—meaning, may kinita.
Ang gagawin umano niya, kung magkano ang naging income sa TikTok Live ay dodoblehin niya at ido-donate sa Home for the Golden Gays.
Ang Home for the Golden Gays, o The Golden Gays, ay isang non-profit organization na nagkakaloob ng suporta at care facilities para sa mga may-edad nang miyembro ng LGBTQ.
Itinatag ito ng kolumnista at dating Pasay City councilor na si Justo Justo noong 1975.
Ang "I Am Otin" ay nakahatak ng 25,000 viewers, at may 5 million likes sa Tiktok Live.
Nag-trending din ito sa Twitter.
Naging special guests ni Otin sa kanyang online concert ang TikTok stars na sina Sassa Gurl, Jun Salarzon at Toniyuh.
Sa kasalukuyan, ang gift revenue sa online concert ni Otin ay may total balance na US$207.60 dollars, o PHP11305.90.