Nanahimik lamang si Paolo Contis sa kanyang 39th birthday noong Martes, March 14, 2023.
Hindi siya lumabas. Nagmuni-muni lang siya sa bahay at in-assess ang buhay niya ngayong 39 na siya.
“Sabi ko, tahimik nga ako nung birthday ko e.
“Buong araw akong tahimik. Nakaupo lang ako,” sabi ng Kapuso actor nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa isang lunch kasama ang ilang executives ng isang apparel brand na ini-endorse niya noong Miyerkules, March 15.
Sa panayam niya sa Fast Talk With Boy Abunda noong January 27, sinabi ni Paolo na marami siyang napagtanto ngayong 39 na siya.
Read: Paolo Contis on estranged daughters: "My biggest fear… is for them to actually hate me."
Sa pakikipag-usap ng PEP.ph sa aktor ay nagpaliwanag siya tungkol dito.
Saad niya, “Again, naglista ako ng mga gusto kong mangyari, mga goals ko. Marami akong kailangang ayusin.
“That's for sure, alam ko yun. I think yun ang pinakaimportante sa lahat, alam ko lahat na naging mali ko.
"Alam ko kung ano ang dapat kong gawin para itama yun. So, I think that’s a start.”
Hindi sinagot ni Paolo ang tanong ng PEP.ph kung binati siya ng alinman sa kanyang mga anak nung birthday niya.
Dalawa ang anak na babae ni Paolo sa dating asawang si Lian Paz, sina Xonia at Xalene; at isa naman sa dating live-in partner na si LJ Reyes, si Summer.
Ang problema niya sa kanyang mga anak ang isa sa gustong ayusin ni Paolo, pero tumanggi siyang sabihin kung ano ang gagawin niya para maayos ito.
Hindi raw niya ilalatag ang mga ito isa-isa. Sa kanya na lang daw muna ito.
Sabi ni Paolo, “Mahirap sabihin isa-isa. Pag sinabi mo na naman, dami na naman makikialam. So, gulatin na lang natin yung mga tao.
“Tutal, wala naman silang kinalaman sa pagbabago ko sa buhay, sa pag-aayos ko. Ang makikinabang lang naman nun, mga mahal ko, mga ginawan ko ng mali. Sila naman ang makinabang, hindi yung mga bashers.
“Gagawin natin lahat ang puwede nating gawin.
“Siguro, para sa akin, makikita niyo naman yun. Kasi hindi naman hihinto yun, e, mga bashers. Hindi naman hihinto yun, e.”
PAOLO'S GOALS ON HIS BIRTHDAY
Ang birthday wish daw niya ngayon ay matupad ang mga gusto niyang baguhin sa kanyang buhay.
“Hindi siya wish, e, goal siya. Na magawa ko yung goals ko,” pakli niya.
“Kasi, let’s be honest, yung mga nangyari sa akin, hindi yun madaling ayusin. And kung mahina yung loob mo, mahina yung pagpupursige mo, puwede kang sumuko.
“So, yun ang wish ko. Yung pagpursige ko, hindi ako puwedeng mapagod.
"Kasi, una sa lahat, ako naman yung mga nagawang mali dati, e, di ba?
“Hindi ako puwedeng mapagod. Yung pagpupursige, hindi dapat mahinto yun,” tugon nito.
Inamin ni Paolo na naapektuhan siya ng naging reaksiyon ng ilang malalapit na tao sa kanya dahil sa mga kamaliang nagawa niya.
“Alam mo kasi, masakit sa akin, may mga nasaktan ako na nagmi-mean sa akin. May mga taong importante sa akin, may mga nag-down, mga sumuko, di ba?
“May ilang mga close family members na kasama sila sa mga ano… nung mga time na yun, yun yung medyo kumirot sa akin.
“Pero… I mean, pag sa hindi mo kaanu-ano, may mga iba kang nakatrabaho na medyo na-off sa yo, naintindihan ko yun. Kasi hindi naman lahat kilala ako in a personal level e.
“May mga taong personal akong kilala na, oo, pinagsabihan ako, pero after nun, okay kami, di ba?”
Kasama sa pagpupursige niya ay magtrabaho para matupad daw ang lahat ng gusto niyang baguhin sa kanyang buhay.
“Again, I just wanna work and work and work, and fix all the wrong doings I’ve done before.
"And hopefully, eventually, makita na lang yan ng tao nang hindi ko pinipilit na… hindi yung ‘Hi!' Nagpu-pose ka, 'Praying today. Praying today o! I’m sad,' tapos may luha. Tigilan ako!” bulalas ni Paolo na tumataas ang kilay.
“Gets mo? I just want people to see if there is a change in me… I just wanted to show it, without showing ito na pilit.
"Pero pagdating sa susuko… bakit ako… pero yung bashing, malala."
Natatawa pang pahayag ni Paolo: “Actually, nag-e-enjoy akong basahin siya!
“Kasi magtataka ka e. Grabe! Bored naman tong mga to, no? Saka kung magalit sa yo, parang kilala ka, parang sa kanya ako may ginawa, di ba?
“May mga nagsasabi, 'Babaero ka tsu tsu, bakit hindi mo ako tularan.' Tapos pagtingin mo ng picture, pangit."
Ayon sa Kapuso actor, “Ngayon, especially this year, magku-concentrate lang ako sa trabaho.
"Kasi kasama naman yun sa mga goals mo, e. Kailangan mo magtrabaho nang maayos para magtuluy-tuloy yung mga plano mong pag-aayos sa buhay."