Madaling-araw ng Biyernes, March 17, 1995, nang bitayin sa pamamagitan ng pagbibigti ang Filipino domestic helper na si Flor Contemplacion.
Si Flor (January 7, 1953 - March 17, 1995), na taga-San Pablo City, Laguna, ay binitay sa Changi Women’s Prison and Rehabilitation Centre sa Singapore.
Ito ay dahil sa paratang na pagpatay sa kapwa Filipino domestic helper na si Delia Maga at ng Singaporean child na inaalagaan nito, ang tatlong taong gulang na si Nicholas Huang, noong May 4, 1991.
Noong January 29, 1993, bitay ang naging hatol ng Singaporean court kay Flor dahil sa krimeng ibinibintang sa kanya.
Sa kabila ng pagsisikap at pakiusap noon ni President Fidel V. Ramos, hindi pinagbigyan ng pamahalaan ng Singapore ang clemency na hiniling niya na ipagkaloob sa akusado.
Flor Contemplacion
Ngayong March 17, 2023, Biyernes, ginugunita ng naulilang pamilya ni Flor ang ika-28 anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Coincidentally, araw rin ng Biyernes nang bitayin si Flor noong 1995.
RUSSEL CONTEMPLACION REMEMBERS LATE MOTHER
Hinanap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Russel Contemplacion para kumustahin ang kalagayan niya, at nagpaunlak siyang magsalita.
Labimpitong taon ang edad ni Russel at walong buwan siyang buntis sa kanyang panganay na anak nang mangyari ang trahedya sa pamilya nila.
Russel Contemplacion at 17
Si Russel ang nag-iisang anak na babae ni Flor.
Bilang paggunita sa anibersaryo ng pagkawala ng nanay niya, nagluto siya ng paboritong pansit ng yumaong ina.
“Nagluto po ako ng kanyang paboritong pansit tapos magtitirik ako mamaya ng kandila.
“Hindi po ako nakauwi ngayon kasi mid-term week ko po so baka by next week ako bibisita sa puntod niya.
“Actually, before kayo tumawag, medyo nag-e-emote na talaga ako. Gumagawa po ako ng video ng mama ko so naalaala ko lang,” napaluhang pahayag ni Russel sa PEP.ph.
VISITING FLOR CONTEMPLACION AT CHANGI PRISON
Forty-five years old na ngayon si Russel pero sariwang-sariwa pa sa isip niya ang lahat ng mga nangyari sa huling mga sandali ng buhay ng kanyang ina.
Dinalaw nila ng kanyang mga kapatid na sina Xandrex, Jon-Jon, at Joel si Flor sa Changi Prison noong March 1995. Twenty-one years old noon si Xandrex; at labinlimang taon naman ang edad ng kambal na sina Jon-Jon at Joel.
Pagbabalik-tanaw ni Russel: “Umalis po kami ng Pilipinas, February 28, 1995. So, from March 1 to March 16, binisita namin siya sa Changi Prison.
“Nung first week po ng dalaw namin kay Mama, masaya pa po talaga siya.
“The first day, sobrang nagulat siya. Ang dami po niyang tanong, paano raw kami nakapunta sa Singapore, siyempre mahal yung gastos. Sino po raw yung tumulong?
“Tanong po siya nang tanong kung bakit kami nandoon.
"Although alam na po namin ang purpose ng pagbisita namin, hindi muna namin sinabi, kasi yun din po ang advice sa amin ng OWWA [Overseas Workers Welfare Administration].
“Basta from the first week ng pagbisita namin, masaya naman po siya. Every day, nakikita niya po kami kahit one hour lang yon.
“Nag-request po siya na madalaw namin siya nang malapitan kasi dati naman daw po, may mga dumadalaw sa kanya, nakakausap niya nang malapitan.
“Hindi katulad sa amin na through intercom phone lang tapos may nakaharang na salamin.
“Ginawa naman po namin ang best namin. Nakipag-usap kami sa superintendent ng Changi Prison, pero hindi po talaga kami in-allow na malapitan siya.”
THE DAY FLOR CONTEMPLACION FOUND OUT ABOUT HER SENTENCE
Sa kabila ng paglilihim ng magkakapatid sa tunay na pakay ng pagdalaw nila sa kanilang ina, hindi sinasadyang nalaman ni Flor na nakatakda na siyang bitayin.
“Napaaga ng isang araw nang malaman niyang bibitayin siya. Ang policy po kasi sa Singapore, every Friday po isinasagawa ang sentensiya.
"March 17 was a Friday, at supposed to be, ipaaalam sa preso kapag Tuesday ang sentensiya sa kanila,” pagpapatuloy ng malungkot na kuwento ni Russel sa PEP.ph.
“Ang nangyari po kay Mama, Monday pa lang, March 13, nalaman na po niya accidentally.
“Every day po kasi dinadalhan ang mga preso ng newspaper. And then, kung may article about sa mga preso, kina-cut out po para hindi nila mabasa.
“Accidentally nga po, ang newspaper na naibigay sa Mama ko, hindi na-cut yung portion na may isang Pinay na bibitayin.
"So, nalaman niya, umaga pa lang ng Monday, March 13, na bibitayin na siya.
“Kaya po noong March 14, 2 p.m., nang dumalaw kami, paglabas pa lang niya sa visiting area, umiiyak na po siya kasi alam na raw na po pala namin yung dahilan, bakit hindi sinabi sa kanya.
“Nagtanong po kami kung paano niya nalaman. Yun nga po, ikinuwento niya na nabasa niya sa diyaryo na naka-schedule siyang bitayin ng Friday.
“Iyak po siya nang iyak. Nagbibilin na lang po."
Patuloy na lahad ni Russel, "Nung last visit namin, Wednesday, March 15, sabi niya, umuwi na kami ng Pilipinas ng March 16.
“Dapat talaga, hindi pa po kami uuwi dahil, kumbaga, aantayin po namin talaga. Tapos kasabay namin na uuwi ng Pilipinas ang bangkay niya.
“ Ang ni-request po niya, umuwi na po kami. Mas mauna na raw po na umuwi kami kesa sa kanya. Huwag na po raw namin siyang antayin.
“Sabi niya, ‘Umuwi na kayo ng Pilipinas. Huwag niyo na akong antayin.'
"Kasi yung time na hindi ibinigay yung chance na mayakap niya kami, makita nang malapitan, pag-uwi na lang daw po niya namin siya yakapin."
LAST MOMENTS WITH THEIR MOTHER
Tuluyan nang napaiyak si Russel habang binabalikan ang napakalungkot na bahagi ng buhay nila.
“Umuwi kami ng March 16 ng hapon, pero bumisita pa po kami sa kanya noon then diretso na kami sa airport.
“Nung time na yon, umiiyak na lang po kaming magkakapatid. Lagi po siyang bilin nang bilin na huwag po raw kaming mag-aaway. Magmahalan kami at pilitin namin na makatapos ng pag-aaral.
“Basta pag-uwi raw po niya, yakapin po raw siya agad. Kaya nang dumating sa San Pablo ang kabaong niya, ipinasara po muna lahat ng pinto at bintana ng bahay namin.
“Sinasabi kasi na baka wala pang damit si Mama. So far, nang dumating naman po siya, maayos po talaga.
“Pagkabukas na pagkabukas ng kabaong niya, niyapos na po siya ni Papa at niyapos na namin siya ng mga kapatid ko.”
DELIA MAGA'S FAMILY
Naniniwala si Russel na inosente ang kanyang ina sa pagkamatay ni Delia dahil nakiramay sa kanilang pamilya si Conrado Maga, ang asawa ng biktima.
Ayon kay Russel, nakausap nila noon si Conrado at ang mga anak nito na naninirahan naman sa bayan ng Victoria, Laguna.
“Wala nang communication sa pamilya ni Delia Maga. After po nang malibing si Mama, wala na rin po kaming communication sa family.
“Nakausap lang po namin sila nung nakaburol si Mama. Halos araw-araw po, pumupunta sila sa burol.
"Yung mismong asawa ni Delia Maga, tapos minsan kasama niya yung mga anak nila. Palagi silang pumupunta, kakuwentuhan niya si Papa."
Ayon pa kay Russel, "Kahit naman po mismo yung asawa ni Delia Maga, sinasabi niyang naniniwala siyang walang kasalanan si Mama.
“Saka nung nakita niya yung bangkay ng asawa niya, sinabi niya na hindi kayang gawin ng isang babae ang sinapit ng asawa niya.”
Mabilis ang sagot ni Russel nang itanong namin ang saloobin niya ngayon tungkol sa kanyang pumanaw na ina.
“Alam ko naman po na kahit papaano, may peace of mind na si Mama. Masaya na rin, although hindi ganoon ka-fulfilled dahil sa nangyari sa mga kapatid ko.
“Saka hindi rin naman totally nakuha yung hustisya para sa pagkamatay niya, pero alam ko na tahimik na si Mama sa kabilang buhay.”
MOVIES ABOUT FLOR CONTEMPLACION-DELIA MAGA CASE
Isinalin ng Viva Films sa pelikula ang kuwento ng buhay ni Flor sa The Flor Contemplacion Story.
Ang Superstar na si Nora Aunor ang gumanap na Flor Contemplacion sa pelikulang idinirek ni Joel Lamangan. Ipinalabas ito sa mga sinehan noong June 7, 1995.
Samantala, ang Regal Films at ang Golden Lions Films naman ang mga producer ng Victim No.1: Delia Maga (Pray for Us), A Massacre in Singapore, na idinirek ni Carlo J. Caparas.
Bida rito si Gina Alajar bilang Delia Maga, at si Elizabeth Oropesa naman ang gumanap na Flor Contemplacion. Nauna itong itinanghal sa nationwide cinemas noong May 17, 1995.
“Hindi ko pinapanood dahil masakit,” reaksiyon ni Russel tungkol sa pelikulang nagpapaalaala lamang sa kanya sa masakit na sinapit ng nanay niya.
RUSSEL CONTEMPLACION NOW
Nagtatrabaho ngayon si Russel sa Kongreso.
Sa edad na 45, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral dahil isa ito sa mga mahigpit na bilin ni Flor nang magkita sila sa Changi Prison noong March 1995.
Russel Contemplacion with Congressman Richard Gomez in Congress
Sabi ni Russel sa PEP.ph, “Yun po kasi ang tumatak sa utak ko. Yung mga sinabi ni Mama na mag-aral kahit halos pinagbagsakan na ako ng langit at lupa dahil sa mga problema at pagsubok na dumarating sa buhay ko.
“Hindi ko rin po alam kung bakit ako nakakaraos. Kahit ano po ang mangyari, dasal lang po. Ang mindset ko, hindi naman siguro ito ibibigay sa akin ni Lord kung hindi ko kaya."
Lahad pa niya, “Unang nag-enroll po ako noong 1995 kahit may anak ako. Pero dahil special child ang anak ko, hindi ako nakapag-full load sa pag-aaral.
“Hindi ko nakuha ang lahat ng units. Instead na four-year course ng Bachelor of Science in Computer Science, naging two years na lang ang course ko. Nag-shift ako dahil palaging nako-confine noon sa hospital ang anak ko.
“Ngayon po, nag-aaral uli ako, BS in Enterpreneurship. May program po kasi ang Kongreso para sa kanilang mga empleyado na gustong mag-aral.
“Hindi lang para sa sarili itong ginagawa ko kundi para sa nanay ko.
“Magkaroon man lang ako ng bachelor’s degree, kahit hindi mataas ang grades ko, basta makapasa lang.
“Hindi naman ako naghahangad na ma-promote. Kumbaga, para na lang sa sarili ko at saka yung promise ko sa Mama ko.”