Ginugunita ng mga biktima at survivors ng Ozone Disco fire ngayong Sabado, March 18, 2023, ang ika-27 anibersaryo ng trahedyang sumubok sa katatagan ng mga kalooban nila at nagpalakas sa kanilang pananalig sa Poong Maykapal.
Read: The Ozone Disco Tragedy: 25 Years and Still Burning Our Minds
Isandaan at animnapu’t dalawa (162) ang mga taong nagbuwis ng buhay sa disco club sa Timog Avenue, Quezon City, na itinuturing bilang isa sa sampung pinakamatinding sunog na nangyari sa night club sa buong mundo.
JHUNIE MALLARI
Labing-anim na taong gulang si Jhunie Mallari ng Sta. Ana, Maynila, nang maganap ang sunog na nagdulot sa kanya ng depresyon pero naging dahilan din para matuto siyang lumaban, magkaroon ng pag-asa, at magtiwala nang husto sa Panginoong Diyos.
Lunes, Marso 18, 1996, at malapit nang sumapit ang hatinggabi nang maranasan ni Jhunie at lahat ng mga tao sa Ozone Disco ang matinding bangungot sa buhay nila.
Tandang-tanda pa ni Jhune ang buong pangyayari kahit dalawampu’t pitong (27) taon na ang nakalilipas.
Lahad ni Jhune sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph): “That time, sixteen years old ako. Patambay-tambay sa mga disco dahil member ako ng Mode Dancer Crew.
“Pa-graduate ako ng high school at may graduation promo noon sa Ozone Disco.
“Around 10 p.m., nandoon na kami ng mga kasama ko. Punong-puno noon ng mga tao ang Ozone. Bago mag-alas dose ng gabi, crowded na yung lugar.
“Nasa ledge ako noon, malapit sa DJ’s booth. Sa likuran ko nanggaling ang apoy. Paglingon ko, may spark na, biglang bumuga na yung apoy.
"Yung ceiling ng disco club, medyo weak na. May mga kurtina pa tapos may styrofoam pa dahil soundproof yung lugar kaya mabilis kumalat ang apoy na nagmula sa kuryente."
THE FIRE INSIDE OZONE CLUB
Kasunod nito ay inilarawan ni Jhunie ang mga eksenang nasaksihan niya habang nasusunog ang Ozone, at silang mga nasa loob ng establisimyento.
“Parang oven toaster ang pakiramdam ko. Unti-unting umiinit.
"Ang nasa isip namin, makalabas agad para makapunta sa exit, so nagkaroon ng stampede.
“Ang bilis talaga ng mga pangyayari. Lahat nagsigawan na, nag-iyakan na.
“Makalabas ang nasa isip namin! Nung malapit na kami sa pintuan, sabi namin, 'Huwag mag-panic! Kaya natin ito!'
"Hanggang sa mawalan na ng ilaw, yung sound system naging ngongo na. Kaming lahat, umiinit na dahil nasusunog na kami.
“Huminga na lang kami nang malalim. Kung sinu-sino na yung mga tinatawag namin, ‘Mama! Papa! Lord! Tulong!’
“Ang binanggit ko lang noon, 'Lord, Kayo na po ang bahala sa akin,' sabay yuko ko. Naramdaman ko na lang na nasusunog na ako."
Pagpapatuloy ni Jhune, “Paglabas ko sa pinto, meron nang nakahandusay sa lobby hanggang sa hallway ng Ozone. Paglabas ko, marami na ang nakalabas pero sunog na rin katulad ko.
"Yung iba, sa kasamaang-palad, pati yung mga kaibigan namin, hindi na kami nagkita-kita."
Sa grupo raw nila ni Jhune na Batang Sta. Ana, labing-anim ang namatay.
"Pang-labimpito sana ako," sambit niya.
“Yung mga namatay na yon, inilagak sa Plaza Hugo sa Sta. Ana.”
Humingi ng paumanhin kay Jhune ang awtor na ito dahil alam naming hindi madali para sa kanyang balikan ang mga alaala ng isang kalunos-lunos na karanasan.
ROMUEL MANAWAG
Isa rin sa mga nakaligtas sa sunog si Romuel Manawag, ang pinsan ni Jhunie na naninirahan na ngayon sa Amerika.
Masuwerteng nakaligtas si Romuel sa kapahamakan dahil lumabas siya mula sa Ozone Disco para bumili ng sigarilyo na mas mura ang presyo kapag binili sa labas ng nasunog na dance club.
Kuwento ni Jhune, “Pagbili ni Romuel ng yosi, pagbalik niya, may sunog na. Siya yung nadiyaryo noon na bumili ng yosi, nakaligtas sa sunog sa Ozone Disco.
“Nagkita kami sa labas na. Bago kami nagpunta sa Ozone, siyempre magpinsan kami, isang bahay lang ang tinutuluyan namin, nagpalit kami ng pantalon.
“Girbaud ang brand ng pantalon niya, Marlboro Classic ang pants ko kaya na-identify niya na ako ang isa sa mga biktima. Kasi nung time na yon, nasunog na ako.
“Sira-sira na yung damit na pang-itaas ko kasi 46 percent ang sunog ko magmula sa likod hanggang sa harap at kamay. Third-degree burns.
“Naputulan din po ako ng tenga. Pero sa ibaba ng bahagi ng katawan, hindi nasunog. Nakilala ako ng pinsan ko dahil sa pants niya."
Pagbabalik-tanaw pa niya, “Itinakbo niya ako sa pinakamalapit na ospital, sa Delgado Memorial Hospital. Dun ako nalapatan ng first aid.
"Tapos inilipat ako sa Ospital ng Maynila, na nagkaroon noon ng first burn unit nang dahil po sa akin.
“Three and a half months ang confinement ko sa hospital at 26 surgeries. Natanggal po yung kanang tenga ko, yung kaliwang tenga, pinutol ang kalahati.”
JHUNIE'S RECOVERY AND DOWNFALL
Tumagal ng dalawa at kalahating taon ang pagpapagaling ni Jhunie.
Nagkaroon siya ng trauma at nasadlak sa depresyon kaya natuto siya ng masamang bisyo.
“Nung una, hindi talaga ako lumalabas ng bahay. Nagsisisi ako.
“Pangalawa, katigasan ng ulo kasi kabataan ko yon.
"Pangatlo, wala akong alam sa safety first.
"At pang-apat, pinanghinaan ako ng loob dahil kapag mag-a-apply ako ng trabaho, may discrimination na."
Pag-amin ni Jhunie: “Sa sobrang hinanakit ko po, nagbisyo ako. Nag-drugs ako. Nagrebelde dahil na-depress ako.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Weak na weak ako noon. Ang feeling ko, ako ang pinakamahina. Tapos ako pa yung panganay sa magkakapatid. Parang wala na akong magagawa."
Pero sa huli ay na-overcome daw niya iyon sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan na nagsabi sa kanyang huwag mag-self-pity.
“Pinag-pray over din ako noon ng 700 Club Asia.
"Nagkaroon ako ng motivation na bakit ako hihinto, e, buhay pa ako, may pag-asa pa,” testimonya ni Jhunie.
BRINGING BACK HIS PASSION IN DANCING
Sa edad na 21 ay nagbago ang buhay ni Jhunie at sinubukan na magtrabaho bilang lifeguard at courier
Noong 2014, kinumbinsi si Jhunie ng kanyang kapatid, na nagtatrabaho sa Hong Kong Disneyland, na pumunta at magbakasyon sa naturang bansa.
Aniya, “Nung nasa Hong Kong ako, lalong nabuksan yung vision ko na ibalik ang passion ko sa pagsasayaw.
“Nagsayaw ako doon, nagustuhan ko dahil kumikita ako nang malaki.
“Nag-audition po ako sa Ocean Park Hong Kong noong 2015 at pumasa ako. Three years ako na nagtrabaho sa Ocean Park, tapos may mga kaibigan ako doon na binigyan ako ng mga raket.
“Hindi ko naranasan ang discrimination sa Ocean Park. Tuwing Halloween parties, may mga karakter like Ghostbhuster o Chinese vampire kaya pasok ang mukha ko kaya sabi ko okay na ako rito,” natatawang kuwento ni Jhunie.
Noong 2019, umuwi sa Pilipinas si Jhunie. Pero hindi na siya nakabalik sa Hong Kong dahil sa coronavirus pandemic.
Pagtuturo ng Zumba at online selling ng mga jacket ang pinagtuunan niya ng pansin at, sa tulong ng Diyos, nagtagumpay siya.
LIFE AFTER OZONE FIRE TRAGEDY
May trauma pa ba siya sa nangyari sa kanya sa Ozone Disco fire?
“Wala na,” sagot ni Jhune.
Pero nangingibabaw umano ang galit sa kanya dahil hindi pa nakakamit ng mga biktima ang tunay na hustisya.
Sa desisyon ng Regional Trial Court of Quezon City, Branch 216, na-convict sina Hermilo Ocampo at Ramon Ng, president at treasurer, respectively, ng Westwood Entertainment, na siyang namamahala noon ng operation ng Ozone, sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple serious physical injuries.
Hinatulan sila ng apat na taong pagkakakulong na may multa ng mahigit P25 million.
Ayon kay Jhunie, “Sabi nila noong 2014, nanalo raw kami sa kaso, pero wala kaming natatanggap na compensation para sa damages.
“Tuwang-tuwa pa ako noon. Itinawag pa sa akin, nanalo raw kami pero wala naman silang naibigay sa aming mga biktima. Yung ibang officers namin sa Ozone Foundation, namatay na.
“Yung mga dapat managot, nakalaya pa po sila."
Himutok pa niya, "Ang problema, yung aming samahan, kulang-kulang na. Yung iba, may pamumuhay nang maayos, yung iba, nasa ibang bansa na.
“Kung ako lang ang lalaban, walang problema, pero ang kailangan, lahat kami sama-sama.
“Ang ikinakasakit po ng loob ko, kapag malakas ang kalaban, mahirap makaisa.
“Sana po this year, may maitulong ang gobyerno ni President Marcos para mabuksan man lang ang kaso.
“Sa ngayon, walang tumutulong sa amin na government official. Pero noong araw, puro sila pa-fame. Lahat halos tumulong pero dapat ang pinagtuunan nila ng pansin, yung kaso namin.
“Unang-una, mga menor de edad kami noon. Dun pa lang, may pagkakasala na ang establishment.
"Overcrowded ang lugar, walang fire exit.
“Nanalo nga raw kami pero wala naman kaming natanggap na danyos perwisyos.
"Saka paano nila nabuksan? Ginawa pa nilang Goodah yung dating puwesto ng Ozone!”
Nagpatawad na ba siya?
“Yes, kasi unang-una, hindi ko sila mga kilala.
"Pangalawa, ang ikinagagalit ko lang naman, bakit nila kami pinabayaan?” tanong ni Jhunie.
May asawa at dalawang anak na si Jhunie na nagpapasalamat dahil biniyayaan siya ng Diyos ng mababait at matatalino na supling.
Sa tuwing sumasapit ang anibersaryo ng pagkasunog ng Ozone Disco, nakaugalian na ni Jhunie na patugtugin at pakinggan ang "Plastic Dreams" ng Jaydee at "Fair Ground" ng Simply Red.
Ito ang mga musikang pinatutugtog ni DJ Froilan, na namatay sa sunog, nang bigla silang lamunin ng apoy.
“Nagto-throwback po ako, nakakaiyak kapag naririnig ko ang mga music na yon,” sabi ni Jhunie.