May espesyal na ugnayan ba sina Marco Gumabao at Cristine Reyes?
Ito ang tanong ng mga nakakita sa kanilang magkasamang dumating sa isang restaurant sa isang mall sa Makati City, Lunes ng gabi, Marso 21, 2023.
Tila balak sanang mag-hang out ng dalawa sa resto, pero pasara na ito kaya hindi rin sila nagtagal sa lugar.
Ayon sa source na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nang umalis sina Marco at Cristine sa restaurant ay namataan silang magkahawak-kamay habang patawid sa pedestrian lane.
Hindi ito ang unang pagkakataong nakitang magkasama ang dalawa.
Noong unang linggo ng Marso kumalat sa social media ang mga litrato nila na waring nagbabakasyon sa Siargao.
Hindi naman nila itinago ang trip na iyon dahil pumayag silang magpakuha ng litrato sa ilang residente roon.
Sa PEP Live noong Marso 21, 2023, tinanong si Marco tungkol sa naunang sighting sa kanila sa Siargao.
Sila na ba?
Paiwas na sagot ni Marco, "Bakit, pag spotted, kayo na agad?"
Sa naunang panayam kay Marco, pagkatapos ng presscon ng Baby Boy, Baby Girl, noong March 7, tinanong din siya tungkol sa isyu.
Ayon kay Marco, matagal na silang magkaibigan ni Cristine. Si Marco ay 28 taong gulang, habang si Cristine ay 34 years old.
"Kami ni Cristine, we've worked together since 2015, first teleserye ko kasama ko siya sa Tubig at Langis.
"And I can say we have formed a relationship, a good solid friendship throughout the years," pasakalye ng binata.
Sabay nangingiting pag-amin din niya, "We've been very, very close. We've been working out together, hanging out a lot.
"Yun lang naman yung gusto ko sabihin."
Usisa ng isang entertainment reporter kay Marco: "Hanging out lang?"
Sagot ni Marco: "Masama ba makipag-hang out? Hindi, joke lang."
Aminado si Marco na may paghanga siya para kay Cristine.
"Cristine is a very wonderful person. Click kami in terms sa mga trip namin sa buhay, ugali namin. Nagku-complement kami."
Nang tanungin kung puwedeng matuloy sa relasyon ang pag-hang out nila, hirit ni Marco, "Nasa sa kanya yun!"
Sa huli, sabi na lang niya, "Basta pag ano, malalaman niyo naman yun."
Sina Marco at Cristine ay parehong nasa pangangalaga ng Viva Artists Agency. Nagkasama sila sa pelikulang Martyr or Murderer, na marahil ay isa sa naging daan kung bakit sila nag-reconnect.
More hot stories on PEP.ph: