Nagtagumpay si Andrea Brillantes na makuha ang atensiyon at tulong nina Lisa, Rosé, Jennie, at Jisoo ng K-pop group na BLACKPINK para makumbinsi ang kanyang boyfriend na si Ricci Rivero na maging escort niya sa Star Magical Prom ng Star Magic.
Napukaw ni Andrea ang interes ng apat na miyembro ng sikat na South Korean girl group dahil sa mga banner na ipinagawa niya at iwinagayway sa concert na idinaos sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan, Linggo ng gabi, March 26, 2023.
Read: BLACKPINK helps Andrea Brillantes with her "promposal" to Ricci Rivero
Sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertanment Portal (PEP.ph) kay Ricci ngayong Lunes, March 27, sinabi nitong wala siyang kaalam-alam sa plano ng kanyang girlfriend na isang BLACKPINK fanatic.
Lahad niya, “Actually, wala akong idea sa plano niya. Ipinakita niya sa akin yung isang banner.
"Wala naman akong idea sa writing ng Korean so hindi ko alam at hindi ko rin naintindihan.
"Kaya nung tinatanong ako, hindi ko agad alam ang sasabihin ko kasi hindi ko naiintindihan, e.
“Sinasabi ko lang kay Blythe [palayaw ni Andrea], ‘Ano ba ang sinasabi mo? Hindi ko maintindihan.’
“So, nung binasa nila [BLACKPINK], makikita sa ibang pictures na gulat na gulat ako nang iangat na yung English tarpaulin.
“Dun ko pa lang nabasa, silhouette lang ng letters, dun lang ako nag-try na magbasa. So, sabay lang kami ni Rosé na nagbasa."
Patuloy ng basketball player, “Hindi ko rin alam ang magiging reaksiyon ko noong una kasi nakatingin din ako kina Lisa.
"Tapos si Jisoo, nandoon sa harap, nakatingin din lang. Si Jennie, nasa gilid. Nagtatanungan sila kung nag-prom na ba sila or something lika that.
“Hindi talaga nagsi-sink sa akin hanggang sa nagtatanong na sina Rosé kung 'Nag-yes ba? Nag-yes ba?' Dun ko pa lang na-realize.”
DEFENDING BLYTHE
Ipinagtanggol din ni Ricci si Andrea laban sa bashers. Naniniwala siyang gustong magpapansin ng lahat ng mga dumayo sa Philippine Arena sa BLACKPINK.
Read: BLACKPINK concert serves as bonding time for besties, moms and daughters
Sabi ni Ricci sa PEP.ph: “Pare-pareho lang kami ng fans na nagpunta doon kagabi kaya nga sila nag-attend to see their idols perform.
“Lahat naman, feel ko, gustong magpapansin sa mga idol nila. E, ganoon din naman ako kung may idol ako.
“Kung ano yung ginawa ni Blythe, ganoon din ang ginawa ng iba.
“Malaking bagay para sa fans ang mapansin ng idol nila so that's exactly what Blythe did. Nag-try siya, e, napansin siya ng idol niya.
"So, I am really happy for her na naging successful ang plano niya."
May sagot din si Ricci sa mga nagtataka dahil ang girlfriend niya ang gumawa ng promposal.
“Sa mga nagtatanong kung bakit siya ang nag-propose, kasi prom yon ng Star Magic. Prom nila yon,” paliwanag ng talent ng Virtual Playground kaya invited guest lamang siya sa Star Magical Prom.
Magaganap ang Star Magic sa Bellevue Hotel, Muntinlupa City, sa March 30.
THE BLACKPINK CONCERT EXPERIENCE
Sa kabila ng mga batikos na nababasa niya laban kay Andrea, isang hindi malilimutang karanasan para kay Ricci ang panonood nila ng BLACKPINK concert sa isang malayong lugar.
Kahit mga celebrity sila ni Andrea, naranasan nila ni Ricci na gumising nang maaga at pumila nang matagal para makapasok sa Philippine Arena.
Saad niya, “For me, worth it ang stay namin doon. Dapat maaga talaga kami na pupunta sa Philippine Arena.
"Ang unang plan ni Blythe, 3 a.m. Sinabi ko lang na huwag naman sobrang aga. So, sabi niya, 5 a.m.
“Lumabas yung queuing number which is hindi ako aware noong una na may ganoon. Pang-seven hundred kami sa queuing number.
"Pumila kami. Nandoon kami ng 10 a.m., hinanap namin lahat, like kung papaano pipila, saan pipila, kasi maraming entrances. Ang daming pila.
“Inikot din namin yung lugar. Gusto rin makita ni Blythe kung ano pa yung mga naroroon. Nagulat din ako kasi ang daming mga stall.
“Pumila kami, nakapasok kami ng 3:30 p.m. or 4 p.m. Nakatayo lang kami hanggang matapos yung concert."
Patuloy ni Ricci, “Overwhelming experience kasi hindi ko in-expect na mapapansin siya.
“Before going there, tiningnan ko din muna yung ibang videos ng BLACKPINK kasi pinipilit na ako ni Blythe na, ‘O, ganito yan, ito si Jennie, si Lisa, si Rosé, si Jisoo.’
“Familiar naman ako sa names nila even before, pero hindi talaga akong sobrang supporter.
"Naririnig ko maganda talaga yung music nila. Pero prior to this concert, hindi ko masasabi na fan ang sarili ko like most of the people who went there.
"But honestly, sobrang na-enjoy ko rin yung concert."