Hindi binago ng mga nag-organisa ng gaganaping Miss Manila 2023 beauty pageant ang kanilang mga requirements para sa kanilang mga kandidata.
Hindi pa rin sila tumanggap ng may asawa, may anak, transgender at transsexual na tulad ng bagong regulasyon ng ibang beauty agents tulad ng Miss Universe Philippines at Miss Universe.
Ayon kay Kate Valenzuela, head ng KreativDen Entertainment na isa sa major organizers/presenters ng Miss Manila 2023, “Kasi hindi pa namin in-allow because yung Manila kasi maraming projects, so we wanted…
“May mga naka-line up for Mrs. Manila, for Miss Gay, so apparently, naka-section kasi yung mga projects, so siguro in the future we will consider that.
“But it was, ano kasi, it was parang, na-plan prior to yung ano, so we have to follow yung mga planned projects ng Tourism at tsaka ng local government ng Manila.
“So for the meantime, we stick with the Miss Manila, Mister Manila, Miss Gay, with that.”
Iniharap sa mga miyembro ng media ang dalawampung kandidata noong nakaraang Sabado, June 4, sa Rizal Park Hotel sa Maynila.
Gaganapin sa June 23, 7:00pm sa Metropolitan Theater ang coronation night na ihu-host ng Miss Universe 2018 na si Catriona Gray.
Magpe-perform naman sa pageant ang Power Diva at proud Manilenya na si Angeline Quinto na siya ring umawit ng Miss Manila theme song. Kasama rin dito ang rapper na si Kritiko at ang Filipino violinist na si Jo Bry Cimafranca.
Ang Miss Manila 2023 ay handog ng City of Manila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna-Pangan; Department of Tourism, Culture and the Arts of Manila sa pangunguna ni Tourism Director Charlie Dungo; KreativDen Entertainment, at co-presented naman ng Philippine Chinese Chambers of Commerce and Industry at ng San Miguel Corporation.
Ang dalawapung opisyal na kandidata ng Miss Manila 2023 ay sina Jean Maxene Asay (Intramuros); Sheryl Ann Azucena (Ugbo Tondo); Bea Cecilio (Otis Pandacan); Shane Clamor (Zamora Pandacan); Hannah Therese Cruz (Sampaloc); Anna Carres de Mesa (Sta. Mesa); Leah Lei Gerosanib (Don Bosco Tondo); Charlynn Anne Icban (Blumentritt); Princess Keith Venus Lagata (Balut Tondo); Gabrielle Lantzer (Malate); Allaine Nuez (Punta Sta. Ana); Angela Okol (Paco); Karen Nicole Piccio (Pureza Sta. Mesa); Rethy Rosa (Maceda Sampaloc); Charmaine Salazar (Padre Faura); Juvyel Anne Saluta (Pandacan); Francine Tajanlangit (Roxas Boulevard); Julie Tarrayo (Sta. Cruz); Rycca Timog (Tayuman); at Ma. Theresa Villamor (Baseco Port Area).
Iniharap sa mga miyembro ng media ang dalawampung kandidata noong Sabado, June 4, sa ballroom ng Rizal Park Hotel sa Maynila kung saan tinanghal, sa pamamagitan ng botohan ng mga members ng media na dumalo sa naturang press presentation, na Darling of the Press si Angela Okol ng Paco.