Sa wakas at nabigyan na rin ng magandang break sa isang soap drama ang StarStruck 4 finalist na si Rich Asuncion.
Kasabayan ni Rich sina Jewel Mische at Kris Bernal at tanging siya na lang ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na makasama sa isang soap drama.
Ngayon nga ay kasama na si Rich sa TV version ng pelikulang Magdusa Ka sa GMA Sine Novela. Gagampanan niya ang papel na Violy na unang ginampanan ni Jobelle Salvador sa movie version na bida si Dina Bonnevie.
WORKING WITH DIREK MARYO. Tuwang-tuwa nga si Rich dahil gaganap siya bilang best friend ng nagbibida nang si Katrina Halili. Halos lahat naman daw ng mga eksena niya ay kasama niya si Katrina.
Isa pang ikinatutuwa ni Rich ay ang maidirek siya ni Maryo J. delos Reyes. Nakatrabaho na raw niya si Direk Maryo noong minsa'y magdirek ito ng isang acting challenge nila sa StarStruck.
"Hindi lang ako ang masaya kundi pati na ang mga pamilya at mga kaibigan ko sa Bohol," ngiti ni Rich.
"Matagal na kasi nila akong gustong mapanood sa isang soap drama. Parati na lang nila ako napapanood sa SOP at sa Boys Nxt Door noon. Gusto naman nila sa isang drama show naman. Kaya noong sabihin ko, masayang-masaya sila.
"Masarap katrabaho si Direk Maryo. Pareho kasi kaming taga-Bohol kaya magaan siyang katrabaho. So far, wala pa namang mabibigat na mga eksena na kinukunan sa amin ni Katrina. Pero hinahanda ko na rin ang sarili for that."
TRUE-BLUE BOHOLANA. Kinuwento nga ni Rich na maayos na raw ang buhay ng kanyang pamilya sa Bohol.
"Nagre-rent pa rin naman kami ng bahay pero at least, mas maayos na kesa sa dati," sabi ni Rich.
"Dream ko pa rin ang makabili ng bahay. Gusto ko doon na sa Bohol kasi nandoon ang buong pamilya ko. ‘Tsaka balang araw kapag ‘di na ako active sa showbiz, sa Bohol pa rin ako titira."
NO SUITORS. Kung ang mga kasabayan niyang sina Jewel at Kris ay nali-link sa kung kani-kaninong boys sa showbiz, si Rich ay ‘di nababalitaan na may manliligaw.
"Wala pa sigurong nagkakamali na magka-crush sa akin!" sabay-tawa ni Rich. "Sina Jewel at Kris naman, ligawin talaga sila. Ako kasi, probinsyana pa rin ang dating!
"Pero okey lang naman kasi hindi naman ako nagmamadali na magka-boyfriend. Nagkaroon na ako ng boyfriend before na taga sa amin sa Bohol . Pero matagal na kaming nag-break. Since then ay wala pa siyang naging kapalit. Kaya trabaho muna ako kahit walang boyfriend."
