Nananatiling positibo si Whitney Tyson kahit hirap siya ngayong makahanap ng trabaho para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay.
Bungad nga niya nang kinumusta ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph): “Ito jobless pa rin, one year na.”
Ayon sa comedienne, hindi na nasundan ang trabaho niya pagkatapos ng FPJ's Ang Probinsyano ni Coco Martin noong August 2022.
Read: Ang Probinsyano opisyal nang nagwakas pagkatapos ng pitong taon
Sabi ni Whitney, “Mula nung natapos yung Ang Probinsyano hanggang ngayon, wala pa rin akong job, walang work.”
Lumapit ba siya muli kay Coco o nagparamdam?
Aniya, “Tumatawag ako kay Tita Cory [Vidanes], sabi naman niya tutulungan ako, pero until now wala. Wala pa ring work.”
Ang "Tita Cory" na tinutukoy ni Whitney ay ang ABS-CBN executive na si Cory Vidanes.
May panawagan ba siya kay Coco sakaling makarating dito ang kanyang panayam?
Sabi ni Whitney, “Panawagan, e, alam naman niya na ako yung breadwinner sa amin kaya nga di ako maalis-alis sa Ang Probinsyano, e.
“Itong Batang Quiapo, pag ako ay sumama sa Batang Quiapo, magmumukhang Batang Gapo, kasi nga andun ako.”
Nakaipon naman daw si Whitney sa loob ng ilang taon niyang pagiging bahagi ng Ang Probinsyano, pero unti-unti rin itong nauubos.
Saad niya, “Nakaipon naman, kaso sa isang taon, kumakain ka, nagbabayad ka ng ilaw, nagbabayad ka ng tubig, bumibili ka ng gas na pangluto, so paano?
“Saan aabot yung iipunin mo? Di mauubos din yun.
"Parang tubig dun sa balon, habang umiigib ka nang umiigib, nauubusan ng tubig. Ganun lang yun.”
Ano ang realization niya bilang artista sa kinahaharap na sitwasyon?
Sabi ni Whitney, “Kasi, sabi nga nila, hindi forever nandiyan ka sa showbiz. Kailangan talaga mag-ipon.
"E, kahit mag-ipon ka kung lagi kang may babayarin, kakain kayo, ilaw, tubig, mauubos din ang iniipon mo.”
Na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Whitney sa birthday party ni Dave Almarinez na asawa ng aktres na si Ara Mina.
Sa kasalukuyan, si Ara ang tumutulong kay Whitney kung saan hinahanapan siya nito ng raket at minsan ay isinasama sa taping ng kanyang show sa Net25 na Magandang ARAw.