Matapos ang kanyang well-publicized engagement sa kasintahan na si Judy Ann Santos ay tutulak naman papuntang Buenos Aires, Argentina, ang actor-host na si Ryan Agoncillo para mag-taping ng Pinoy Fear Factor.
Nabili ng ABS-CBN ang rights ng popular reality show Fear Factor na patok na patok sa cable subscribers dito sa Pilipinas. Mismong sa Endemol—isang Netherlands-based production outfit—nakipag-ugnayan ang Kapamilya Network para makuha ang license ng programa. Bukod sa Fear Factor, ang Endemol din ang may-ari ng franchise ng Big Brother, Dream Academy, at Deal or No Deal.
MORE THAN A MONTH. Isang buwan mawawala si Ryan kasama ang napiling 12 contestants at ilang crew ng nasabing show. "Actually, more than one month," mabilis na sambit ni Ryan nang makaharap ang entertainment press kaninang tanghali, August 1, sa training room ng ELJ Building, ABS-CBN, Quezon City.
Dahil matagal-tagal din siyang nabakante ay sinabi ni Ryan na sabik na sabik na siyang muling sumabak sa hosting. Huling napanood si Ryan bilang isang aktor sa Ysabella samantalang ang huli niyang hosting gig ay two years ago pa, sa maiden season ng Philippine Idol na noon ay nasa ABC-5 pa.
"'Yong six months na nabakasyon ako from TV work, ano ‘yon, e, it was very humbling na parang 'ika nga sa Ploning, e, hindi ibibigay sa ‘yo hangga't hindi handa ‘yong puso mo. Parang sa akin, the way I see it, ‘yong six months na wala akong show, it was a very humbling part on my end na parang sinabi ng Diyos kasi na siguro kung ibinigay Niya sa akin 'to nung January, malamang hindi ko ma-handle, baka lumaki ulo ko," katuwiran ng TV host-actor.
Looking back, sinabi ni Ryan na bagamat nag-alala siya that time dahil sa kakulangan ng projects, naging blessing naman din daw ang lahat sa dahilang napaglaanan niya ng panahon ang kanyang personal life.
"Pero it really gave me the opportunity to find out ‘yong mga totoo kong kaibigan. And I got to spend time with them and I saw how my family stood by me, 'tapos si Juday nandiyan through thick and thin."
AWAY FROM JUDAY. Katulad nga ng sinabi ni Ryan, may maganda rin namang naidulot ang kanyang panandaliang pamamahinga bilang artista at TV personality. Dahil maluwag ang schedule ay nabigyan nila ni Juday ng sapat na oras ang isa't isa. Nito nga lang May 11 ay officially engaged na ang celebrated couple after dating for three years.
Subalit dahil sa kanyang Pinoy Fear Factor commitment ay walang choice ang magkasintahan kundi ang maghiwalay—physically speaking, that is.
Kuwento ni Ryan, "Kami ni Juday, we've never been apart for more than a week since we've been together. Buti na nga lang nakapagpondo kami ng six months na constantly we were together. So at least, itong isang buwan may pagkakataon namin ma-miss ang isa't isa."
Sa pagkakatanda ni Ryan, huli siyang bumiyaheng mag-isa noong siya ay 20-anyos pa lamang. Nag-shoot siya that time sa Israel for Penshoppe at namalagi siya roon for two weeks.
More than the physical demands of the job, mas kinakabahan si Ryan sa kanyang mental and emotional state pagdating sa Argentina. Maging si Juday nga raw ay inihahanda na rin ang sarili para sa kanilang temporary separation.
"Hinahanda namin ang sarili namin for that kasi matagal, e. Usually kahit nag-a-Amerika siya o nag-a-Amerika ako noon, in six days nakabalik na, e, talagang gagawin lang namin 'yong trabaho 'tapos balik na [dito sa Pilipinas].
"Wala akong kasamang barkada, ‘yon yung mahirap. Kasi usually, kahit wala si Juday noon, at least kasama ko ang mga barkada ko or ‘yong family ko. Ito, lahat sila maiiwan ko dito sa Pilipinas."
Dinadaan na nga lang muna ni Ryan sa biro ang lahat at kagaya nga ng mga mahal nating kababayan na nakikipagsapalaran sa ibang bansa, "Sabi ko, hayaan mo muna, mangingibang-bansa muna ko para kumita, para sa kinabukasan ng pamilya... Magpapaka-OFW muna ako."