Get a chance to WIN an overnight stay in Pico de Loro and other prizes when you answer the PEP.ph Reader’s Survey!

Answer Now

Manny Pacquiao avoids talking about politics

by Erwin Santiago
Dec 10, 2008
"I don't want to talk about that [politics], kasi katatapos lang ng laban ko. Gusto ko munang mag-enjoy sa pagkapanalo ko at mag-enjoy tayong lahat dahil nakapagbigay na naman ako ng karangalan sa ating bansa. Taas-noo tayo kahit sang sulok man ng mundo," says Manny Pacquiao when asked about reports that he'll run for Congress in 2010.


Kahit napaka-hectic ng schedule ng People's Champ na si Manny "Pacman" Pacquiao ngayong araw na ito, December 10, ay napagbigyan pa rin niya ang ilang miyembro ng media mula sa entertainment at sports sa press conference na ipinatawag ng GMA-7 kaninang tanghali sa 17th floor ng GMA Network Center.

Dumating si Manny kaninang madaling-araw pagkatapos niyang talunin ang boxing legend na si Oscar de la Hoya sa kanilang "Dream Match" noong Linggo, December 7 (December 6, U.S. time). Nagpahinga lang sandali si Manny at pagkatapos nito ay pumunta na siya sa Quiapo church sa Maynila upang magsimba at magpasalamat sa kanyang panibagong tagumpay.

Pagkatapos ng misa ay nagpunta siya sa Malacañang para mag-courtesy call kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Tapos ay dumiretso siya sa GMA Network para sa kanyang live guesting sa SiS.

Pagkatapos ng SiS ay kasabay niyang nananghalian ang mga executives ng GMA-7, sa pangunguna ng presidente nitong si Atty. Felipe Gozon, sa 17th floor ng GMA Network Center. Sumunod na agad dito ang interviews niya sa iba't ibang programa ng GMA-7 at sa entertainment and sports media, kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal).

Continue reading below ↓

NO POLITICS...FOR NOW. Pagkaupong-pagkaupo pa lang ni Manny sa mesa ng entertainment at sports media ay sinalubong na siya agad ng intriga. Naging headline kasi kahapon, December 9, sa ilang pahayagan ang diumano'y pagsabak niyang muli sa pulitika. Kung noong 2007 ay tumakbo siya bilang congressman sa kanyang bayan sa General Santos City, sa 2010 ay ang pagiging congressman naman daw ng Quezon City ang puntirya ng boksingero.

Pero kahit na anong pilit ay panay ang iwas ni Manny na pag-usapan ang tungkol sa pulitika.

"I don't want to talk about that [politics], kasi katatapos lang ng laban ko. Gusto ko munang mag-enjoy sa pagkapanalo ko at at mag-enjoy tayong lahat dahil nakapagbigay na naman ako ng karangalan sa ating bansa. Taas-noo tayo kahit sang sulok man ng mundo.

"Huwag na nating pag-usapan ‘yan kasi hindi naman eleksiyon bukas, o next month. Walang eleksiyon ngayon. Ang pag-uspaan natin, kung paano tayo umunlad. Bakit hindi natin gayahin yung ibang bansa? Pag walang eleksiyon, naka-focus talaga sila sa ekonomiya nila, kung paano sila umunlad. Dito sa atin, kakaiba, kasi kahit walang eleksiyon, ang pinag-uusapan, pulitika! I mean, paano tayo uunlad, paano tayo uusad sa buhay natin kung ganun lagi ang pag-uusapan natin?

Continue reading below ↓

"Higit sa lahat, ito prove na prove ko na 'to, talagang kailangan n'yong magdasal sa Panginoon, magtiwala, dahil Siya lamang ang tanging nakakaalam lahat. Siya ang may likha sa ating lahat. Without God, wala tayo, we're nothing," mahabang pahayag ni Manny.

Nang may humirit ulit tungkol sa puilitika, na bago raw siya umalis ay nakapag-usap na raw sila ng isang congressman, ito ang sinabi ni Manny: "Alam mo, pasensiya ka na, ayoko talagang pag-usapan ang pulitika. Ako kasi, gusto ko focus tayo ngayon sa bansa natin, kasi wala namang eleksiyon, e. Sabihin n'yo election ngayon, o sa makalawa, o next month, sige, pag-usapan natin ang pulitika. Pero wala namang eleksiyon ngayon, e."

BIRTHDAY BOY. Sa December 17 ay ise-celebrate ng boxing champ ang kanyang 30th birthday. Ano naman ang kanyang birthday wish?

"Magkaisa tayong lahat, at saka magkaroon kayo ng relasyon sa Mahal na Panginoon," sagot niya.

Dito ay ipinaalala ni Manny ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang relasyon sa Itaas.

Continue reading below ↓

"Ang tanong ko sa inyong lahat, ano ba ang relasyon n'yo sa Mahal na Panginoon?" tila hamon niya sa mga kaharap na press. "I-sample ko lang ha, example lang, halimbawa may mga pamilya kayo, may asawa kayo, ilang taon kayo hindi magkita, gusto n'yo magkita... Ganoon din ang Panginoon, gusto Niya lumapit ka sa Kanya. Sabi nga ng Panginoon, kumatok kayo, kayo ay bubuksan. Kapag nagsisi kayo, lumapit ka sa Kanya, pakikinggan lahat ng dasal natin, uunlad tayo sa buhay."

Sa General Santos City raw ise-celebrate ni Manny ang kanyang kaarawan.

"Mamimigay ako ng kahit papaano, konting tulong sa mga kababayan ko sa abot ng aking makakaya. Kahit papaano, mapasaya ko sila, yung ilang pamilya doon," banggit ng Pambansang Kamao.

Pagkatapos nito ay babalik daw siya Amerika kasama ng kanyang mga anak upang samahan ang kanyang misis na si Jinkee Pacquiao. Doon na raw sila magse-celebrate ng Pasko at Bagong Taon, hanggang sa makapanganak si Jinkee ng kanilang ika-apat na anak ni Manny.

Continue reading below ↓

Sa first week of January ang due date ni Jinkee at "Queen Elizabeth" daw ang ipapangalan nila sa kanilang anak. Ang iba pa nilang mga anak ay sina Jimuel, Mike, at Princess.

Ayon kay Manny, posibleng madagdagan pa ang kanilang mga anak dahil "gusto ko maraming anak."

THE DREAM MATCH. Marami ang nagbunyi sa panalo ni Manny laban kay Oscar de la Hoya, lalo pa't bago magsimula ang kanilang "Dream Match" ay marami ang nagsasabing dehado ang Pinoy boxer. Pero pinatunayan ni Manny na siya pa rin ang best pound-for-pound boxer sa mundo nang pasukuin niya si Oscar pagkatapos ng 8th round ng kanilang 12-round fight.

Tinanong ng PEP si Manny kung gaano kaimportante ang pagkapanalo niya kay De la Hoya, na may sampung world titles sa anim na weight classes, bukod pa sa pagiging gold medalist sa Barcelona Olympics noong 1992.

"Napakaimportante nun, grabe!" bulalas ni Manny. "Yun ang pinakaimportante sa boxing career ko, sa buong buhay ko. Kasi that was a historic fight, e. Yung laban na ‘yon, history ‘yon dahil in one year, three divisions [super featherweight, lightweight, at welterweight] yung nilabanan ko. First time na nangyari ‘yon sa boxing. In one year, three divisions na malalaki pa. Tapos kauna-unahang Pilipino rin na gumawa ng ganun...hindi lang sa Pilipinas kundi sa Asia."

Continue reading below ↓

Inakala ba niya na magiging ganun kadali yung laban nila ni De la Hoya?

"Naniniwala ako na mananalo ako, pero hindi ko in-expect na ganun kadali," sagot ni Manny. "Pero talagang grabe ang sakripisyo ko dun sa training. Although maraming balitang lumalabas, pero sabi ko sa team ko, ‘Huwag kayong mag-comment. Mag-concentrate na lang tayo sa training, kasi tayo naman ang kawawa. Pagdating dun sa laban, mag-focus tayo, pag-aralan nating mabuti kung anong gawin natin.'

"Ngayon, nagawa namin yung mga dapat naming gawin. Mas maganda yung kinalabasan ng laban," aniya.

Ipinagkibit-balikat naman ni Manny ang intriga na ibinigay lang daw ni Oscar ang laban kay Manny kaya siya nanalo.

"Sabi ko na, e. Noong una, mismatch ang laban, bubugbugin lang ako. Tapos nung matalo na, nagpatalo! Kung ganyan ang mga... Hayaan mo ang mga taong mag-isip ng ganun kasi hindi nila alam yung mga ginagawa nila. Sana turuan natin silang magmahal sa kapwa, magdasal sa Panginoon.

Continue reading below ↓

"Isa lang ang masasabi ko sa inyong lahat, ang taong gumagawa ng istorya sa kapwa, ibinababa ng Panginoon. Alam mo ang karma niya, hindi ‘yan sili na umaanghang kaagad. Hindi mo malalaman na ‘yon na pala ang kapalit ng mga ginawa mo.

"Katulad ng mga bumabanat sa akin before the fight, mismatch ang laban, mabubugbog ako, mana-knockout lang daw ako... Tapos sabi nila, mag-comment ka sa mga ano nila, sabi ko, hindi ako magku-comment. Balang-araw, pagkatapos ng laban namin, kakainin din nila ‘yang mga sinasabi nila. Sabi ko nga, ‘pag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay!" natatawang sabi ni Manny.

Ilang oras pagkatapos ng laban nina Pacquiao at De la Hoya ay tinawagan si Manny ng nakalaban niya noon na si David Diaz. Hindi kasi makapaniwala si Diaz na magagawang talunin ni Manny si Oscar kaya nasabi ni Diaz kay Manny ito: "How did you do it? You are inhuman. You did a heck of a job."

Continue reading below ↓

Ano naman ang naging sagot ni Manny kay Diaz, na tinalo niya noong June 28, 2008?

"Sabi ko, ‘Of course, I'm human! I'm human like you!' Sabi ko, ‘I'm just lucky. I'm blessed by God.' Talagang ipinagdasal ko lang kaya ako naging ganun," sagot ni Manny.

Sa lahat ng karangalang ibinibigay ni Manny sa Pilipinas, ano ang inaasahan niyang maging kapalit?

"Ay, wala akong kapalit [na hinihingi]," sabi niya. "Alam mo, sa bawat panalo ko, alay ko sa ating lahat. Hindi ko inisip sa sarili ko lang. Sa bawat panalo ko, gusto kong malaman nila na sa kabila ng tagumpay ko, nakasama ko ang Panginoon. Lagi kong ipaalam sa kanila na ang tagumpay ko, hindi lang sa sarili ko. Kung hindi dahil sa Panginoon, hindi ako magiging ganyan."

CONVERSATION WITH GOD. Napansin ng press ang madalas na pagbanggit ni Manny sa Panginoon kaya naitanong sa kanya kung kailan siya nagsimulang maging ispiritwal. At dito na niya ikinuwento ang aniya'y hindi kapani-paniwala ngunit totoong nangyari sa kanya.

Continue reading below ↓

"Hindi kayo maniwala na ako'y kinausap ng Panginoon," seryosong sabi ni Manny. "Kaya ko sinasabi sa inyo ito, kasi I'm so lucky na ilang bilyon ang tao sa buong mundo, pero kakausapin ka ng Panginoon, bihirang mangyari ‘yan."


Ayon kay Manny, sa pamamagitan daw ng isang panaginip siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang Panginoon.

"Pagkatapos nun, umiyak ako nang umiyak. Tapos nagising ako, pag-ano ko sa unan ko, basang-basa. Pati yung buhok ko rito [sa likod], basang-basa!"

Ano ang mga sinabi kanya ng Diyos?

"Yung time kasi na ‘yon, medyo natututo ako sa mga barkada, ganyan. Sabi Niya, ‘Anak, bakit ka lumayo sa akin?' Tapos ang laki ng boses. Mas matulis pa sa kidlat, malaki pa diyan. Ang sinag ng araw, hindi mo matingnan," kuwento niya.

Kailan ito nangyari?

"Nagba-boxing na ako, pero hindi pa ako nananalo no'n... Dito na sa Maynila. Gusto kong i-share sa inyo na ang Panginoon, nandiyan lagi... Hindi ko inambisyon na maging pari ako, ang gusto ko lang mai-share sa inyo yung hangarin kong ganun."

Continue reading below ↓

WHAT'S NEXT FOR MANNY? Kailan ang susunod na laban ni Manny?

"Siguro mga June," sagot niya.

Bagamat marami ang nagsasabi na alinman kina Ricky Hatton at Floyd Mayweather Jr. ang susunod na sasagupain ni Manny, ayaw munang sabihin ng Pinoy boxer kung sino ang makakalaban niya.

"Hintay lang ako kung sino maghamon. Kung walang maghamon, wala munang laban. Boxer lang kasi ako, kung sino ang ibibigay sa akin ng promoter ko na kalaban."

Ilan kaya ang magiging laban niya sa 2009?

"Puwedeng isa lang, puwedeng dalawa."

Mga ilang laban pa kaya ang susuungin ni Manny bago siya tuluyang mag-retire?

"Kung ako, nasa isip ko malapit na rin ako dahil ayokong hintayin yung panahon na magkaroon pa ako ng karamdaman sa katawan. Alam mo ‘yang boxing, physical masyado, di ba? Ako nga, hindi ko ineengganyo yung mga bata na mag-boxing kayo, ganyan. Kasi one in a million lang maging katulad ko. Kung lahat siguro ng boskingero, maging katulad ko, e, di pagboksingin ko na silang lahat!" lahad ni Manny.

Continue reading below ↓

Totoo bang magre-retire na siya sa 2010?

"2009 nga, gusto na akong mag-retire ng nanay ko, e!" tawa ni Manny.

Pero bago sumabak sa kanyang susunod na laban si Manny, mapapanood muna siya sa upcoming primetime series ng GMA-7, Totoy Bato, kung saan makakasama niya sina Robin Padilla at Regine Velasquez.

Read Next
Read More Stories About
Manny Pacquiao, Jinkee Pacquiao
Recommended Videos
Latest Stories

Get a chance to WIN an overnight stay in Pico de Loro and other prizes when you answer the PEP.ph Reader’s Survey!

Answer Now
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"I don't want to talk about that [politics], kasi katatapos lang ng laban ko. Gusto ko munang mag-enjoy sa pagkapanalo ko at mag-enjoy tayong lahat dahil nakapagbigay na naman ako ng karangalan sa ating bansa. Taas-noo tayo kahit sang sulok man ng mundo," says Manny Pacquiao when asked about reports that he'll run for Congress in 2010.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results