Ilang minuto bago magsimula ang special screening para sa double X-rated indie film na Aurora last Tuesday, January 20, sa UP Film Center ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang direktor at writer ng pelikula na si Adolf Alix Jr.
Ang itinuturong dahilan ng pagbibigay ng double X ng MTRCB sa Aurora ay ang eksenang nire-rape ni Kristoffer King si Rosanna Roces at mina-mash ang boobs ng aktres. Pero sa ilang nakakaalam ng talagang takbo ng kuwento ng Aurora, may nagsasabing ang tema raw talaga ng movie ang dahilan ng pagka-double X nito. May temang pulitikal at mala-Abu Sayyaf daw kasi ang dating ng kuwento.
Ano nga bang masasabi ni Direk Adolf dito?
"Hindi ko kasi alam. Kasi ako, kung yun talaga ang isyu, e, di sana sinabi nila talaga sa akin. Kasi bilang demokrasya naman ang bansa natin, bakit nila ililihim kung yun pala? Sana kinausap nila ako na, ‘Adolf, yun talaga ang reason.'
"Ako kasi, yung pagpapakita rito na kinidnap siya [Rosanna's character] ng Lost Command, yun talaga ang nangyayari. Kita mo ngayon, inabutan na kami ng mga social volunteers na kinidnap, e, in fact, noong nag-shoot kami nito, wala pa noon.
"Ako, ang masasabi ko, na-depict naman sila nang tama, bilang mga tao rin. Yung mga oppressor, dinepict din naman sila bilang may mga choice rin. Puwede silang magbago, puwedeng hindi. Kaya nga may dalawang character, sina Sid Lucero at Kristoffer King at makita n'yo ang dalawang diperensiya nila. Bilang tao, may black at white na tao," paliwanag ng acclaimed director ng mga pelikulang Donsol (2006), Tambolista (2007), Batanes (2007), Daybreak (2008), at Adela (2008).
Wala bang sinabing dahilan ang MTRCB sa pagbibigay ng double X sa Aurora?
"Wala, hindi binanggit na political," sagot ng direktor. "Ang sinabi nilang rason, ang committee report, yung buong rape scene. Nilagay nila na hindi suitable for public viewing. Tinanong ko kung bakit at sinabi nilang gratuitous nga raw. Pang-titillate yung mashing of the breast. Yung scene, pinaiiklian nila.
"Pero yung duration ng scene, 27 seconds, which I think for a film designed one day mangyari, parang mai-invalidate ang ilang aspeto na nai-shoot ko. Supposedly, one day lang siyang magla-liner sa forest kasi hindi niya alam ang daan palabas. At saka importante siyang talaga kapag napanood mo ang character ni Aurora na isang babaeng lumalaban sa oppression."
NO TO CUT OR DELETION. For the sake na maipalabas na ang pelikula ng R-18, wala ba siyang planong mag-give in sa gusto ng MTRCB na magtanggal o mag-cut ng eksena?
"Ay, wala!" mariing sabi ni Direk Adolf. "Kasi ako, naniniwala rin ako sa proseso ng demokrasya. So, tingnan natin kapag isinabmit na sa Appeals Committee at pagkatapos, nagbubuo sila ng committee, napanood nila.
"Nag-draft na kami ng letter, pero hindi pa lang namin naibibigay. Kasi gusto ko rin marinig ang opinion ng mga manonood para rin may second opinion sila bago nila panoorin. Kasi, parang laban lang siya ng gumawa at ng MTRCB. Para may intervening din na nagsasalita for us na supposed to be, na, 'Ay, tama nga, walang kawawaan ang paghuhubad.' So, tingnan natin."
Ano ang naging reaction ni Rosanna sa pangyayari?
"Actually, excited siya kasi ang tagal na niyang walang pelikula. So, sabi nga namin, nang mag-usap kami, sana mature na ang tema. Ibang Osang ang mapanood nila. Kaso yun, balik pa rin daw sa dating isyu na X.
"Actually, nalungkot siya noong unang review. Kampante ako na maa-approve. Tapos, tinawagan ko siya na X raw, tawa siya nang tawa. Sabi niya, noong seryoso na, nalulungkot nga raw siya na parang ang isyu sa kanya dati, yun pa rin. Parang hindi nakikita na nag-graduate na siya run," kuwento ni Direk Adolf.
Dagdag niya, "Pero kasi naman, kung yung boobs na yun ang pag-uusapan, hindi pa ako direktor, 1997, napanood ko na yun, e. Kumbaga, anong bago sana, di ba? Yun lang ang sa akin."
Pero inamin ni Direk Adolf na natuwa siya noong unang bigyan ng X rating ang pelikula niya.
"Kasi ang sabi nila, brutal. So, ibig sabihin, naramdaman nilang brutal ang pagkaka-rape. So, sabi ko, tama ang pagkaka-shoot, naramdaman nila na brutal nga yun. Pero yun nga lang, ang pangit din kasi when you put an X rating, parang ginawa mo siya para i-titillate yung tao samantalang yung isyung dini-discuss, hindi naman ganoon. Hindi siya ganoong tema.
"Siguro nakakatulong lang kasi yung tao, nalalaman na nila ang movie. Pero sabi ko nga, sundan na lang natin ang proseso. Let's hope na mawala ang X."
Ayon kay Adolf, may mga precedent naman sila tulad ng Orapronobis at Bayan Ko: Kapit Sa Patalim na umabot hanggang Supreme Court. If ever, handa naman daw siyang dumaan sa ganoong proseso.
Adolf is scheduled to leave for the Rotterdam Film Festival in the Netherlands on January 24 to 29 para naman sa screening doon ng isa pa niyang pelikula, ang Adela ni Ms. Anita Linda.