Nagkasundo ang namamahala ng Star Records at Warner Music
upang magkaroon ng isang album para kina Erik Santos at Christian Bautista. Ito
ang Face-Off album na maglalaman ng mga hit songs nila at may nilalaman
na dalawang bagong kanta na kanilang pagduduwetuhan.
Ayon sa executives ng record labels, first time itong mangyayari na dalawang sikat na mang-aawit na magkaroon ng collaboration para makagawa ng isang album. Hindi ito nagawa nina Gary Valenciano at Martin Nievera although mayroon tayong mga album na nagsama ang dalawang babaeng mang-aawit at isang babae at isang lalaking mang-aawit na nagsama.
Ayon pa rin sa head ng naturang recording companies, hindi ito ordinaryong album dahil pagsasamahin dito ang mga awitin ng dalawang mang-aawit na naging sikat at tiyak aabot ito ng dalawang dosena ang kanilang mga pagpipilian na mga kanta. Ang parehong produkto ng Star in a Million ay maghaharap para sa Faceoff: the Concert sa Araneta Coliseum sa Nobyembre.
Masaya si Christian sa pagkakaroon ng ganitong proyekto kasama ang kanyang ASAP ‘08 co-host na si Erik. "I'm excited about the project. Kasi kami ang kauna-unahang gagawa nito. Masaya ako dahil kami ni Erik ang magkasama sa projects, gamay namin ang isa't isa mula noong nasa Star In A Million pa kami at ngayon linggo-linggo kaming magkasama sa ASAP '08."
Pahayag naman ni Erik, "Ako rin, I feel the same way what Christian feels. Imagine, hindi ito nagawa ng kahit sino man ng mga lalaking mang-aawit...kumbaga kami ang magsisimula nito."
Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung sina
Gary V at Martin naman ang susunod sa kanilang yapak? "Hahaha! Don't get
me wrong. Wala akong sinabing ganyan,"
paglilinaw ni Erik. "Kumbaga kami ang nagse-set ng trend at excited kaming
gawin ito. Mayroon din kaming isasamang
dalawang bagong original songs na pagduduwetuhan namin. Di ko pa alam pero tiyak maganda itong
lalabas. Excited din kami sa gagawin naming
concert sa Araneta although nagkasama na kami sa mga concert pero this time,
iba. Kami ang nasa billing at may mga
guests kami."
Sa September 16, magpe-perform si Erik bilang official representative ng Pilipinas sa Beijing Olympics Festival Closing Ceremony Music Gala kasama ang representatives mula sa iba't ibang bansa. Kakantahin ni Erik ang mga kantang "This is the Moment" at "I Believe I Can Fly."