Kilala bilang isang mahusay na surfer si Sebastian “Baste” Duterte, ang presidential son ni Presidente Rodrigo Duterte.
Ngayon ay papalaot na rin sa mundo ng telebisyon si Baste via the newest reality adventure show of TV5 titled Lakbai.
Kasama ni Baste sa naturang show sina Bogart the Explorer at tatlo sa malalapit na kaibigan ng Presidential son na sina Atty. Alexis Lumbatan, Sboi Malicay, at Andrei Apostol.
Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entettainment Portal) kay Baste sa presscon ng Lakbai na ginanap sa Aracama restaurant, The Fort nung May 10, kinuwento ni Baste kung paano niya tinaggap ang naturang TV offer na siyang magiging kauna-unahang show niya sa telebisyon.
“Lumapit ang Tv5, sabi ko nga ayoko na ako lang mag-isa, kung puwede kasama ang barkada ko, pumayag naman si TV5 along with Bogart kasi I’m new in the industry. Kailangan ko ng co-host na may experience."
Bakit si Bogart ang kanyang co-host?
“Si Bogart? Nagkakilala kami dun sa meeting with TV5. Di naman mahirap coz he’s from Davao.”
Agad naming tinanong ang presidential son kung siya ang magiging main host ng Lakbai na magsisimula na palang mapanood next Sunday, May 21, pagkatapos ng PBA.
“Pantay-pantay lang naman, I don’t know pero mas marami pa ngang sinasabi sa akin ito kaysa sa akin, si Atty. chill lang naman kami.”
Dahil sa hilig niyang maglakbay, hindi naging mahirap kay Baste na tanggapin ang show lalo’t marami na talagang lugar sa Pilipinas ang napuntahan na rin niya.
“Kaya hinahanap ako ng tatay ko sa TV lagi akong nawawala. I cannot keep myself staying in one place talaga. Yung sa show, yung Siquijor di ko pa napupuntahan. Yung mga na-shoot namin napuntahan ko na yung iba except for Siquijor.”
Pinag-usapan din ang tungkol sa mga magiging guests ng show, dito ay tinanong na namin ang Presidential son kung bukas ba siyang ma-guest dito ang ex-girlfriend na si Ellen Adarna.
“Ellen? Wala naman akong problema sa mga ganun. Kahit ano lang, trabaho lang naman.
“Ganito yung nangyayari kasi yung episode 1 and 2, lagi akong nagbi-Bisaya tapos kinausap ako ng TV5 if I can talk in Tagalog because it’s the medium na tama naman sila. So I suggested na gumawa na lang sila ng Tagalog speaking na mga guests kasi ang awkward naman para sa amin na magsasalita kami ng Tagalog tapos alam naman namin na Bisaya kaming lahat.
“Siguro yung may input sa show about travelling, siguro yung may gusto siyang mga issues na gustong pag-usapan. Could be anybody, yung nakakapagsalita talaga na may laman, di pagandahan lang.
Naging tapat naman si Baste na sabihing pera ang isa sa rason kung bakit tinanggap niya ang Lakbai.
“Oo tinanggap ko na, sayang naman kasi yung pera and I’m not lying about that. Mas maganda yung may extra ka, parang ganun.”
Tinanong din namin si Baste kung ito na ba ang simula ng pagpasok na niya ng tuluyan sa showbizness kung saan maaari niyang subukan ang musika pati na rin ang pag-arte.
“Probably music, pag nakagawa ako ng originals ko but wala pa akong masyadong panahon for that. Yung iba naman, I’m not sure about acting, I never explored that even before, I don’t entertain the idea.
"Kung anumang mayroon mapili talaga ako. Di ako tumatanggap ng kung anumang projects kaya naman you don’t see too much of me, di ba? Talaga kasing hesitant pa rin ako until now pero unti-unti nagiging comfortable na ako.”
Nang mapag-usapan naman ang tungkol sa ama, nilarawan ni Baste na typical na tatay ang Pangulo. Wala nga raw itong reaksyon nang ibalita niya dito na isang show sa TV5 ang ginagawa niya sa ngayon.
“Wala naman siyang sinabi, wala lang, deadma lang. Typical na tatay. May pamilya talaga na medyo strict yung tatay, parang ganun lang. He does his job as a father, he’s being a father, yun ang alam ko.”