Sasabak sa isang suspense-thriller film si Nash Aguas kasama sina Sharlene San Pedro, CJ Navato, Kristel Fulgar, at Kiray.
Titled Class of 2018, ang movie na produced ng T-Rex Productions ay sa ilalim ng direksiyon ni Charliebebs Gohetia.
Itinuturing ni Nash na “breather” ang nasabing pelikula mula sa mga TV drama projects na ginawa niya sa ABS-CBN.
Pahayag ng young actor, “Actually, hinga ito from The Good Son. Sobrang bigat po kasi ng The Good Son kaya kailangang magbanlaw. Feeling ko ito rin yung banlaw ko for me and for the audience.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nash sa presscon na ginanap kamakailan sa Limbaga 77 restaurant sa Quezon City.
Ipinaliwanag ni Nash kung bakit niya sinasabi na “banlaw” ang film project na ito:
“Ever since, kung papansinin niyo po, after Bagito, sobrang bigat. Nag-Doble Kara ako na slight lang hindi naman ganon kabigat. Tapos nag-The Good Son, then ito naman, Class of 2018."
Ibig sabihin ba nito, hindi masyadong mabigat ang Class of 2018?
Tugon niya, “Para sa akin, hindi siya ganon kabigat. Parang...kasi masaya siyang gawin, e, kaya nagi-enjoy ako.
“Hindi naman sa hindi masaya ang The Good Son pero stressful pong gawin yung The Good Son.”
Isa sa nakadagdag sa excitement ni Nash ay ang pagsabak niya sa mga action scenes sa pelikula.
Ayon sa 20-year-old Kapamilya star, “Yun po ang isang way para ma-try ko naman yung…gusto ko po laging nagta-try ng bago. So, pangarap kong maging action star ever since bata [ako].
“Parang, ewan ko, may feeling ako na kapag nag-action star ako, parang nakakalalake nang sobra.
“Yung parang ang sarap bumaril, mga ganon.”
Bagamat kinumpara ni Nash sa Hollywood blockbuster movie na John Wick ang mga action scenes sa kanilang pelikula, wala raw silang ginawang martial arts training bago sumalang sa shooting.
“Ah, wala kaming specific na martial arts,” sabi niya.
“Kasi hindi naman marunong ng martial arts yung mga bata [sa movie].
“Pero sobrang haba kasi ng mga fights scenes na 'to. And si Direk minsan, meron siyang isang fight scene na one shot lang at kailangan yung two-minute fight scene na yun, one take lang.
“So, pag may nagkamali, uulitin uli from the start.”
Sa Class of 2018, si Sharlene ang love interest ni Nash.
Ayon kay Direk Charliebebs, binuo nila ang team-up nina Sharlene at Nash para pagbigyan ang mga sumusuporta sa tambalan ng dalawa sa social media.
Sinegundahan rin ito ng young actor at sinabing marami silang mga fans na gusto silang mapanood na magkasama sa isang movie.
Ani Nash, “Feeling ko, ang dami rin kasing humihingi. Ang daming naghihintay na may love team kami.
“Actually, yung ibang tao, hindi nila alam na may iba akong ka-love team.
“Alam nila ka-love team ko si Sharlene kasi nakikita nila kami sa Goin' Bulilit.
“Yung T-Rex Productions lang talaga yung gustong tuparin yung request na yun [na pagsamahin sila ni Sharlene sa isang pelikula].”