Nag-last shooting day na si Kris Bernal para sa indie film niya na Kontradiksyon.
Siniguro ni Kris na ibang-iba ang karakter niya dito kumpara sa mga nagawa niyang teleserye para sa GMA-7.
“Yung character, very new to me. Isa kong call center agent na nagbebenta ng illegal drugs but I’m just doing the job to make money. Yun lang talaga ang purpose ko pero labag sa loob ko na magbenta,” paglalarawan niya sa role niya.
Kapareha niya dito si Jake Cuenca na isang agent ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency).
Ang Kontradiksyon ay produced by Bell Films, ang film production arm ng Universal Records Philippines.
Ayon kay Kris, may mga eksena raw siya na inaakit-akit niya talaga si Jake. Nang magpunta kami sa location nila sa Kalayaan Avenue, Quezon City noong November 18, iyon rin daw ang araw na kukuhanan ang love scene nila.
“Medyo hirap talaga ko sa love scene lalo na at hindi ko naman kabisado si Jake,” pag-amin ng GMA-7 actress.
“Medyo kinakabahan ako.”
Aminado rin si Kris na na-intimidate siya kay Jake, lalo na sa mga unang beses nilang magka-eksena.
“Magaling siya saka very professional siya.”
Natatawang dagdag ni Kris, “Aminin na natin, guwapo si Jake.
“Pero, nakaka-intimidate talaga. At saka siyempre, dahil sa other network kaya nakakakaba. Pero mabait si Jake, he makes sure na comfortable ako sa mga eksena ko.”
Naka-drugs daw ang mga karakter nila habang ginagawa ang bed scene nila. Dahil dito, biniro namin si Kris na malamang ay wild ang kanilang love scene.
“Naku, sabi nga nila kapag naka-ecstasy ka raw parang ma-touchy ka raw. Dyusko, kinakabahan ako!” natawang sabi niya.
“Buti na lang mabait si Jake.”
Kahit marami na siyang nagawang teleserye at nakapag-shoot ng love scenes at kissing scenes, aminado si Kris na hindi pa rin niya talaga maiaalis ang kanyang kaba sa paggawa ng intimate scenes na ganito.
Aniya, “Every time naman na may ka-love scene ako, yun talaga ang pinakamahirap sa akin. Sa lahat ng mga eksena ko, more than iyakan, yun talaga, love scene talaga kasi hirap na hirap akong i-take.
“Ang hirap na magmukha siyang totoo, dun ako hirap.”
May mga limitasyon kasi siya pagdating sa love scene at malinaw niyang naiparating yun sa direktor na si Njel de Mesa.
“Naku, oo, sabi ko talaga hindi ko gagawin,” saad ni Kris.
“Tatlong bagay lang ‘yan. Unang-una, ayoko ng nagmo-moan... ayoko ng may pumping! Third, ayoko na kita yung boobs ko.
“Hindi ko talaga kaya, I’d rather not do it at all, mag-a-attitude talaga ko,” sabi pa niya.
“Actually, love scene, ayoko ngang gawin talaga. Ang hirap talaga ng love scene.”
Pero nilinaw ba sa kanya na may love scene talaga sila ni Jake sa pelikula?
“Alam ko na meron, pero sabi nga nila tumatanda na rin naman ako. Going there naman na ang mga roles ko, kailangang mature so subukan ko na lang.”
Feeling niya ay ito na ang pinaka-mature role na ginawa na niya kahit na may daring scenes rin siya sa former afternoon series niya na Impostora.
“Feel ko ito,” saad ng aktres na kasalukuyang napapanood sa GMA-7 afternoon series na Asawa Ko, Karibal Ko.
“Marami akong mature roles sa TV pero parang conservative, simple, ganyan. Sa Impostora, mataray.
"Pero dito naka-sports bra lang ako lagi, yung ganun. Palagi lang akong naka-lingerie.”
Kasabay ng last shooting day nila, nag-undergo ang mga cast members ng drug test.
Sabi pa ni Kris, kahit araw-araw siyang kumuha ng drug test, sigurado siyang negatibo palagi ang resulta nito.
Noong 2009 pa ang huling beses na naging bida si Kris sa pelikula. Katambal niya noon si Aljur Abrenica para sa pelikulang Nandito Ako... Nagmamahal Sa ‘Yo.
Dahil dito, gusto ni Kris na makagawa pa ng maraming pelikula.
“Gusto kong mag-explore sa movie kasi palagi akong nasa TV, e. Parang na-realize ko, gusto kong gumawa ng films. Yung hindi lang ako nakikilala sa TV at saka iba pa rin, iba ang treatment at iba ang acting kapag film din.”
Dagdag pa niya, “Buti nga nabigyan ako ng ganito, Kontradiksyon. Kasi, gusto ko rin gumawa ng indie films, yung makakapag-explore ako.
“First indie ko ‘to! And my gosh, sa eleven years ko rito sa industriya, nagkaroon ako ng indie film, ngayon lang.”