Maraming Pinoy movies ang ipalalabas ngayong January 30, kabilang na ang ‘Tol ng Reality Films. May kumpiyansa naman ang isa sa bida ng ‘Tol na si Joross Gamboa na marami ang magkakagusto sa comedy movie nila.
“Kumbaga nasa tao na rin ‘yan. Pero sana matulungan tayo ng mga Filipino audience natin,” pahayag ni Joross nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa January 22 presscon ng pelikula sa Playhub, Tomas Morato, Quezon City.
“Siyempre, ang mahal na ngayon ng sine. Sana naman suportahan nila ang sariling atin. Para naman hindi mamatay ang industriya natin, hindi tayo makain ng mga foreign films.
“Sana matalo natin ang Avengers,” natawang biro niya.
Masuwerte si Joross dahil isa siya sa mga artistang halos hindi nababakante ng proyekto mapa-pelikula o telebisyon.
“Steady lang,” ang tawag ni Joross.
“Sa akin kasi, kahit lead, kahit support, basta maganda ang material, go lang ako. At sa akin, yun din talaga ang nakalakihan ko. Hindi ako masyadong nag-aano sa fame. Basta maganda ang project.”
Ipinalabas naman sa iWantv Originals noong January 25 ang sinulat at dinirek na pelikula ni Joross. Titled Allergy In Love, ito ay pinagbibidahan nina Cholo Barretto at Chienna Filomeno.
Posible rin daw na ngayong taon, makagawa na si Joross ng pelikulang maipapalabas na sa regular theaters.
“May isinusulat ako ngayon, isang rom-com, isang drama. Baligtad, di ba? Rom-com at drama. Pero sa akin naman, una ko lang ginawa yung comfort zone ko.”
Sa dami ng kanyang ginagawa, aminado naman si Joross na pagiging artista pa rin ang priority niya.
“Yung pagdidirek naman kasi, ako naman ang mag-aano ng schedule. Ang idol ko kasi, Eddie Garcia. Nagdi-direk tapos nag-aartista.”
MUM ON ARJO-MAINE ROMANCE
Bukod kay Joross, pinagbibidahan din nina Ketchup Eusebio, Jessy Mendiola, at Arjo Atayde ang pelikulang ‘Tol.
Nasalang sa hot seat si Arjo noong presscon dahil sa isyu sa kanila nila Maine Mendoza.
“Ah, wala akong puwedeng sabihin. Mas magandang kay Arjo manggaling ‘yan,” ani Joross.
Hindi pa rin naman daw niya nakikilala si Maine at hindi pa rin personal na ipinapakilala sa kanila ni Arjo.
Ayon kay Joross, “Alam niyo, wala ng pressure sa mga ganun. Come what may. Siyempre, buhay nila yun.”
Nagbibigay rin ba siya ng mga payo kay Arjo bilang may asawa na siya?
“Hindi, ang advice naman kasi, kapag tinanong lang, kapag humingi lang sila. Pangit yung kapag nag-a-advice ka na hindi naman hinihingi ang advice mo, pinapangaralan mo siya.”
Alam naman ni Joross na maraming nambabash ngayon kay Arjo. Pero sabi nga niya, kahit siya rin daw, napagdaanan na ito.
“Yung banggitin lang ang pangalan... pero okay lang. Makikita mo naman kapag yung account, walang mukha, walang followers, trolls ang tawag dun.
“Pero, bakit ka magpapa-ano sa negativity ng ibang tao? Ako, iba-block ko na lang. Kasi, wala rin namang kuwenta yung sinasabi. Siguro una, maapektuhan ka, pero in a while, wala na rin.”
COCO AS DIRECTOR
Kapansin-pansin ang pagiging balbas-sarado ngayon ni Joross.
Gusto na raw niyang ahitin, pero hindi niya magawa dahil sa ABS-CBN primetime series na Ang Probinsyano.
Nakasama na raw niya dati si Coco Martin, pero noon, extra pa lang daw ito sa kanila.
“Nakasama ko na siya dati pa, sa mga MMK [Maalaala Mo Kaya], nag-e-extra pa lang siya noon. Napag-usapan na namin. Sabi ko nga sa kanya, 'Yung eksena don, mas magaling ka pang umiyak sa akin.
"'Ako, hirap na hirap umiyak, 'tapos nung napanood kita, sabi ko, 'Sino ‘to? Ang galing!'
"Mabait si Coco naman. Down-to-earth. Kinukuwento niya yung mga ganun, yung mga dating pinagdaanan.”
Kung dati, extra lang sa kanya si Coco at siya ang bida, ano ang pakiramdam na ngayon, director pa niya ito sa Ang Probinsyano?
“I’m happy for him and kumbaga, bilang direktor, nirerespeto ko siya. Kapag pumunta kami sa set, ang turing ko sa kanya, direktor. Hindi yung parang totropahin mo lang.
“Kumbaga, yung authority niya. Ang turing ko sa kanya, direktor. Hindi basta-basta tropa. Off-cam na lang yun,” saad niya.