Dahil sa tagumpay ni Alex Gonzaga bilang isang vlogger, naengganyo na rin ang kapatid niyang si Toni Gonzaga na magkaroon ng sarili niyang YouTube channel.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 2.7 million subscribers si Alex.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Alex na ang kanyang Ate Toni ang mismong nagdesisyon na gusto na nitong subukan ang pagba-vlog.
"Actually, di naman ako ang nag-influence sa kanya na mag-vlog.
"Parang kaming lahat, si Mommy Pinty, ako, parang ang tagal bago ko siya na-influence.
"Bigla na lang sinabi niya, 'Catherine, magba-vlog ako, nag-iisip na ako ng konsepto.'
"Hayun, nakapag-vlog naman siya," kuwento ni Alex sa interview na ginanap sa post-Christmas party ng Brilliant Skin noong January 22 sa Araneta Coliseum.
TONI TO REVEAL MORE OF HERSELF THROUGH HER VLOG
Hirit ni Alex, "Rated R yung concept niya, yung mga loving-loving nila! Joke!"
Ang tinutukoy niya ay ang intimate moments nina Toni at asawa nitong si Paul Soriano.
Pagpapatuloy ni Alex, "Hindi. Ang concept niya is more about her life, kasi nakita na namin din ng tao kung paano siya as an actress, as a singer, as a sister, as a daughter.
"Pero never pang nakita ng tao as a mother. Yung pagiging first-time mom niya, how to balance yung career niya, with being a sister, with being my Ate, with being a wife."
Tinanong si Alex kung may plano rin ba siyang mag-guest sa vlog ni Toni dahil madalas ding mag-guest ang kanyang Ate sa vlog niya.
"Oo naman! Magge-guest ako.
"Nung bago niya i-post yun, inaano niya ako.
"Nagko-consult siya. Tinatanong niya ako kung ano ang puwede.
"Sinasabi ko sa kanya, 'Wag ka na lang mag-vlog. Baka mawalan pa ako ng subscribers.'"
Sinabi pa ni Alex na tinutulungan niya ang kanyang kapatid pagdating sa editing ng videos niya.
Ani Alex, "Kung anuman ang makukuha niya, may cut ako.
"Di ko pa alam, kasi parang mas focus siya sa family niya, e. So yun siguro.
"Actually, ang dami ninyong di alam tungkol sa Ate ko.
"Mapapakita niya, mase-share niya yun.
"Marunong siyang mag-bake, marunong magluto 'yan.
"Ngayon as a mom, as a wife, ang dami niyang na-discover.
"Nahihilig na rin 'yan sa plants, interior designer na rin 'yan, so I'm sure mase-share niya lahat yun."
SHARING HER BLESSINGS
Bukod sa pag-aartista ay malaki rin ang kinikita ni Alex sa kanyang vlog.
Ayon sa ABS-CBN actress, binabahagi niya kung anuman ang kinikita niya lalo't nagbukas ito ng maraming oportunidad sa kanya.
"Kung ano yung kinikita ko, I just make sure na nagse-share ako kasi nagiging mabuting tao na ako.
"I think for me, parang nag-ano siya both ways.
"Nung nag-vlog ako, mas dumami ang opportunities sa akin.
"Pero tingin ko, kaya rin naman nag-work yung vlog, kasi artista ako.
"Aware ang mga tao sa akin na kahit papaano nagpapatawa ako. Para siguro nasakto lang talaga," pahayag niya.
GRATEFUL TO BE AMONG AWARD-WINNING ACTRESSES
Tinanghal kamakailan si Ms. Gloria Romero bilang Best Actress sa 2018 Metro Manila Film Festival.
Natawa na lang si Alex sa bali-balita na dapat daw siya ang nanalo dito dahil alam daw niya kung gaano kabibigat at dekalibreng mga aktres ang kalaban niya.
"Hindi naman, pagpasok namin ng Ate, sabi ko, 'Ate, nakita mo ba nandiyan si Ms. Aiko [Melendez], nandiyan si Ms. Gloria Romero, nandiyan si Anne [Curtis].'
"Sabi ko, mag-expect pa ba tayo? Maging ano na lang tayo dito, audience.
"'Tapos, nakita din ng Ate ko nandun si Sunshine. 'Oy, nandito din pala si Sunshine Dizon. Wala na talaga, wala nang chance.'"
FOLLOW-UP MOVIE PROJECT
Pagkatapos ng tagumpay ng kanilang MMFF 2018 entry Mary, Marry Me na naging maganda ang resulta sa takilya, may plano pala sila Alex na mag-produce uli ng susunod na pelikula.
"Oo, feeling ko oo kasi nag-usap kami ni Ate.
"Yung mga pagkakamali namin nung first movie namin, parang puwede naming baguhin, so okay yun.
"Pagkakamali? Na sinama siya sa pelikula o ako ang sinama. Hahaha!
"Kasi sabi ni Ate, 'Gagawa ako ng pelikula, pero puwede wag ka namang sumama?'
"'O, sige Ate, okay lang.'"
"May mga ano kami na dapat mas maging hands on, mga ganun lang."
Sa nakaraang kaarawan ng aktres ay nag-trend ang birong bati sa kanya ni Luis Manzano kung saan ang dating ay parang namatay si Alex. Pinagtatawanan na lang ni Alex ang mga ganitong pagbibiro sa kanya ng kaibigan.
"Kaya nga, e. Sabi ko nga, e, 'Bwisit ka. Kasabay ko pa tuloy ngayon si Mr. Henry Sy.'
"Nakita 1998-2019, Alex Gonzaga 'tapos may kalapating kasama 'tapos trending sa YouTube.
"Sabi ko, "Kuya Luis, hayop ka.
"Pikon? Di naman."
I CAN SEE YOUR VOICE
Balitang magkakaroon ng Season 2 ang ABS-CBNZ show na I Can See Your Voice.
Hiningan namin ng reaksyon si Alex tungkol dito.
"Ay, di ko pa alam.
"Wala akong ma-feel, kasi di ko alam kung kasama ako, e.
"Baka umulit wala naman ako, e, di masama ang loob ko ngayon.
"Kung sinabi ko, 'I'm so thankful,' e, di naman na ako kasama."
Bukod sa pagiging regular host sa Pinoy Big Brother Otso, magsisimula na rin si Alex ng shooting ng kanyang susunod na pelikula.
"Ito PBB 'tapos mayroon kaming tina-try na gawing pelikula so I'm so happy kasi parang right after Mary, Marry Me, nag-meeting na kami with them.
"Sana matuloy with Viva, co-prod with Direk Paul."
FAMILY OF TECHIES
Naging matagumpay at nag No. 1 sa YouTube ang kantang "Chambe" ni Alex kung saan nakitang nakikisayaw sa kanya si Toni, ang pamangkin na si Seve, sina Mommy Pinty, at Daddy Bono.
Ayon kay Alex, dahil dito ay na-adik na rin sa YouTube ang ama kung saan nire-record nito ang views bawat oras.
Lahad niya, "Wala naman, okay naman, masaya naman.
"Ang Daddy ko kasi adik siya sa Chambe, yung Daddy ko yung adik.
"Nire-record pa niya 'yan. Yung mga views, nire-record niya per time.
"Nagulat ako parang may sweepstakes siyang ganun, o.
"Sabi ko, 'Ano ba 'yan, Daddy?!' Akala ko may pa-jueteng siya.
"Natutuwa naman ako sa Mommy at Daddy ko nagiging techie sila.
"Natututo silang mag-search, mag-YouTube pero parang nakakasama, kasi yung Daddy ko, naa-adik siya sa YouTube ngayon.
"Tumatawid kami, nasa elevator, nasa kotse, ayaw na raw niyang mag-drive. Nasa restaurant kami, nasa party kami, naka-YouTube siya."