Si Harlene Bautista ang isa sa 86 honorees sa 3rd Film Ambassadors’ Night na organized by the Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Ang event na ito ang opisyal na naglunsad ng “Sandaan,” ang pagdiriwang ng 100 taon ng Philippine cinema.
Ginanap ito noong February 10, 2019, sa SM Aura Premier Samsung Hall, Bonifacio Global City.
Si Harlene ay kinilala sa Best Short Film category para sa Kiss na pinagbibidahan nina Kiko Matos at Mercedes Cabral.
Si Harlene rin ang executive producer at namamahala sa Heaven's Best Entertainment na nag-produce ng 2018 Metro Manila Film Fest entry na Rainbow's Sunset.
Hindi akalain ni Harlene ang pagkilala na ito mula sa FDCP.
"Naiyak talaga ako nung minessage ako ni Liza," kuwento ni Harlene tungkol sa text message na nakuha niya mula kay FDCP Chairperson Liza Dino.
"Salamat, naiiyak ako, di ko akalain. Thankful talaga ako.
"Expected? Hindi, e. Sobrang nagulat kami sa reception sa pelikula, sobrang natutuwa kami. Sa amin yung maraming makapanood, yun talaga ang pinakagoal namin. Hanggang ngayon, marami pang di nakapanood so gusto naming mapanood pa sa mas maraming bahagi ng mundo."
Ayon kay Harlene may mga kasunod na proyekto na silang gagawin at uumpisahan.
"Oo, siyempre. Actually marami nang mga meetings na nangyayari pero siyempre kailangan mapili nang maayos kung ano yung gagawin next."
Nang tanungin kung nabawi ba niya ang production costs ng Rainbow's Sunset, masayang binalita ni Harlene na nakabawi naman ito at magkakaroon pa ng special screenings sa ibang bansa ang pelikula.
"Bumawi naman after the awards night."
"International [screenings]? Mayroon na pero di ko pa yata kayang i-announce. Marami, e. May Spain, India, U.S. siyempre, Japan."
ON DYING FILM INDUSTRY
Kinuha namin ang pagkakataon na ito upang hingin ang reaction ni Harlene bilang producer sa mga nagsasabing namamatay na ang pelikulang Filipino.
Kamakailan, ginamit ni Direk Erik Matti ang kanyang Facebook account upang ibigay ang kanyang obserbasyon sa Philippine film industry.
Ayon sa veteran filmmaker, namamatay na ang pelikulang Filipino dahil sa sunod-sunod na flop na pinalabas sa box office ngayong 2019. Naniniwala rin si Direk Erik na dapat magkaroon ng government intervention upang mabigyan ng solusyon ang problema na ito.
Paliwanag ni Harlene, "Alam niyo matagal na naman na 'yan, e. Matagal na talagang nangyayari, matagal na, more than a decade. Noon ko pa naririnig 'yan, bata pa ako naririnig ko na.
"Siguro sabihin natin the glory days was been the '80s ng Philippine cinema.
"Pero ngayon, dahil sa dami ng magagandang festivals, marami na rin ang nakaka-appreciate ng pelikulang Filipino, yun nga lang kailangan tumaas yung classic appreciation ng quality films. Kailangan matuto ang mga manonood na kumilatis ng quality films talaga.
"Of course, ang pelikula may iba-ibang genre so di porke't comedy, di na siya quality, o kaya porke't horror, di na siya quality. Kailangan talaga educate the audience.
"Isa pang reason, sobrang taas ng tickets ng sinehan. Di ko alam kung paano masusolusyonan 'yan dahil lahat ng presyo naman talaga, e, tumataas.
"Siguro kailangan lang talaga, magtulungan from the producers, theater owners, artists to government agencies. Kailangan talaga suportahan otherwise tatagal lang 'yan tulad ng nangyari ngayon. Dekada na naghihikahos."