Ang radio DJ na si Czarina Marie Balba o mas kilala bilang si DJ Chacha ay pinasok na rin ang mundo ng pelikula. Ipinakikilala siya sa pelikulang Pansamantagal na pinagbibidahan nina Bayani Agbayani at Gelli de Belen.
Waitress ang karakter ni DJ Chacha sa pelikula, pero para rin daw siyang radio host na talakera.
“Parang magtatagpo-tagpo kami rito nina Gelli at Bayani. May iba’t-ibang eksena kami sa mga buhay namin, pare-pareho kaming sawi sa pag-ibig, magtatagpo-tagpo kami at pare-pareho kaming makaka-relate sa isa’t-isa.
“For sure, lahat ng makakapanood, lahat naman tayo may different love story, lahat makaka-relate kung si Chacha ka ba, si Gelli o si Bayani.”
Na-enjoy ba niya ang unang pelikula niya?
“Na-enjoy ko siya, pero nag-worry lang ako sa camera,” pag-amin niya na natatawa.
“Hindi kasi ako telegenic! Pero, in all fairness, feeling ko, nailawan ako ni Direk ng papayatin ako ng slight. Kahit nahirapan siya sa bandang baba, sa balakang. Pero nailaban niya ang magagandang anggulo.
“Pero yung role ko, talakera lang na parang sa radio, kapag may caller kasi ako, feeling close ako. Ganun din ako rito, feeling close ako sa kanila. Tatalak ako kahit hindi ko naman kailangang tumalak.
“Hindi ako nahirapan sa part na yun, pero nahirapan ako sa-- gusto ko kasi na sa first movie ko, hindi naman ako yung parang newbie na newbie talaga.”
Ang director ng Pansamantagal ay si Direk Joven Tan sa ilalim ng Horse Shoe Productions at ipalalabas na sa March 20.
Kadalasan na naging location nila sa pelikula ay sa beach resort kaya biniro ng press si Chacha nang makausap ito sa opisina ng Horse Shoe kamakailan lang kung nag-swimsuit daw ba ito.
“Gustuhin ko man--- dapat abangan siguro nila kung nagpakita ako ng mga pata rito,” biro niya.
Lumaban siya ng kaseksihan kay Gelli?
“Alam niyo, yun ang mahirap, kapag magka-eksena kaming dalawa. Nakakaloka... nagmumukha akong Tita ni Gelli, ako talaga ang mukhang matanda.
“Ang bata talaga ng hitsura niya, ang payat!”
Ngayon lang din niya nakasama sina Gelli at Bayani.
Kamusta naman ka-trabaho ang dalawa?
“Ang bait nila pareho,” saad niya.
“Na-realize ko, di ba, ang tagal na nila sa industry. Na-compare ko lang sila sa mga bata ngayon. Parang akala ko, kapag matatagal na, sila pa yung mas malalaki ang ulo, suplada, pero sobrang iba.
“Parang kapag nami-meet ko yung matatagal na sa industriya, sila pa yung mga humble. Sila pa yung masarap ka-trabaho at hindi masakit sa ulo.”
Dugtong pa niya, “Siyempre, naka-trabaho ko rin yung ibang mga bagets. Sa hosting, may nakakasama tayong mga bagets. May nakakasama rin tayong beterano.
“Itong mga beterano, matatagal na pero grabe, sobrang down-to-earth nila masyado. Si Ms. Gelli nga, napagkuwentuhan pa namin yung kasal ko. Nagbigay pa siya ng advice kung paano kami tatagal.
“Si Bayani, wala lang ginawa kung hindi magdala ng wine kapag may shooting, kapag tapos na.”
ON TED FAILON
Magkasama sa DZMM sina DJ Chacha at Ted Failon. Base sa mga batuhan nila kasi ng biro, may mga nag-iisip talaga na para silang “naglalandian” sa programa. may mga naka-obserba na tila may gusto sa kanya ang ABS-CBN broadcaster.
Hindi nga ba ito nagpaparamdam sa kanya?
“Nagparamdam ng ano? Ano bang paramdam ito? Pero baka kung single ako, baka magustuhan ko siya, wow! Hahaha! May hugot? Kaya lang hindi ako single, e.”
Hindi raw niya sinabi noon na may boyfriend siya kay Ted dahil hindi naman daw ito nagtatanong. Ipinakita lang daw ng isang staff ang picture niya kasama ang boyfriend nang mag-Boracay sila.
“Nagloloko-loko siya na tara, Hong Kong tayo. E, feeling ko, joke lang naman. So wala, dedma,” natatawang kuwento ni DJ Chacha.
Ang mga listeners daw nila sa programa ay parang naniniwala rin na may something sila ni Ted.
Kuwento ni DJ Chacha, “Kasi, kapag na-a-upload ako ng picture naming dalawa ng boyfriend ko, sinasabi nila, paano na si Ted? Paano na si Ted?”
Hindi ba nagseselos ang boyfriend niya?
“Hindi siya nagseselos, pero ang nanay ko, niloloko ang jowa ko kapag magkakasama kami. Ikaw, ‘wag kang loloko-loko, papalitan ka ni Ted. Yung mama ko kasi, kapag naglolokohan kami ni Ted sa TV, biglang magme-message ang nanay ko, sasabihin niya, naku, feeling ko talaga may gusto sa ‘yo si Ted! Push mo na kaya?”
Magpi-pitong taon na ang relasyon nila ng boyfriend na si Michael Guevarra at ikakasal na sila this May sa Tagaytay.
Nag-propose ito sa kanya noong isang taon sa Bangkok, Thailand.
“Masyado kasi siyang private na tao, even sa family namin, nahihiya siya. Feeling ko, kaya siya dun nag-propose kasi wala talagang makakakilala sa amin dun.
“Pangalawa, nahihiya siyang lumuhod sa harap ng family and friends namin. Kinukuwento niya sa akin ang preparation for the engagement, ang sabi niya, alam mo, ang haggard.
“Ini-email ko sila, pero hirap talaga silang mag-english.”
Natatawa si DJ Chacha at hindi raw niya mai-announce ang exact date ng kasal sa May.
"E, kasi, baka pumunta sila, wala akong mapakain sa kanila!” natawang sabi niya.
“Basta, hindi ex-deal ang venue.”
At saka niya idinugtong na, “Private kasi ang boyfriend ko. Hindi naman sa ayaw naming sabihin, pero gusto talaga namin hangga’t-maaari na private lang. Ang gusto sana namin noong una, 150 lang, hindi lang talaga kaya dahil ang dami ko talagang friends!
“Ang pinaka-latest, 256 pero ngayon pa lang yun, parang may iba pang madadagdag.”
May sampung taong gulang na babaeng anak na si DJ Chacha, pero hindi raw naging isyu ang pagkakaroon niya ng anak sa fiancee niya at sa pamilya nito.
“Kapag wala ngang kasama, minsan yung Mommy pa niya ang kasama ng anak ko,” masayang sabi niya.
Isa raw sa tatayong ninong sa kasal niya ay si Ted.
“Pumayag siya! Sabi niya, alam mo, hindi ako pumapayag. Pero, ikaw kasi ‘yan,” kuwento pa ni DJ Chacha.
“Kaya lang, ang nakakatawa rito, TV Patrol, Thursday ang kasal ko. Dalawa sila ni Kabayan Noli de Castro. Alas-tres ng hapon. Sabi niya sa akin, okay lang ba sa ‘yo, magto-toss coin kaming dalawa at kung sino nanalo, yun na lang ang pupunta?
“Alangan namang dalawa kaming wala sa Patrol.
“Pero, feeling ko, after ng ceremony, pa-fly na yun.”
Kinuha rin daw niyang mga ninong at ninang ang mag-asawang Senator Tito Sotto at Helen Gamboa, Mayor Dan Fernandez, at si Karla Estrada.