Aakyatin na ni Romi Garduce ang pinakahuli sa pitong pinakamatataas na bundok sa buong mundo, o ang tinatawag na "Seven Summits."
Ang Seven Summits ay ang kinikilalang pitong matataas na bundok na matatagpuan sa pitong kontinente ng mundo.
Ang huling bundok na aakyatin niya ay ang Mount Vinson Massif sa Antartica. Ito'y 16,027 feet ang taas at tinuturing ni Garduce na pinakamalamig na bundok na kanyang aakyatin.
Ang mga naunang bundok na kanyang inakyat ay: Mt. Kilimanjaro (Africa, 2002), Mt. Aconcagua (South America, 2005), Mt. Everest (Asia, 2006), Mt. Elbrus (Europe, 2007), Denali Peak (North America, 2008), Mt. Kosciousko (2008), at Carstenz Pyramid (2011) na nasa Australia at Oceana.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Romi kahapon, Disyembre 8, sa send-off presscon niya na ginanap sa ROX Store sa The Fort, Bonifacio High Street, Taguig City.
Dito'y sinabi niya na ang pag-akyat sa Seven Summits ay nagsimula lamang bilang isang "pangarap."
"Nagsimula 'yan no'ng inakyat ko 'yong Kilimanjaro," sagot niya nang tanungin kung paano nagsimula ang pag-akyat niya sa pitong matataas na bundok sa mundo.
"Kilimanjaro kasi is the highest mountain in Africa. So, after that na-realize ko na...[higit sa isang] pangarap lang siya na, na lalagyan ko ng direction 'tong travelling ko.'
"So, sige bakit hindi natin simulan sa highest mountain in this continent.
"So, nagsimula lang siya ng gano'n na subok-subok hanggang sa naging seryoso.
"Kasi 'yong papuntang Everest naging mas seryosong climbing na 'yon, e, so mas naging seryoso 'yong effort especially no'ng ma-summit na natin siya.
"Of course, the next target is to complete all seven continents."
HIS PREPARATIONS. Hindi na raw gaanong nakapag-training si Romi para sa expedisyon na ito. Mayroon kasi siyang full-time work na kailangan niyang tutukan.
Nagta-trabaho siya bilang I.T. expert sa Proctor & Gamble Philippines.
Kuwento niya, "Mayro'n akong dapat ginawa [training], dapat gagawing extra, kaso hindi ko nagawa dahil ang dami kong ginagawa.
"'Yon 'yong bigger challenge for me, kasi ang dami kong ginagawa. I have a full-time job, hindi ako full-time mountaineer or athlete, 'di ba?
"So, hindi nakikita ng tao yong difficulty for someone who works full-time kung paano mag-prepare.
"So, kung prepare lang din, madali siyang gawin. Ang issue 'yong setting aside time to do that.
"Pero in terms of actual preparations, of course naroon 'yong physical aspect of the training."
Kung ang pagsubok sa kanilang training naman ang pag-uusapan, ang pinakamahirap daw ay ang magsanay na maglakad nang malayo at matagal habang may bitbit na mabigat na bag.
"Kasi ang challenge namin dito is magbubuhat ka ng 100 pounds of gear and supplies sa backpack tsaka sled," paliwanag niya.
"It's something na kailangan mong gawin, two to three months before, 'yong magbubuhat ka ng mabigat, 'yong iba nga nagkakaladkad pa ng sled just to practice doing that.
"Kasi hundred pounds is isang tao, so, hindi siya ordinaryong load in a difficult terrain. Ito nga it's an ice mountain, this is the coldest place na pupuntahan ko, so, iyon 'yong challenge niya."
Bagama't kabado siya, hindi pa raw talaga matukoy ni Romi kung anong nararamdaman niya ngayong nasa ika-pitong mataas na bundok na ang aakyatin niya.
"Hindi ko pa siya ma-feel," bulalas niya.
"Mapapasok lang 'yan 'pag nakaalis na ako, e, doon na siguro magsisimula 'yong totoong excitement.
"Pero, of course in general, siguro finally nandito na ako sa last. Kasi medyo back subject ko siya, e, tinuturing ko siyang back subject.
"In fact, para lang siyang barrier kasi hindi ko magawa 'yong iba kong gustong gawin dahil 10 years na, hindi ko pa siya natatapos, parang gano'n.
"So, it's still a long journey, kasi madami din siyang challenges along the way, e.
"So, I'm excited in a way...I'm excited dahil first time ko sa Antartica, pangalawa ito na 'yong chance ko to complete 'yong long journey ko sa seven summits."
Sasamahan si Romi ng miyembro ng UP Mountaineers at environmentalist na si Levi Nayahangan.
Ang alis nila sa bansa papuntang Nepal ay sa Disyembre 23, at sa Disyembre 29 naman ang flight niya patungong Antartica.
Subaybayan ang ekspedisyon na ito ni Romi sa GMA-7 coverage na Pito para sa Pilipino: the Seven Summits Expedition, na magsisimula ngayong Disyembre.