Dati nang kilala si Carlos Agassi bilang rapper, pero may ilang taon na rin siyang nawala sa music scene.
Kaya nagulat kami nang magpatawag ang Star Magic ng press conference para sa bagong album ni Carlos na may titulong Kapayapaan.
Ginanap ang presscon noong Miyerkules, October 24, sa Komrade restaurant.
Si Carlos na nga ang nagkuwento ng tinatawag niyang “bagong-luma” album niya ngayon.
“Ang kuwento kasi nito, nagtayo ako ng company six years ago, kasama ko si Gloc 9, Mitchell…
“Yung alay ko na Amir album, that’s my third album.
“Tapos nun, nagpunta ako ng States. Nag-aral ako ng fitness and nutrition.
“Pagdating ko rito, kapag may raket, like Agua Bendita or My Amnesia Girl, gagawin ko.
“Kapag wala, try kong mag-help sa family business. Yun nga lang, wala rin nangyari.”
May manpower agency ang pamilya nina Carlos.
Lahad niya, “Kesa mag-interview ako ng mga dadalhin sa ibang bansa—like engineers, nurses—nagpapa-picture sa akin, nag-i-interview sa akin na, ‘Bakit wala ka sa TV? Gusto kita sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan?' O, ‘Bakit hindi ka nagra-rap?’
“Sabi ni Mommy, ‘Parang walang nangyayari, a! Imbes na ikaw ang mag-i-interview, ikaw ang ini-interview.’
“Tapos, kapag may employer from Saudi, kapag inilabas ko for interview, ang nangyayari, mall show.
“Hahawakan ang tiyan ko, sasabihin, ‘Hunks.’
“So, ang ending, artista. Hindi pang-manpower agency.
“Ita-try ko naman na mag-head sa resorts namin, sa Villa Rowena sa may Pansol, ganun din.
“Kapag may pumunta, papiktyur na lang at pagkatapos, ikakalat nila na nandoon ako, tapos buong araw, picture-taking.
“So, sabi ko, parang dito [showbiz] talaga ang bagsak ko.”
BACK TO MUSIC SCENE. Ang model-girlfriend ni Carlos na si Margo Midwinter daw ang naging daan para muli siyang magbalik sa music scene.
Ayon kay Carlos, walang idea noon si Margo na artista siya. Ang kaibigan lang daw nitong si Kim Jones, na girlfriend naman ni Jericho Rosales, ang nagsabi na magkasama ang dalawang aktor noon sa grupong Hunks.
Kuwento ni Carlo, “Yung girlfriend ko na si Margo, kinalikot niya yung file ng music ko.
“Tapos, meron pa akong hindi nare-release. Ni-record ko siya six years ago, pero hindi ko siya na-launch.
“Tapos siguro mga four weeks ago, sabi niya, ‘It’s a good song. Why don’t you present it?’
“Pero, siyempre, kapag matagal mo nang hindi ginagawa, wala kang bilib sa sarili mo, di ba?
“So, sabi ko, ‘Hindi, mahirap 'yan, huwag na.’
“Then, sabi niya, ‘Just burn the CD. Tapos i-text mo na lang ang contact mo.’
“So, tinext ko si Mr. Jonathan Manalo, head ng marketing ng Star Records, and then binigyan niya ako ng time for meeting with the president, si Tita Marivic [Benedicto]. Okay naman.
“Hindi ako makapaniwala, na-aprub ako. Parang gusto kong sumigaw!
“So, pag-approve, lumapit ako kay Tita Monch [Novales, Carlos’s handler] na na-approve po ako.
“Binigyan na ako ng launching sa ASAP, sa November 4. Ang bilis ng pangyayari!
“Six years ago, parang wala, tapos ngayon…”
Para kay Carlos, ang title ng album niya na Kapayapaan ay timing din sa nangyayari ngayong peace talks sa Mindanao. Successful ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Nagawa na rin ni Carlos ang music video kunsaan mga streetchildren daw ang mapapanood.
Yung chorus ay pinakanta naman niya sa iba’t ibang lengguwahe at si Carlos naman ang nag-rap.
Si Carlos ang mismong nag-compose at gumawa ng musika.
Pitong kanta ang nakapaloob sa album: “Kapayapaan,” “Pinoy,” “Nais Ko,” “Muling Tanggapin,” “Get Down,” Freakin’ Hot Mama 1,” at “Freakin' Hot Mama 2.”
QUITTING SHOWBIZ. Ang isang magandang katangian ni Carlos ay hindi siya nagpapatalo sa mga negatibong isyu at sa mga matatawag na “bashers” niya.
Pero aminado si Carlos na isa ito sa mga dahilan kung bakit siya nagdesisyong sumubok na lang sanang maging regular na empleyado ng sarili nilang kumpanya.
“Isa yun sa reason kung bakit ako umalis,” sambit niya.
“Kumbaga, wala akong tinatapakang tao. Wala akong ginagawang masama.
“All I did was do my best. Kumbaga, ninety-nine percent perspiration and one percent inspiration, which is God, and then I let God do the rest.
“Pero ang daming haters.
“Like before, hindi nila ako matanggap sa rap kasi raw nagda-drama ako.
“Kapag nag-drama naman ako, ang daming comments.”
Naapektuhan din siya ng mga naturang negative comments?
“Talagang naapektuhan ako,” pag-amin ni Carlos.
“Minsan, umiiyak ako. Nagdarasal ako.
“Pero pagpunta ko ng States, doon ko nakita na yung mga naninira sa akin, sila yung nagtatanong na, ‘O, bakit wala ka na?’
“Gusto kong sabihin na, ‘Noong may moment ako, tinitira n’yo ako palagi.’
“Pero sabi nga ni Margo, ‘Your number one haters are your critics. They will go out of their way just to get your attention and make you feel bad. So, they really like you, they are just misdirected.’”
WILD RUMORS. Alam din ni Carlos ang mga lumabas na isyu noon sa kanya—na kesyo may kidney disease siya, na nasa basement na raw siya ng ospital, at umabot pa sa puntong namatay na raw siya.
Sabi niya, “When you always give your best and you’re passionate and then people criticize you, siyempre mahe-hurt ka, di ba?
“So, that’s when I learn to lie low, to relax.
“And with regards to my body, I work hard twice a day.
“Kunwari ang call time ko 7 a.m., I wake up at 4 a.m., I run around the village. I do abs.
“Lunchbreak or dinner break, o kapag umaga natapos, I play basketball o magdyi-gym ako.
“Tapos, sasabihin ng tao, may kidney disease ako o namatay ako.
“Kung may kidney disease ka o nagda-dialysis, may butas ka sa body at yung dugo mo, lalabas.
“Hindi ka puwedeng mag-weights, hindi ka puwedeng mag-basketball.
“‘Yang intriga na 'yan na namatay pa 'ko dahil diyan, twenty-four-years-old ako.
“Tumawag pa lola ko galing States, umiiyak.
“Kaya sabi ko, ‘Wow, grabe naman yung mga galit sa akin.’
“E, ngayon, thirty-two na po ako. Sa awa ng Diyos, nagka-allergy lang ako. Yun lang ang huling sakit ko.”
Hindi pa nga raw siya nako-confine sa hospital.
Patuloy ni Carlos, “Masakit for someone who doesn’t drink, smoke… kinakain ko, tuna. Hindi ako makapag-endorse ng healthy lifestyle.
“Nananalo ako sa mga marathon, third place. Pero hindi ako makapag-endorse, kasi nga, ang daming naninira.
“So, part na yun ng buhay ko.
“Tulad nitong album na ‘to, hindi pa nila naririnig ang album ko, may nagsasabi na ‘Boracay baby lang 'yan, Hunks lang 'yan.’
“Pero may iba naman, hindi pa napapakinggan, may tiwala na sila.
“So, sabi ko, extreme. Parang showbiz.
“It’s either na gusto ka ng tao o ayaw sa ‘yo ng tao.
“But at the end of the day, ang importante, kung ano ang ginagawa ko—gusto nilang alamin because either gusto ka nila or ayaw nila sa ‘yo.”
DEFENDING HIMSELF. Tinanong ng PEP si Carlos kung bakit noon ay tila hinayaan lang niya ang mga negatibong komento at maling isyu sa kanya.
Bakit hindi niya dinipensahan ang sarili?
“Mali kasing sabihin ngayon, pero at that time, ang tao kapag sinabihan mo, lalo lang nilang sasabihing 'in denial'.
“Papalabasin lang nila na totoo, guilty.
“So I was caught in a situation na, lalong lalaki, ang haba niyan.
“Na puro negative na ako personally… Sabi nila negative or positive publicity is still good publicity.
“Para sa akin, no. Mas maganda nang no publicity.”
Ngayong bumabalik siya sa music scene, mas handa na ba siya kung sakaling nandiyan pa ang mga dating critics o haters?
“Well, sabi ko nga, parang it’s not worth it na iiyak ako sa gabi and I’ll feel depressed.
“So, si Margo, hindi pa umaalis.
“If ever na may ganyan, hahawakan niya lang ako sa likod. Kakain kami or magsisimba kami. Charity...
“Basta kasama ko siya, okay na ‘ko.”
MARGO MIDWINTER. Si Margo ay taga-United Kingdom, sumali na sa Miss Earth at Miss Resorts World, at isang commercial model.
Ayon kay Carlos, si Margo lang ang bukod-tanging babaeng naipakilala niya sa pamilya.
Inamin din ni Carlos na nakapag-propose na siya rito, pero hindi pa lang daw niya nabibigyan ng engagement ring.
“Well, sabi ko nga, paano pa, yung pera ko, ibibili ko muna ng singsing para sa kanya.
“Pero siya mismo ang nagsabi na, 'No, gamitin muna sa album.'”
Dugtong pa niya, “Sabi ko nga, kung magpi-pray ako kay God at kung ano ang gusto ko ngayon, sasabihin ko, ‘God, thanks for giving me a perfect girlfriend and future wife.’
“Sana lang, mas may pera kami para mag-enjoy.
“Sabi naman ng girlfriend ko, ‘Kapay may pera tayo, hindi na tayo mag-e-enjoy.'”