Walang manager ngayon si Carlos Agassi pero gusto niyang makapagtrabaho sa ibang network.
Aniya, “Sa TV5, sa GMA, kahit saan...
"Kung kunin nila ako sa ABS, alam naman nila ang number ko."
Hindi ba mahirap na siya rin ang nakikipag-negotiate para sa sarili niya?
Sabi niya, “Well, nakipag-meeting na ako sa ibang manager, pero wala, e… hindi rin nagkakatuluyan.
“Gaya nga ng sabi ko, kung hindi para sa iyo, hindi para sa iyo, di ba?
“Kung meron man na maging manager ko riyan, at least nandiyan lang.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Carlos sa soft media launch ng Guitar Underwear noong May 28, Martes, sa Shutter Space Studios, Katipunan Avenue, Quezon City.
Hindi siya ang tipo ng tao o artistang gumi-give up agad?
“Ay, hindi,” nakangiting sabi niya.
“Nandito pa rin naman ako at naniniwala naman ako sa kakayahan ko.
“As long as you give your best, wala kang ginagawang masama, marunong kang makisama...
“Kumbaga, good role model ka, kabutihan ang ginagawa mo, good karma rin ang balik sa iyo.
“Hindi naman ako busy ngayon sa TV, pero sa awa ng Diyos, halos every day, may raket.
“Tapos sa August, nasa UK ako, may show… mabait ang Diyos.
“Pero siyempre, mas maganda kung may regular show.
“Kasi ngayon, puro replays na lang at yung dati kong ginawa…
“Yun na lang talaga ang pine-pray ko.”
NO MANAGER. Nalaman namin mula kay Carlos na matagal na siyang wala sa Star Magic, ang talent arm ng ABS-CBN.
Aniya, “Wala akong manager. Kasi ever since, wala akong kontrata sa kanila [Star Magic], kahit noong Hunks pa lang ako, wala, e.
“Nagpapasalamat naman ako may mga raket-raket, pero siyempre, ipinagdarasal ko rin na sana magkaroon ako ng regular show.”
Noong 1996 pa raw ang huling kontrata ni Carlos sa Star Magic, pero hindi siya na-renew.
“Ngayon, kapag may raket, straight lang, diretso lang sa akin.”
CO-ENDORSERS. Hindi naman daw nai-insecure si Carlos kahit na kumuha pa ng ibang celebrity endorsers ang Guitar Underwear bukod sa kanya.
Sabi ni Carlos, “Kasi ako, the more the merrier.
"May music na rin tayo, si Gloc-9. Tapos si Mike Tan, taga-GMA.
"Maganda yun para kung may show kami, kagaya ngayon, puwede, di ba? Lahat ng market, nakukuha.
“For me, ha? Kahit noong Star Circle... kasi naniniwala ako sa kakayahan ko.
“Naniniwala ako na I’m unique from others just as they are unique from me.
“Meron silang kayang gawin na hindi ko kayang gawin, so parang tulungan lang.”
ROLE MODEL. Hindi bago kay Carlos ang maging model ng underwear dahil dati na raw siyang modelo ng ibang brand.
Sabi niya, “Ako kasi, naniniwala ako, ever since na naging modelo ako o maging celebrity ka, role model ka na—people look up to you.
“So, kung may gawin ka man, kailangan responsible ka sa gagawin mo.
“Kaya mahirap gumawa ng jokes na may mga double meaning kasi hindi maganda.
“So, ever since, nagsimula akong commercial model at ako ang panganay sa tatlong magkakapatid.
“Kung ano ang ginagawa ko, gagayahin ng dalawang bunso. So, good model palagi.”
Dugtong pa niya, “At saka naintriga na akong namatay, may sakit sa kidney...
“Kung may sakit ako sa kidney, I don’t think na ganito ang katawan mo.
“Hindi ako nagyo-yosi, hindi ako umiinom, hindi ako nagda-drugs—I watch what I eat.
“So, kung may mga negative, ibig sabihin, tama ang ginagawa mo, may mga haters.
“As long as gumawa ka ng kabutihan, kabutihan ang babalik sa iyo.”
FIL-BRITISH GIRLFRIEND. Kasama ni Carlos noong gabing iyon ang Fil-British model-girlfriend niyang si Margo Midwinter.
Engaged na ang dalawa, pero wala pa raw silang planong magpakasal sa ngayon.
“After three years pa yata!” natatawang sabi ni Carlo.
“Ako, gusto ko na. Pero love ko siya, so hintay lang ako… siya ang boss ko, e.”
Ang girlfriend niya ang hindi pa handang magpakasal?
Sagot ni Carlos, “Oo, e, twenty-two lang siya, ako thirty-three.
"Pero ako naman, kung kailan niya gusto, okay lang ako—matuloy man o hindi.
“I mean, ako ang tipo ng taong kung para sa iyo, para sa iyo, e.
"Ako kasi, hindi ko nakikita ang sarili ko with other women.
“Siyempre, ayokong maghiwalay, pero ayokong magsalita ng patapos.
“Ang magagawa ko lang, patuloy na magmahal sa kanya, mag-support sa kanya, di ba?
“Kung anuman ang mangyari, parang career. Kasi ako, hindi ko nakikitang pinipilit ko ang sarili ko.
“Kung para sa iyo, para sa iyo.”