Ang rapper na si Gloc-9 ay isa nang underwear endorser!
Pero ayaw nitong humilera sa mga hunks— Carlos Agassi, Mike Tan, at DJ Durano— na current image-model endorsers ng Guitar.
Nagtaka nga siya kung bakit nagka-interes sa kanya ang naturang brand para kunin siyang image model.
Saad niya, “Napatanong din ako noong una, ‘Bakit nila ako gustong kunin?’
“And then, nagkausap kami ng Guitar… siguro with Carlos and Mike representing the pogi and the macho guys, ako siguro yung nandoon na magri-representa ng the typical Pinoy na puwede rin namang magsuot ng Guitar underwear at mag-feeling macho while doing it.”
PREPARING FOR THE SHOOT. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Gloc-9, tahasan niyang sinabi na hindi siya talaga macho.
“Napakasimple lang ng mga hangarin ko sa buhay,” deklara niya.
“Pero sa tagal ko rin sa trabahong ito, nandoon na rin ako sa point na I’m willing to explore new things and sabi ko, ‘Sige, try natin.’
“Pero at that time na in-offer sa akin, kailangan kong mag-diet ng 20 days for the pictorial.
“Pero noong nakita ko si Caloy [Carlos Agassi], sabi ko,’Kulang pa rin ‘ata, ah?’ Kaya kumain na rin ako,” nangingiting kuwento ng rapper.
Kaya naman, mga damit pang-itaas ang imo-model ni Gloc-9.
“Sabi ko, iwas tayo sa underwear na pambaba… sa kanila na lang yun,” aniya.
GO SEXY. Tinanong namin si Gloc-9 kung hindi ba niya kaya ang magpa-sexy nang kaunti?
“Baka itakwil ako ng mga anak ko!” sabay tawa niya.
Hindi rin maika-categorize ni Gloc-9 ang sarili sa mga hip-hop at rapper na naka-sando lang na super low waist ang pants at nakalabas ang suot nilang boxers.
“Ah… ‘eto yung mga talagang fit na fit ‘no? Siguro kailangan ko pang paglaanan ng matagal at mabusising panahon.
“Siguro pag darating yung panahon na may oras akong mag-gym, ayan, puwede siguro.
“Pero sa ngayon, ang oras na natitira para sa akin, inilalaan ko sa mga anak ko.
“Ang una naming anak ay kambal… magna-nine years old na.
“Ang pangalan noong isa ay Sean Daniel at yung girl naman ay Danielle Shaun.
“Hindi ko na sinundan yung kambal, medyo mahal na ang tuition fee,” masaya niyang sabi.
POLITICAL ENDORSEMENTS. Ngayong naumpisahan na ni Gloc-9 ang tumanggap ng mga endorsements, bubusisiin at pag-aaralan daw muna niya ang mga offers bago tanggapin.
Katunayan, may mga tinanggihan na raw siyang endorsements nitong nakaraang kampanya sa kakatapos na mid-year elections.
Eksplika niya, “Ayoko kasing mag-endorso ng kandidato na babayaran ako ng presyong hindi ko matatanggihan pero hindi naman ako benta sa kandidatong yun.
“Pero so far, wala pa naman akong tinanggihang produkto, yung sa eleksyon lang.”
Si Gloc-9 ang umawit ng theme song ng Manila Kingpin, the Asiong Salonga Story na humakot ng awards.
Mula noong 2011 hanggang sa ngayon, paborito pa ring awitin ang “Hari ng Tondo.”
Dahil naging maganda ang team-up nilang dalawa sa movie, ikinampanya ba ni Gloc-9 si Governor ER Ejercito last election?
Sa ikalawang pagkakataon, nakuha uli ng actor-producer-politician ang posisyon.
“Hindi naman lumapit sa akin si Gov., e. Pero wala namang problema kung sinabihan niya ako.”
Biniro namin ang rapper na milyong piso ang pinalampas niya sa mga political endorsements.
“Hindi, hindi naman. Medyo sacrifice din sa akin at sa kabanda ko na hindi kami kukuha ng gigs.
“Although, may mga gigs kami na mis-informed na pupunta kami sa location, pero it turns out na [political] campaign.
“May mga guidelines kami sa contract na kailangan ding sundin, nag-a-adjust din naman sila.”
INSPIRATION. Walang dudang sikat si Gloc-9 dahil sa kanyang mga makahulugang mga rap songs.
Ano ang nararamdaman ng isang pinakasikat na rapper sa Pilipinas?
“Ah… sa totoo lang, never kong inilagay sa isip ko ‘yan.
“Steady lang yung phasing ng trabaho ko— kung ano yung trabaho ko before, ganoon din rin lang naman yung ginagawa ko ngayon.
“Kasi feeling ko, pag inisip ko yun, wala na sa direksyon yung gusto kong puntahan— hindi na siya yung focused na gusto kong pagtuunan ng pansin.
“Yung focus ko lang ay gumawa ng kanta, mag-record ng songs at makapagkuwento lang kung ano ang gusto kong ikuwento.
“Yun lang rin lang naman ang gusto ko from the start.”
Kapansin-pansin na ang mga nililikhang mga awitin ni Gloc-9, minsan ay commercial at minsan naman ay patama.
Ano ba ang gusto niyang tumbukin bilang isang rapper?
“Kasi depende ‘yan, e. Lagi ko ngang sinasabi na ang kantang sinulat ko ngayon, after naming i-release, ay hindi na ako.
“So, may sariling buhay na siya. I’m very, very happy pag ang isang kantang binatawan namin ay…
“Sabi ko nga na hindi mo puwedeng ikumpara ang isang awitin na nakakuha ng platinum o gold record award sa isang kantang naka-inspire, nakabago ng buhay ng isang tao.
“Mas okey ako doon sa isa kaysa sa platinum award... ang maka-inspire ng buhay ng isang tao, kahit isa lang, ha, very fulfilling na sa akin.”
PRINCE OF RAP? May mga nagsasabing siya na raw ang sumunod sa yumaong Master Rapper na si Francis Magalona pagdating sa larangan ng kanyang musika.
Mabilis niyang sambit, “Lagi kong sinasabi na walang papalit kay Sir Kiks [tawag niya kay Francis M]
“Pero I’d like to think din na naipagpatuloy ko kung ano ang ginagawa ni Sir Kiks.
“Yun ay ang maka-inspire… Kasi lagi kong sinasabi kay Sir Kiks, ako ay understatement, ako ay number one fan ni Francis Magalona.
“Dahil naging close friends kami, pero minsan, yung tingin ko kay Sir Kiks, hindi nagbago, e… fan pa rin ako, e.
“Noong nabubuhay siya, kapag ikinukuwento ko yun sa kanya, natatawa talaga siya.
“Sinasabi ko na ako ay example ng kung paano nakapag-inspire ng mga kanta niya dati.”
Kaya na ba niyang tanggapin na siya ang susunod na Francis M?
“Honestly, hindi ko po yun iniisip. Dahil out of respect kina Ma’am Pia Magalona and their children, wala pong papalit kay Sir Kiks.
“Ginagawa ko lang po kung ano yung natutunan ko kay Sir Kiks.”
Yung susunod sa yapak ni Francis M, puwede?
“Puwede po! Pero para pumalit, ay iba na po yun!”
Kung si Francis M ay “King of Rap,” puwede na bang bansagan bilang “Prince of Rap” si Gloc-9?
“Meron na po akong title o kanta sa album ko.
“Ang title ng kanya ay 'Alalay ng Hari,' so, ako po ay alalay lamang,” nakangiti niyang pahayag.
GOOD PROVIDER. Sa ngayon ay tinatapos na ni Gloc-9 ang bago at pang-pito niyang album sa ilalim ng Universal Records na Ang Liham at Lihim.
Paglilinaw niya, hindi raw ito political. Kuwento ito ng mga tao na na-encounter niya.
Sikat at bestseller ang album, kaliwa’t kanan ang mga gigs, maganda ba naman ang kita sa pagiging rap singer?
“Ahm… sabi ko nga po, kasi kung 2003 pa ako nag-solo, 1997 pa ako nag-start professionally.
“Kung puhunan at puhunan rin lamang po sa 16 years, ang puhunan ko po sa 16 years ay mahigit kalahati…
“Mga nine years bago pa ako natandaan ng kahit sinong tao ang pangalan ko pag kailangan nila ng serbisyo ng isang rapper.”
Sa loob ng siyam na taon? Ano na ba ang naipundar ng isang Gloc-9?
“Well, nakakapag-provide po ako nang maayos sa aking pamilya, and, at the same time, nakakapagtabi po ako, nakakapagpaaral po ako sa isang magandang eskuwelahan.
“Hindi ko na po kailangang i-enumerate ang pinagbibili ko, pero kumportable po ang buhay ko.
“And I’m very, very thankful sa lahat ng sumusuporta, at siyempre sa Maykapal na ang trabaho ko na bumubuhay sa amin ay yung ipinagdasal ko noong ako’y twelve years old— na gusto kong maging rapper.”