Kagabi, February 13, ay naglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong CCTV (closed-circuit television) footages kaugnay ng pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro.
JANUARY 17. Sa CCTV footage na kuha noong January 17, Biyernes—ang unang pagdalaw ni Vhong sa modelong si Deniece Cornejo sa Forbeswood Heights Condominium—makikitang sabay na sumakay sa elevator sina Vhong at Deniece, bago mag-10 p.m.
Ngunit nilinaw ng NBI na ang oras na makikita sa CCTV footage ay atrasado ng halos 40 minutes.
(All photos: Screen grab from Bandila)
Makalipas ang tatlong oras, madaling-araw ng January 18, Sabado, makikitang sumakay muli sa elevator si Vhong, pero hindi na niya kasama si Deniece.
JANUARY 22. Sa CCTV footage naman na kuha noong January 22—ang gabing nabugbog si Vhong—makikitang mag-a-alas diyes y medya ng gabi, o halos tatlumpong minuto bago dumating si Vhong, nauna nang sumakay ng elevator si Bernice Lee, kapatid ni Cedric Lee, kasama ang dalawang lalaki.
(Si Bernice Lee ang babaeng nakatalikod sa camera.)
Makalipas ang ilang minuto, makikitang muling sumakay ng elevator si Bernice, pero mag-isa na lamang ito.
Sa salaysay ni Vhong sa Buzz Ng Bayan noong January 26, sinabi niyang ilang sandali pagdating niya sa condo unit ni Deniece ay may dalawang lalaking lumabas at tinutukan siya ng baril.
Lahad ni Vhong, "Pagbigay ko ng food, papunta ko sa sofa, bigla siyang lumabas.
"Pagharap ko, palabas na siya, may lumabas ng dalawang lalaki na nakatutok sa akin ang baril.
“'Tapos, lumabas na si Cedric... Cedric Lee.”
Read: Vhong Navarro identifies alleged masterminds behind mauling incident
JANUARY 23. Sa CCTV footage naman noong January 23, ilang sandali matapos magpa-blotter sina Cedric, Deniece, at mga kasamahan sa Southern Police District (SPD) laban kay Vhong, makikitang sabay-sabay na sumakay ng elevator ang grupo ni Cedric.
Ilang sandali lamang, habang nasa loob pa rin ng elevator, nilapitan ni Cedric si Deniece at hinalikan sa magkabilang bahagi ang leeg ng modelo.
Sa mga naunang panayam kina Cedric at Deniece ay pareho nilang itinanggi na may namamagitan sa kanila higit pa sa magkaibigan.
Ayon pa nga kay Cedric, sa January 27 interview niya sa PEP, dalawang taon na silang magkaibigan ni Deniece.
“Wala, kaibigan...
“But she’s closer to my sister [Bernice Lee]. They’ve known each other for four years.”
Nang muling tanungin kung hindi niya girlfriend si Deniece, sagot ni Cedric: “Hindi po. May asawang tao po ako.”
Si Deniece naman ay sinabing parang "kuya" lang ang turing niya kay Cedric.
Sa panayam ng PEP at Startalk noong January 29, sinabi ni Deniece: “Kaibigan ko rin po siya, pero mas kaibigan ko talaga si Ate Bernice.
"Pero mabait po siya, parang kuya ko nga po siya, e."
Read: Deniece Cornejo says she filed rape case against Vhong Navarro to teach him a lesson
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang kampo nina Cedric at Deniece kaugnay ng mga bagong CCTV footage na inilabas ng NBI dahil hindi pa raw nila ito napapanood.
Featured Searches: