Matapos tanghaling grand champion sa Protégé: Battle For The Big Artista Break, ang reality artista search ng GMA Network noong 2012, napanood si Jeric Gonzales sa apat na magkakasunod na weekly shows at teleserye.
Kabilang dito ang Teen Gen, a youth-oriented show na sequel ng T.G.I.S. nung early 2000s; ang Love And Lies, with Thea Tolentino, na naging kapareha rin ni Jeric sa Pyra; at ang natapos nang iereng teleseryeng Paraiso Ko'y Ikaw, na pinagbidahan nina Kim Rodriguez at Kristoffer Martin.
Wala pang nagawang pelikula si Jeric, 21, hanggang nakapasa siya sa audition para sa kasalukuyang nagsu-shoot Nora Aunor-lead starrer na Dementia, ang debut directorial film ni Perci Intalan.
Si Perci ay dating executive ng TV5 at partner ng writer-director na si Jun Lana.
Hindi ba nababagalan si Jeric sa naging pag-usad ng kanyang showbiz career pagkatapos ng Protege?
“Hindi naman po... hindi naman. Tama lang po,” sagot ng young actor nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Basco, Batanes, noong March 23.
Nagbiyahe si Jeric sa northern island-province para sa shooting ng Dementia, at nanatili roon mula March 19 hanggang 28.
Si Jasmine Curtis Smith ang pinaka-love interest ni Jeric sa movie, although hindi isang romantic film ang Dementia, kundi isang psychological horror-drama.
Hinggil sa pagkakuha niya ng role bilang si Vincent, ang Ivatan (Batanes-born) teener na naging katuwang ng mag-inang Bing Loyzaga at Jasmine sa pangangalaga sa tiyahing may karamdaman (Nora, bilang dementia patient), sabi ni Jeric:
“Madami po kami na nag-audition... mga indie actors po.
“Natutuwa po ako, sobra. Talagang pinaghirapan po ang role.
"First movie ko po ito, e."
RIVALS AND IDOLS. Ano ang masasabi ni Jeric sa pagtukoy na siya ang posibleng maging “next this” o “next that” bilang importanteng aktor?
Tugon niya, “Masaya po, lalo akong napu-push. Lalo akong namu-motivate.
“Nae-encourage po ako na puwede pala akong maging gano'n, kaya lalo kong gustong matuto.”
Kasabay ni Jeric na nahirang noong 2012 bilang kampeon din ng isang artista reality search, ang Artista Academy ng TV5, si Vin Abrenica.
Maituturing ba ni Jeric na karibal niya ngayon si Vin?
“Siguro po… oo,” maikling sagot niya.
Among today's crop of male artists na nasa kuwadra ng GMA, sino naman ang idolo o nais tularan ni Jeric in terms of popularity and achievements?
“Si Dingdong Dantes po. Gusto ko po talaga [maging katulad niya],” banggit ni Jeric.
Pursigido raw si Jeric na marating ang estadong tulad ng kay Dingdong.
“Opo. Sobra talaga [ang pagpupursigi ko]. Hanggang ngayon, pangarap pa rin.”
Graduate ng kursong Nursing si Jeric. Hindi lang siya nakakuha pa ng Board exams dahil sa pagsali niya at pananalo niya sa Protégé.
It was a tough decision na hindi naman pinagsisisihan ni Jeric.
At malaking bagay raw ang pagkakaroon niya ng malaking role sa Dementia sa pagpupursigi ni Jeric.
WORKING WITH THE SUPERSTAR. Noong March 20 at 22 ang unang two-day shoot ni Jeric with Nora Aunor, no less.
Kuwento ng binata, “Second day [of shooting], yun na po yung sa amin.
“Kaming dalawa lang po [ang magkaeksena].
“First time po, nung unang day, wala pa naman yung dialogue.”
Ano ang pakiramdam niya sa una nilang paghaharap ni Nora sa harap ng kamera?
“Kinabahan po ako, pero pigil na pigil!” bulalas niya.
Kaya hindi halos napansin ang pagiging kabado ni Jeric.
“Oo!” natawang sabi niya.
“Sobra pong kabado, pero nawala po kasi sobrang bait din niya. Hindi ako na-pressure.
“Niyakap ko pa nga po, e, bago kami mag-take.”
Ano ang sinasabi ni Nora kay Jeric, off-camera?
“Siya po yung nagpapalakas ng loob ko.
“Sabi niya, 'Kayang-kaya mo ‘yan... kahapon nga, ang galing-galing mong umarte, natural na natural.'
"Sabi ko, 'Wala naman po akong lines...'
“Na-appreciate niya po [kahit] gano'n lang.”
Coming from somebody like Nora Aunor, very flattering daw yun.
“Sobra po, sobra!
“Hindi ko ma-imagine. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala.”
JASMINE CURTIS SMITH. Nang madako ang usapan sa kanyang kaparehang young actress na si Jasmine Curtis Smith, kapansin-pansin ang ibang sigla kay Jeric.
Hindi man niya sabihin, obvious na nagkaroon ng crush si Jeric kay Jasmine.
Pero aniya, “Wala naman pong love [angle sa kuwento], parang magkasama lang kami parati.”
Ano ang masasabi niya tungkol kay Jasmine?
Tugon ni Jeric, “Sobrang bait po, e. Sobra.
“Palagi naman po kaming [nagkaka-bonding sa set], kasi ano siya, e... hindi siya suplada.
“Palagi siyang nakikisama, ‘tapos nakiki-bonding sa amin.”
Ano ang kadalasang nagiging topic ng kuwentuhan nila?
“Kung anu-ano lang po!” natawa si Jeric.
"About po sa kanya at saka kay Anne [Curtis], sa ate niya."
Parang “getting-to-know-you” na sila ni Jasmine?
“Puwede,” nangiti uli ang binata.
Tinatanong ba siya ni Jasmine tungkol sa mga bagay-bagay na personal?
“Hindi po. More of kami po yung nagtatanong sa kanya.”
JASMINE’S BOYFRIEND. Alam naman daw ni Jeric na may boyfriend na si Jasmine.
"Oo naman po. Aware naman po ako diyan.
“Aware po ako na meron siyang boyfriend—si Sam [Concepcion].
“Pero hindi po niya ikinukuwento, hindi po kami ganung mag-usap.
“Gusto ko nga pong biruin, ‘Kumusta na kayo?’”
Pero napipigilan daw si Jeric, “Kasi ang bait po niya.”
Non-committal din si Jeric sa isyu ngayon sa pagitan ni Sam at ng ate ni Jasmine na si Anne Curtis.
Kaninang hapon, April 3, ay muling nakausap ng PEP si Jeric sa pamamagitan ng telepono.
Sinubukan naming kunin ang kanyang reaksiyon tungkol sa isyu kina Sam at Anne.
“Tapos na po ang shooting ko,” sabi ni Jeric sa kabilang linya.
Kahapon, April 2, natapos ang mga eksena ni Jeric; si Jasmine ay may mga eksena pang kinukunan.
Nagkausap ba sila ni Jasmine tungkol sa isyu bago siya umalis?
"Hindi po, e. Tahimik po si Jasmine.
“Wala pong nagbabanggit ng tungkol sa issue sa set.
“Pero nahalata din po na, yun nga, na-upset si Jasmine... naapektuhan din po ang work niya.”
Nabanggit din ni Jeric na dumalaw sa set ng Dementia si Sam.
“Kahapon po [April 2], nandoon siya, nag-usap sila. Pero hindi ko na po alam ang pinag-usapan nila.
“Ipinakilala po niya [Jasmine] sa akin… opo, first time ko siyang na-meet."
Sabi rin niya, "Masaya po ako para kay Jasmine, kung saan siya masaya.
“Sana maayos agad ang problema, kung anuman ‘yon.”