Isang paalala ang ipinost ng aktres na si Ryza Cenon tungkol sa mga taong nakakaranas ng depresyon.
Isa lamang si Ryza sa mga kilalang personalidad na nagulat sa pagkasawi ng kilalang American food and travel show host na si Anthony Bourdain.
Ayon sa mga naglabasang report nung Biyernes, June 8, nag-suicide ang 61-year-old host.
Sa Instagram post ni Ryza nung araw ring iyon, ipinaunawa ng Kapamilya actress na hindi lamang simpleng kondisyon ang depresyon, na pangunahing dahilan ng suicide attempts.
“Hindi po ganun kadali sa amin na nakakaranas ng depression ang magsalita at magshare ng nararamdaman,” post ni Ryza na umaming dumaan din sa depresyon.
“Sakit sya na on and off na minsan akala mo ok ka na pero babalik sya ulit,” pahayag ng aktres.
“Madaling sabihin na humingi ng tulong pero mahirap gawin kaya nga ang gusto nila mag-isa at mag-isa nila haharapin at tatapusin minsan (ang sakit?) dahil ayaw nila masaktan ng paulit-ulit, ayaw nila makadagdag sa problema ng iba at may sasabihin sa kanila na hindi maganda at masasaktan ulit dahil sa totoo lang NAKAKAPAGOD sya NAKAKAPAGOD magkaroon ng Depression.”
BE NICE, BE SENSITIVE. “Kaya maging sensitive tayo sa mga tao nasa paligid natin,” ani Ryza sa kanyang post.
“Wag nyong hintayin lumapit at humingi ng tulong dahil hindi mangyayari yun bihira mangyari yun.” '
Malaki raw ang maitutulong ng simpleng pangungumusta sa isang tao dumaranas nito.
“Sa simpleng 'uy, kamusta ka na?' 'Ok ka ba?' Or, 'dito lang ako na kaibigan anytime kung kailangan mo ng kasama or kausap.'
“Sa simple pangangamusta makakatulong ka.
“Kaya dapat isipin din natin yung lumalabas sa bibig natin na baka hindi tayo aware yung taong sinasabihan mo may mabigat palang dinadala at nasasaktan mo na, lahat tayo dito sa mundo ay tao lang, nasasaktan.
“ So be nice and be sensitive.”
Ang suicide ay hindi sagot.
May mga grupo at organisasyon na pwedeng tawagan para sa mga nangangailangan ng tulong: Depression & Suicide Hotline by Natasha Goulbourn Foundation, (02) 804-4673 / 0917
-558-4673 at ang Manila Lifeline Centre, (02) 896-9191 / 0917-8549191.