Aminado si Christian Bables na naging negatibo ang imahe niya sa publiko pagkatapos niyang mag-back out sa TV spin-off ng critically-acclaimed movie na Die Beautiful (2016), ang Born Beautiful, na ididirek sana ni Jun Lana katuwang ang IdeaFirst Company nila ng partner nitong si Perci Intalan.
May garalgal sa boses na pahayag ni Christian, “Opo. Kasi halos araw-araw po akong nakakabasa nung mga bad write-ups about me.
“Na ako, personally, it’s painful for me 'coz I know yung mga nakasulat dun sa write-up, hindi po totoo.
“Yung utang na loob na sinasabi nila dun sa write-up, that is one thing na siguro hindi ko mapapayagan.
“Dahil kung bubuksan niyo yung dibdib ko, yung utang na loob will always be here.
“Hanggang siguro mamatay ako.”
Bago ang Die Beautiful, isang aspiring actor lang noon si Christian.
Ngunit dahil sa pelikula at sa role niya bilang trans woman na si Barbie, umingay nang husto ang kanyang pangalan at nanalo pa ng acting awards mula sa Metro Manila Film Festival 2016 at Gawad Urian 2017.
Hindi na raw mabubura kay Christian ang pagtanaw ng utang na loob mula sa mag-asawang direktor na sina Jun at Perci.
Saad niya, “Itong mga taong ito ang dahilan kung bakit ako nandito.
"So it’s very unfair for me and for them para sabihin na nag-fall apart yung tiwala, yung utang na loob ko sa kanila.
“Hindi po mangyayari.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Christian sa grand media conference ng pelikulang Signal Rock, ngayong hapon ng Huwebes, July 26.
Ginanap ang presscon sa Valencia Events Place, sa Quezon City, kung saan present din ang ibang cast ng pelikula at ang direktor nitong si Chito Roño.
THE REASON
Nilinaw ni Christian na hindi ang Signal Rock ang dahilan ng pagba-back out niya sa Born Beautiful kundi ang kasalukuyan niyang ginagawang teleserye sa ABS-CBN, ang Halik.
Naayos na raw ang gusot na iyon, at ang kinakatakutan naman niya ngayon ay ang pagtanggap ng mga manonood sa Signal Rock, na entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2018.
Si Christian ang pangunahing bida sa pelikulang ito.
Saad niya, “Ipinagpasa-Diyos ko na.
"Nung una siyempre natatakot ako kasi siyempre unang pelikula ko po ito [na bida], papa'no kung hindi kumita?
“Paano kapag ano, walang nanood?
"Parang inaano ko na, inaano ko na po, ipinagpasa-Diyos ko na.
“Nakakasakit sa ulo kapag iniisip nang iniisip.
"At saka tiwala naman po ako dun sa quality ng film. Lahat talaga po, as in."
Kabilang din sa cast ng Signal Rock sina Elora Españo, Mara Lopez, Francis Mangundayao, Arnold Reyes, Nading Josef, at marami pang iba.
Ipalalabas ito sa mga sinehan mula August 15 hanggang 21.