Inaresto ang sexy comedienne na si Keanna Reeves dahil sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya ng negosyanteng si Nancy Dimaranan sa Laguna.
Ngayong Lunes ng tanghali, November 12, naaktuhan si Keanna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Laguna sa labas ng kanyang tinitirhang condo sa may Scout Ybardolaza, Quezon City.
Ayon kay Chief Inspector Cyrus Serrano, hepe ng CIDG-Laguna Provincial Field Unit, dadalhin si Keanna sa Cabuyao, Laguna, para sumailalim sa booking procedure.
Sa video na ipinost ni Dimaranan sa Facebook ngayong hapon, makikitang kasama ng arresting officers si Keanna.
Nitong nakaraang Agosto, sinampahan ni Dimaranan si Keanna ng cyberlibel dahil sa pagbabanta at pagmumura nito sa kanya.
Nagpadala ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng mensahe kay Keanna sa Facebook upang humingi ng detalye tungkol sa pagkakaaresto sa kanya.
Sabi ng aktres, bailable naman ang kasong isinampa laban sa kanya kaya makalalabas kaagad siya.
Pahayag niya, “Wala yun, nagpapasikat lang yung kalaban.
"Bailable naman ang kaso at wala kasi kaming natanggap na resolution kaya nagulat ako.
"Pero piyansa lang naman ito, 'tapos korte na kami.
"Fiscal pa kasi kami noon, 'tapos ngayon korte na kami."