Masaya ang dating Wowowin host na si Herlene Nicole Budol, na kilala rin bilang "Hipon Girl," sa madalas na pag-trend niya sa social media nitong mga nakaraang linggo simula nang sumali siya sa Binibining Pilipinas 2022.
Ngunit sa panayam niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Lunes, May 23, 2022, inamin ni Herlene na nakakakuha pa rin siya ng negative comments mula sa bashers.
Ngunit sa halip na malugmok, mas natutuwa pa raw si Herlene sa tuwing nakakakita ng ganitong klaseng komento.
Aniya, “Happy po ako, pero nandiyan pa rin po yung mga basher.
"At tuwang-tuwa po ako actually sa mga basher kasi sila po yung nagsasabi ng lahat ng pagkakamali ko.
"At ini-improve ko po sa sarili ko.”
Patuloy ni Herlene, “Actually, bine-base ko din po sa kanila yung improvement ko every day kasi gusto ko po ba sa kanila po nanggagaling.
“Kasi, hindi ko po malalaman yung mga pagkakamali ko kung wala pong ibang tao na nagsasabi din sa akin.”
Read also: 10 most amazing Binibining Pilipinas 2022 glam shots
BINIBINING PILIPINAS 2022 JOURNEY
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Herlene sa kanyang manager na si Wilbert Tolentino na buong-buo ang suporta sa kanyang pagsali sa Binibining Pilipinas 2022.
Ayon kay Herlene, si Wilbert ang gumagastos sa lahat ng pangangailangan niya para sa pageant.
Sinabi ni Herlene sa isang Instagram post na gumastos si Wilbert ng PHP150,000 para lang sa kanyang Mascota na ginamit sa Binibining Pilipinas 2022 Grand Santacruzan noong May 14, 2022.
Sabi ni Herlene, “Sagala pa lang po yun. Siya po talaga yung financier ko simula po nung nag-start ako.
“And totoo po talaga, wala po akong ginagastos.”
Sa ngayon, ine-enjoy lang ni Herlene ang kanyang training lalo't nalalapit na ang katapusan ng pageant.
Aniya, "Sobrang nag-e-enjoy po ako kapag nagpa-practice ako ng lahat ng mga kailangan ko dito."
Deadma rin sa pressure si Herlene.
Paliwanag niya, “Hindi po, kasi po hindi naman ito pressure para… hindi po ito kailangan i-pressure mo yung sarili mo.
“I-enjoy mo lang bawat… stepping stone ito kasi hindi naman ito laban, e.
"Hindi naman po, talagang sasagutin ko siya ng puso at ng utak.”
Sa tanong naman kung Miss Grand International crown pa rin ang target niya, sagot ng Kapuso TV personality, “Actually po, mas nae-explore ko na po yung pageant.
"Open na po ako sa lahat ng crown. Pero dahil love po ng Pilipino ang MGI, let’s pursue it.”
Ano pa ang aabangan kay Herlene sa mga susunod na araw nito sa kompetisyon?
Pabirong sagot niya, “Yun po yung aabangan niyo! Charing! Pag sinabi ko o, hindi na kaabang-abang.”
READ MORE: